Chapter 19: Red Letter

30 2 0
                                    


CHAPTER 19

Red Letter

Kabababa ko lang galing sa building ng Grade 8 nang makitang punong-puno ng mga E.S.P. officer ang bench. Lumapit ako sa isa sa kanila at tiningnan ang ginagawa nila. May mga balat ng zesto sa lamesa at binabalutan nila ng magagandang pabalat.

"Para saan 'yan?"

Tumunghay sa akin ang isang officer. "Message booth, ate."

Tumaas ang mga kilay ko at kinuha ang baon ko sa bag. "Talaga? May mga pakula pa lang ganyan ang club ninyo?"

"Oo, ate. Gusto mo ba? Five pesos lang isang papel. Puwede mo 'yong sulatan 'tapos kami na ang magdadala sa taong gusto mong pagbigyan."

Tumango-tango ako. May taong pumasok agad sa isip ko pero binalewala ko na lang. Kung bumili man ako ng papel, hindi ko rin naman alam ang isusulat ko. Isa pa, ayaw kong makarating iyon sa kaniya sa ganoong paraan.

"Kung may crush ka, puwedeng dito ka umamin, ate. Hindi ka mahihiya."

Mahina akong tumawa sa pag-sales talk niya sa akin. Kung sulatan ko si Sanford at umamin akong crush ko siya, nakakahiya iyon. Kaharap ko siya sa table sa room. Kapag dumating ang sulat ko sa kaniya at nandoon siya habang binabasa iyon, hindi ko mapipigilan ang sarili kong mahiya, kahit pa hindi ko ilagay na sa akin galing iyon.

"Dinadaan mo ako sa sales talk. Sige, bibili ako. I-abot mo na lang sa akin mamaya. Kakain lang ako ng lunch."

Napangiti ang officer sa akin. "Thank you, ate. Anong gusto mong kulay ng papel?"

"Red..."

Napakagat ako sa labi ko. Hindi ko naman paborito ang kulay pula. Iyon ang kulay ng bag niya kaya iyon agad ang naisip kong kulay. Tumalikod na ako at umupo sa kabila para kumain.

Nasa kalagitnaan ako ng pagkain ko nang natanaw ko si Ceejay kasama sina Sonny. Pauwi na yata sila. Siguradong makikita nila ako rito dahil dadaan sila para makapunta sa gate. Binagalan ko ang pagnguya ko. Hindi ko alam kung bakit kahit hindi ko ma gusto si Ceejay, concious pa rin ako. Siguro dahil sa ginawa niyang kilos noong umiiyak ako kaya ganito ako ngayon.

Mas lalong bumagal ang pagnguya ko nang narinig ko na ang mga boses nila. Wala namang rason para batiin ko sila. Magkaklase kami pero hindi ibig sabihing sa lahat ng oras, magpapansinan kami. Kung magtangka man akong kausapin sila, anong sasabihin ko?

Hi! Uuwi na kayo? Puwedeng sumabay maglakad, Ceejay, just holding hands while walking ba?

Napairap ako nang wala sa oras. Kung ano-ano na lang pumapasok sa utak ko. Hindi ko na naman crush si Ceejay.

"Ate, ito na 'yong letter na red para sa crush mo."

Naubo ako nang nasamid ako sa isang butil ng kanin. Uminom ako nang maraming tubig. Nangilid ang mga luha ko. Grabe 'yon!

"Okay ka lang, ate?" tanong ng officer sa akin.

Marahan akong tumango at tinanggap ang papel mula sa kaniya. Napatingin ako kina Ceejay at Sonny na napatigil dahil sa nasaksihan nila sa akin. Sa kanilang dalawa, mas pansin ko ang reaksiyon ni Ceejay.

Sandali siyang ngumuso at bahagyang lumapit sa lamesa ko. Kung wala lang flower box sa harap namin, baka kitang-kita niya na ang pagkapahiya ko.

"Okay ka lang?" marahan niyang tanong.

Mabilis akong tumango. "I'm okay. Uh... uwi na kayo?"

Si Ceejay naman ang tumango. "Duty?"

"Oo..."

Nagpaalam sila sa akin. Tinanaw ko na ang sila hanggang makalabas ng gate. Bumuntong-hininga ako at sinarado ang lunch box ko.

Hindi ko alam kung ano talagang dahilan kung bakit naging ganoon ang reaksiyon ko. Hindi ko alam kung lubos ba talagang nawala ang damdaming matagal ko na dapat pinutol. Kung mayroon man, alam ko sa sarili kong hindi na ganoong kalalim katulad noon.

Nang sinabi ko ang kulay ng papel na gusto kong sulatan, si Ceejay ang una kong naisip. Isa sa dahilan ko kung bakit siya ay dahil hindi ko kayang sulatan si Sanford pero alam kong hindi iyon ang pangunahin kong layunin.

Aminin ko man o hindi, si Ceejay talaga ang gusto kong sulatan. Kapag siya, kahit may paulit-ulit na hiya akong naramdaman, nandito pa rin ang lakas ng loob na isiwalat sa kaniya ang mga nasa isip ko at maging hubad sa mga emosyon ko.

Gayunpaman, alam kong hindi tama iyon. Dahil kahit sa gitna ng kilig, kapanatagan, kapayapaan at lakas ng loob na kaya niyang idulot sa akin, nandito pa rin ang pagdududa—pagdududang baka talagang hanggang katuwaan lang ang lahat ng koneksiyong mayroon kami. May pagdududa akong baka lahat ng titigan at mga daplis na sulyap sa pagitan naming dalawa, ako lang ang nagbigay ng kahulugan. Iyon ang isa sa mga pinanghawakan kong ideya kaya lumipas ang pagkagusto ko sa kaniya at tuluyang nabaling sa iba.

KINABUKASAN, hindi ko inasahang matatanggap agad ni Ceejay ang sulat na ginawa ko. Napainom na lang ako ng tubig habang binabasa niya sa tabi ko. I mean, kahit na wala akong nilagay na pangalan ng sumulat at iniba ko ang sulat ko, malakas ang kutob kong mahahalata niya.

Kunwari, wala akong pakialam pero sa gilid ng mga mata ko, kita ko ang pag-angat ng labi niya. Hindi ko alam kung ilusyon ko lang 'yon pero kapag hindi niya na napigilan ang ngiti, magtatakip na lang siya ng panyo sa bibig.

Napalunok ako at nagpatuloy sa pagsusulat. Unti-unti nang rumagasa ang kaba sa dibdib ko. Bakit ba ako kinakabahan? Tungkol lang naman sa pasasalamat, pagtuturo niya sa akin palagi sa Math at kung gaano ko na-appreciate lahat ng ginagawa niya para sa akin ang letter ko sa kaniya.

Nang isarado niya ang letter ko, akala ko makakahinga na ako nang maluwag pero nang nakita ko siyang maingat na tinupi iyon—parang babasaging bagay kapag hindi iningatan, tuluyan na akong nilamon ng kaba at iba pang emosyong ayaw kong pangalanan. Kitang-kita ko kung paano niya marahang isinipit sa libro iyon. Para bang milyong-milyong tseke iyon sa bangko na hindi dapat mapunit.

Umiwas ako ng tingin nang tumunghay siya sa akin. "May natanggap ka palang... ah letter. Gwapo naman!" Sinikap kong maging mapang-asar ang boses ko.

"Hindi nga nagbigay ng pangalan, e. May ideya ka ba?"

Marahan akong tumawa. "Baka... ayaw talagang magpakilala."

"Sayang... paano ako susulat pabalik sa kaniya?"

Hindi ko napigilan ang sarili kong lingunin siya. Nakapaskil ang ngiti niya at para bang sa akin niya lang inalay iyon. May ideya kaya siyang ako ang nagsulat? Magkatabi kami. Alam niya ang penmanship ko. Nahalata niya kaya iyon sa strokes ng sulat ko, sa writing styles ko?

At ano? Susulat siya pabalik sa akin? Ano namang sasabihin niya?

Ako ang unang nag-iwas ng tingin. Bumaba ang tingin ko aa sinasagutan kong output sa Math. Kanina pa ako hirap na hirap at malapit nang ipasa iyon pero ang utak ko, wala na naman sa hulog.

"Ganito i-solve 'yan..."

Hinayaan ko na lang si Ceejay nang agawin niya sa akin ang ballpen ko at siya na ang nag-solve. Pinapaliwanag niya sa akin pero walang pumasok sa utak ko. Hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili kong tumitig sa kaniya habang ginagawa iyon.

Nang natapos, inabot sa akin ni Ceejay ang ballpen ko. Hindi man siya ngumiti sa akin, pero kita ko ang saya sa mga mata niya. "Huwag kang mahiya. Hindi ako magsasawang... turuan ka araw-araw sa Math kung iyan ang pinag-aalala mo, Jessa Mae."

My Happy Crushحيث تعيش القصص. اكتشف الآن