Chapter 26: Tula

17 1 0
                                    


CHAPTER 26

Tula

"Nakita ko pa 'yon noong December 28, ah?! Sa may gasoline station, naglalakad si Ceejay that time!"

Natulala na ako sa sinabi ni Leslie, kaibigan ko. Parang bumalik sa akin lahat, ang huling pagsabi niya sa akin ng na-miss niya ako, ang huling pagsabi niya sa akin na gusto niya akong makita, kahit makasalubong man lang. Hindi pa rin ako makapaniwala. Hindi pa rin ako makapaniwalang wala na talaga si Ceejay.

"Ano ba raw nangyari?" tanong ni Leslie sa akin.

Hinawi ko pataas ang buhok ko at napailing. "Hindi ko alam. Sabi, pumutok daw 'yong appendix."

"Kumusta ka? Crush mo 'yon, 'di ba?"

Crush? Hindi ko alam kung... nawala ba talaga iyon pero ang alam ko lang, sobrang sakit. Hindi ko matanggap ang balita. Pakiramdam ko, prank lang 'yon. Pakiramdam ko, nandiyan lang siya.

Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko. Namamaga na ang mga mata ko. Ayaw komg tumulo pa ulit ang mga luha ko. Nasa convenience store ako ngayon dahil inaya ako ni Leslie. Gusto ko lang talaga ng makakausap. Sobrang bigat na talaga sa dibdib.

"Hindi ko alam... kaibigan ko na 'yon, e. Kaya ang sakit." Napasinghap ako. "Kung alam ko lang... na 'yon ang last naming pag-uusap, sana nakipag-meet na ako sa personal. Sana kinausap ko na lang si Ceejay buong magdamag. Nang nag-open siya ng problema sa akin, sana mas nakinig pa ako."

Sa minsan lang naming pag-uusap sa chat ni Ceejay, ang araw na iyon kung kailan malapit na siyang mamamatay, para siyang naging bukas na libro sa akin. Pinakita niya ang kahinaan niya sa akin sa kauna-unahang pagkakataon.

"So, anong balak mo? Pupunta ka ba... sa burol?"

Marahan akong umiling. Hindi ko kaya. Hindi ko kayang makita si Ceejay sa ganoong kalagayan. Gulat pa rin ako sa lahat ng nangyari. Hindi ako handa at hindi ko alam kung kailan ako magiging handa.

Nilagay ni Leslie ang isang siopao at bote ng softdrinks sa harap ko. "Kumain ka muna. Alam kong stress ka."

PAGKA-UWI ko sa bahay, nag-join ako sa virtual meeting na na-conduct ng former president namin noong Grade 10. Para iyon sa pag-alala kay Ceejay. Katulad ko, nabigla rin ang lahat. Hindi rin nila inasahang ang isang masiyahing binata, bigla na lang mawawala.

"Ano ba raw talagang nangyari kay Ceejay?" tanong ng dati naming mentor sa journalism. "Jessa Mae, how are you right now?"

Nanginginig ang mga kamay na binuksan ko ang mic ko. "Sir...?"

"Si Ceejay..."

Mabilis kong pinunasan ang umalpas na luha ko. Mabuti na lang, hindi open cam. "M-miss... ko po siya, sir."

Hindi ko alam kung bakit sa lahat ng kaklase ko dati, ako ang tinanong. Kung tutuusin, isang school year lang kaming nagkasama ni Ceejay. Naging crush ko siya, may crush siyang iba kaya nabaling ang atensiyon ko sa iba. Saksi silang lahat doon. Saksi sila kung paano ko hayag na sinabing may pagtingin ako kay Ceejay. Kaya rin, hindi ko sila masisisi kung tanungin nila ako sa nararamdaman ko ngayon.

"Kahit pandemic ba, nag-uusap pa rin kayo ni Ceejay?"

"Yes po. In terms of academics po. Madalas... din po siyang mag-reply sa stories ko, just to congratulate me."

"Kailan ang huling interaction n'yo?"

Parang may bumara sa lalamunan ko. "December 28 po. Binati niya po ako ng... Happy New Year."

Marahang natawa ang mentor namin. "Ang advance ni Ceejay..."

Huminga ako nang malalim at sumandal sa pader. Hindi ko alam kung gaano na karami ang naluha ko. Napapikit ako. Gustong-gusto ko ulit siyang makausap. Gusto kong magtanong pa ng maraming bagay sa kaniya.

"Sir, pumunta po kami sa burol niya kanina," balita ng isa kong dating kaklase. "Sabi po, December 28, may ano na raw po... parang may iniinda na raw po sa tiyan si Ceejay, akala raw po ng mama niya, simple lang pero 'yon nga po, iba na raw po."

Hindi ko na napigilan ang mga hikbi ko. Hindi ko alam kung anong dapat kong isipin. Iyon din ang araw na kausap niya ako. May masakit na pala sa kaniya? Bakit hindi siya nagsabi? Hindi ko alam kung anong dapat maramdaman. Bakit nagawa niya pa akong batiin at kausapin gayong may iniinda na siyang sakit?

Kaya nang i-play nila ang mga video ni Ceejay, mas lalo pa akong naiyak. Katatapos lang ng putukan kagabi pero ito ako, at sinalubong ang bagong taon ng pagluluksa—pagluluksa para sa mga nawala, nasayang at mga alaala.

"Bakit bigla ka na... lang umalis Ceejay?" Napasubsob ako sa mga tuhod ko.

Hindi pala talaga biro ang buhay ng tao. Bakit ganoon? Ako na palaging hinihiling na mamamatay na lang, hindi pa nangyari, pero ang mga taong hindi naman yata deserve na mawala at makita pa ang ganda ng mundo, mabilis na binawi. Alam kong masama pero... sana ako na lang. Sana hindi na lang si Ceejay ang nawala.

Tumulo na ang pawis ko sa init at labis na pag-iyak pero hindi ko alintana iyon. Hindi ko alam kung kaya kong pumunta sa puntod niya. Hindi ko talaga matanggap. Sa gitna ng pag-iyak, may naramdaman akong malamig na bagay na bumalot sa akin. Mas lalo lang umalpas ang mga luha ko dahil doon.

At sa gitna ng pagluha, nakabuo ako ng isang tula. Muling nabuo sa akin ang maraming sana kasama siya. Sa hindi malilimutang mga alaala, itinaas ko ang panulat ko para sa kaniya.

Tatlong Araw

Tatlong araw matapos ang kasiyahan,

Hiniling mong sana ako'y masilayan,

Sabay inalala ang 'yong kaarawan.

Inamin mo sa aking ikaw'y nasaktan.

Tatlong araw matapos ang okasyon.

May problema kang 'di na kayang ikahon.

Bigla nating sinariwa ang panahon;

Panahong ramdam nating tayo'y patapon.

Humanga lang naman ako sa'yo noon.

Sinakyan mo lang ang biro ko kahapon.

Sumabay ka pa sa hanging parang dahon.

Lungkot na pala ang sunod na lalamon.

Tatlong araw muli matapos ang damayan,

Akala ko'y nais mo lang makipagbiruan,

Sapagkat ayaw mong magawi ako riyan.

Hindi na pala kita masusumpungan.

Tatlong araw matapos ang balita,

Palagi na kitang ginugunita.

Sana ikaw ay pinilit na makita.

Luha ang katumbas ng mga huling salita.

Sa iyo ang isang paalam, kaibigan.

Ang iyong pagkawala ay 'di marahan.

Salamat sa iyong mga alaala.

Salamat sa iyong pagtitiwala.

My Happy CrushWhere stories live. Discover now