Chapter 25: Happy New Year

19 1 0
                                    


CHAPTER 25

Happy New Year

Dumaan ang mga okasyon. Dumaan ang mga taon, hindi pa rin naalis ang pandemya pero hindi na sobrang higpit katulad dati. Nakakalabas na ang lahat pero dapat may suot na face mask.

Kung may nangyari man sa akin sa yugto na ito ng buhay ko, maraming aspeto ang nasubok sa akin. Nasubok ang pananampalataya ko. Nasubok ko kung hanggang saan ako tatagal sa pagsusulat. Nasubok ako kung ipagpapatuloy ko pa ba ang kursong gusto ng mga magulang kong kunin ko at higit sa lahat, nasubok ako sa mga desisyon ko, kung gusto ko pang manatali o ilagay na lang sa palad ko ang kapalaran ko at tapusin na lang ito.

"Ano sa'yo, 'te?"

"Magkano isang order nitong calderarang baboy?" tanong sa akin ng customer.

"Sixty po isang order, tatlong laman na po."

"Sige, isang order."

Mabilis akong nagsandok ng ulam at nilagay sa plastic. Pagkatapos kong magbuhol, inabot ko na iyon sa kaniya at tinanggap ang bayad. Mabilis kong pinunasan ang kalderong natuluan ng sarsa para hindi langawin. Nang wala nang dumating na customer, umupo na lang ulit ako.

Sembreak namin kaya nag-extra muna ako sa tindahan ng mga ulam ng churchmate namin. Hindi naman mabigat ang trabaho at maaga rin akong umuuwi pero iyon nga lang, nakakapagod. Sa kita kong one twenty, tanging tinda, pamamalengke at paghuhugas ng malalaking kaldero, feeling ko hindi sapat 'yon pero hindi ko naman makuhang magreklamo. Mas mabuti na ang mayroon kaysa wala.

"NASAAN na ang sahod mo?"

Walang imik na inabot ko kay mama ang karampot kong sahod. Pagkatapos niyang kunin iyon, agad akong pumasok sa loob ng kuwarto para magpahinga.

Sa wakas, nakapagpahinga rin ako. Kanina pang masama ang pakiramdam ko dahil sa init. Isa pa, natapilok ako kanina sa pagdadala ng mga kaldero. Nagka-sprain pa yata ako. Mabuti na lang, walang lamang ulam ang mga iyon.

Ipinikit ko ang mga mata ko at huminga nang malalim. Hindi ko alam kung ang sakit ba sa mga paa ko ang iniinda ko ang bigat ng dibdib ko nang mga oras na iyon.

Muli akong huminga nang malalim nang kusang tumulo ang mga luha ko. Nakakapagod. Gusto kong magreklamong may masakit sa akin. Kung hindi ko gagamutin ang paa ko, siguradong mamamaga iyon. Gusto kong magsumbong kay mama na nahihirapan na ako pero hindi niya man lang ako kinamusta, mas una niya pang tinanong ang perang hawak ko bago punahin ang paika-ikang paglakad ko.

Iniyak ko na lang lahat ng gabing iyon, nagising na lang ako ng umaga. Ni hindi na ako nakapaghapunan at almusal man lang dahil dumiretso ulit ako sa pagtatrabaho. Sa gitna ng trabaho, hindi ko maiwasang pagnilayan ang mga bagay-bagay. Alam ko namang nasa legal na edad na ako at marami ng responsibilidad. Alam ko iyon pero hindi ba puwedeng dahan-dahan lang? Bakit ang lupit na agad?

********

Jessa Mae: Happy birthday, Ceejay! Binati na kita. Hindi ko na nakalimutan ang birthday mo.

Ceejay: Salamat, Jessa Mae.

Napangiti ako sa reply ni Ceejay. December 25. Birthday niya ulit pero sa pagkakataong iyon, hindi ko na nakaligtaang batiin siya. Itinago ko ang cellphone ko at nagpatuloy sa trabaho.

Naging paulit-ulit lang ang takbo ng buhay ko. Akala ko, wala nang katupusan ang pagod kong ito. Mabuti na lang, pumayag si Mama nang sinabi kong titigil na ako sa trabaho dahil magsisimula na naman ang klase.

Ceejay: Happy holidays, JM. Happy new year!

Marahan akong natawa sa chat sa akin ni Ceejay nang gabing iyon. Kagagaling ko lang sa trabaho at iyon ang bumungad sa akin. Pagod ako pero nang nakita ang chat niya, medyo gumaan ang loob ko. Para kasing may isang taong naalala ako kahit papaano.

Jessa Mae: Happy new year? December 28 pa lang. Bakit binabati mo na ako? Saka mo na ako batiin kapag new year na.

Hindi ko alam kung bakit may mga pagkakataong nakikita ko si Ceejay bilang malambing na tao. Sabagay, magiging crush ko ba siya kung hindi? Iyon nga lang, hindi ko rin alam kung bakit hindi na bumalik 'yong damdaming iyon sa akin. Masaya akong kaibigan ko siya.

Ceejay: I miss you. Crush mo pa rin ba ako?

Jessa Mae: Miss you too. Bakit? Gusto mo?

Ceejay: Joke lang... pero seryoso, miss na kita. Lagi kong hinihiling na sana... makasalubong man lang kita sa daan, kahit saglit lang, Jessa Mae.

Tipid akong napangiti sa reply niya. Gusto ko rin iyon. Gusto ko rin siyang makita. Huling kita ko pa sa kaniya, noong kinuha ko ang requirements ko. Imbitado ako sa ilang debut party ng mga kaklase namin dati pero wala naman siya.

Jessa Mae: Boring ka siguro sa buhay mo. Happy birthday ulit.

Napakalalim na tao ni Ceejay. Suwerte talaga kung sino man ang makakatuluyan niya. Marami siyang pananaw sa buhay at doon ako humanga sa kaniya.

Ceejay: Hindi masaya ang birthday ko.

Jessa Mae: Bakit naman?

Ang sunod na daloy ng pag-uusap namin ang nagpahinto sa masayang usapan sa pagitan naming dalawa. Ikinuwento niyang nagtamo siya ng sugat dahil sa isang away sa kanila. Inamin niya sa akin ang nararamdaman niya bilang isang anak, na pabigat lang siya sa pamilya niya. Ikinuwento niya sa akin ang ilang problema niya sa pamilya na talagang bago sa akin.

Hindi si Ceejay ang tipo ng taong bigla na lang magsasabi ng problema. Mas nasanay akong siya ang nagpapalakas ng loob ko. Kaya naman ang makitang mahina siya nang mga oras na iyon, nagpapadurog ng puso ko.

Gayunpaman, nagpasalamat akong naging open siya sa akin. Nagtiwala siya sa akin. Sinabi niya ang mga hinaing niya sa akin.

"Huwag mo nang isipin iyon, Ceejay. Hindi ka pabigat. Birthday mo pa naman. Hindi magandang mag-isip ng ganyan," sabi ko sa kaniya sa kabilang linya.

"Salamat sa pakikinig, Jessa Mae. Alam kong marami ka nang problema... pero ito ako at nagsusumbong pa sa'yo."

Mahina akong tumawa sa sinabi niya. "Ano ka ba? Ayos lang. Ako lang naman 'to. Hindi ka naman talaga pala-share na tao kaya alam kong mabigat na 'yang sama ng loob mo kaya hindi mo na napigilan. Salamat."

"Para saan?"

"Para sa pagsasabi. Proud ako sa'yo, Ceejay."

Natahimik si Ceejay sa kabilang linya. Akala ko, pinatay niya na ang tawag pero napanatag agad ako nang narinig ko ang paghinga niya.

"Ceejay...?"

"Maraming salamat, Jessa Mae." Malalim ang boses na sabi niya. "Hinding-hindi ko... makakalimutan 'to."

Napangiti ako. "Ako rin, Ceejay. 'Yong happy new year mo, ah. Sa December 31 mo dapat ako batiin. Hintayin ko. Walang advance advance dito."

"Pareho lang 'yon. Malapit na rin naman."

"Basta! Wala pa ang next year kaya doon mo ako batiin!"

Narinig ko ang mahinang pagtawa niya. "Sige..."

Akala ko, mas magiging matatag ang friendship namin next year. Akala ko, makikita ko pa siya. Akala ko, maririnig ko pang muli ang tawa niya. Akala ko, maririnig ko pa ang pagbati niya sa mismong new year pero iyon na pala ang huli naming pag-uusap. Iyon na pala ang huli niyang pangungulit sa akin.

Nabitiwan ko ang cellphone ko at walang awat na tumulo ang mga luha ko. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa nabasa kong mensahe ng gabing iyon, kung kailan abala ang lahat sa paghahanda para sa bagong taon. Nakita ko ang isang larawang ebidensiya ng pagkawala ng isang taong naging mahalagang bahagi ng buhay ko.

Ceejay: Kapatid niya po ito. Wala na po si Kuya Ceejay.

My Happy CrushWhere stories live. Discover now