CHAPTER 2

622 15 8
                                    

CHAPTER 2: Trabaho

TAGAKTAK na ako ng pawis at kaunti na lamang ay babagsak na ako sa sobrang kapaguran. Halos maglilimang oras na kaming nagtatrabaho. Ano nga ba ang trabaho namin? Nandito lang naman kami sa La Presa para mag-ani ng presa o strawberry.

Ang dami na naming inaani pero wala pa rin kaming pahinga. Kailangan talagang matapos ang trabaho namin ngayong araw at dapat talaga ay magsipag.

Mahirap nga lang dahil ang sakit-sakit pa sa balat ang sinag ng araw at masyadong mainit. Kahit na nasa Baguio pa ito. May mga pagkakataon din naman kasi na may kainitan talaga siya

Hindi naman ako puwedeng magreklamo dahil baka pagalitan ako ng Tiya ko. Parang dragon iyan kung magalit, nunkang pakikinggan ako niyan kung gusto ko nang huminto. Pss.

May iba't ibang trabaho ang kasamahan namin. May ibang grupo ang magtatanim ng mga presa. May iba ring grupo ang maglilinis o magpuputol ng mga damong tumutubo sa taniman.

Kami naman ang mag-aani nina Tiya. Mahigit sampu kaming kataong nag-aani. At hayon sa Manila na dadalhin ang strawberry para sa malaking pabrika sa Manila.

Inayos ko ang malaking sombrero ko. Alam niyo 'yon? Iyong sombrerong pangbukid. Pinunasan ko ang pawis sa aking mukha gamit ang puting tuwalyang nakapalibot sa aking leeg.

Napabuntong-hininga ako at napamaywang. Linggo ngayon kaya wala akong pasok. Kaya ako nangingitim dahil halos araw-araw akong nagbibilad sa araw.

Sa totoo lang ay hindi na kami dapat magtrabaho pa, dahil sa trabaho lang ni Kuya Seb ay maaari na kaming mabuhay.

Pero hindi rin eh, iyong sahod ni Kuya Seb ay para sa pag-aaral ni Kuya Dez. Masyado raw mahal ang tuition no'n, isa pa kolehiyo na siya.

Para sa araw-araw na gastusin lang naman ang trabahong ito at kaunting ipon din para sa akin.

Ano kasi, may pinag-iipunan akong bagay at gustong-gusto kong bilhin iyon. Malapit na ang kaarawan ko kaya regalo ko iyon para sa sarili ko.

"Aleng Beth! Magpahinga na muna kayo saglit at kumain ng pananghalian!" sigaw ni Aleng Saly sa hindi kalayuang maliit na kubo.

Kung saan kami nagpapahinga at kumakain. Sa lawak ba naman ng taniman na ito Napangiti ako at tinaas ko ang dalawang braso ko.

"Sa wakas, makakapagpahinga na rin ako. Nakakapagod din kaya at masakit na ang balakang ko," sabi ko sa sarili ko.

Napadaing ako nang may sumiko sa tagiliran ko. "Mamaya tatapusin pa natin ito, ano ka? Sinusuwerte?"

Umikot ang mga mata ko at napairap sa kawalan. Kahit na kailan talaga si Tiya Beth, kontrabida.

Sumunod na lang ako sa kanila para makakain ng pananghalian. Masarap kaya ang pagkaing niluluto ng may ari ng Strawberry Farm na ito.

Umupo ako kaagad sa tabi ni Tiya at nagniningning ang mga mata kong napatingin sa masarap na pagkaing nakahain sa papag.

Pritong isda, adobong manok, pansit, karne at may dessert pa. Wah! Ang sarap! Excited na akong tikman ito lahat. Dito lang talaga akong nakakain ng pangsosyal na pagkain ng mga mayayaman.

Kung mahirap ka lang ay aba, magtsa-tsaga ka sa isda, gulay at kanin. Pansit? Paminsan-minsan lang ako nakakain no'n.

"Aba, masarap ang pagkain natin ngayon, ah."

"Minsan lang ito."

"Sana nga po ay araw-araw na lamang," ani ko.

Hayon na nga nagsimula na kaming kumain at pagkatapos ay saglit na nagpahinga. Dahil may duyang nakasabit sa dalawang puno ng mangga at doon ako nagpahinga.

Ang sarap sa pakiramdam ang simoy ng hangin. Paraiso... Sana ganito na lang ako palagi, 'no? Ang walang inaalala na kinabukasan.

"Beth, bakit hindi mo dalhin ang pamangkin mo sa Manila para mag-udisyon? May talento sa pagkanta 'yang si Eyse ah," ani Aleng Mina. Ang kasamahan namin sa pag-aani.

Lihim akong napangiti sa sinambit niya. Sana naman pakinggan siya ng Tiya ko. Talagang gustong-gusto kong pumunta roon.

"Naku, sayang lang naman ang pagpunta niya roon. Sayang ang perang pamasahe niya at sayang ang oras niya roon. Wala naman siyang mapapala," walang buhay na saad ni Tiya. Ay! Nakakainis naman si Tiya.

"Bakit hindi? Bakit ayaw mong magpunta roon ang bata? Sa tingin ko gusto naman niya pumunta roon para ipakita ang talento niya," singit na sabi naman ni Mang Kan. Ang asawa ni Aleng Mina.

Hayon! Haha, ang dami ko talagang kakampi pagdating sa pagkanta ko.

"Hay naku, tigilan niyo akong mag-asawa kayo. Hindi naman kagandahan ang boses niya at magsasayang lang talaga siya ng panahon sa mga walang kuwentang bagay na gagawin niya sa Manila. Mabuti pang manatili na lang siya rito at may laman pa ang tiyan niya," parang naiinis na saad ni Tiya at marahas na tumayo. Napikon yata si Tiya.

"Bakit hindi mo nga pasubukan si Eyse? Sayang ang talento ng bata, Beth!" malakas na pahabol ni Aleng Saly.

Napabuntong-hininga ako. Ang bigat lang sa dibdib. Nakaiinis talaga, kahit na kailan hindi ako suportado ng Tiya ko.

Walang kuwenta? Parang sinaksak ng kutsilyo ni Tiya ang puso ko at hindi ko mapigilan ang mapaluha. Nahulog na lang ang isang butil ng luha ko sa aking pisngi.

Itong pangarap ko ay para naman sa kanila. Kasama sila sa pangarap ko at kung ano man ang maaabot ko ay sila ang inspirasyon ko. Tumayo ako at lumapit kina Aleng Saly.

"Hayaan niyo na po si Tiya Beth. Ayaw niya lang talagang pumunta ako roon sa Manila. Wala naman kasing tiwala sa akin si Tiya at tama po siya, magsasayang lang naman po ako ng panahon doon," sabi ko at may bahid na kalungkutan.

Tumayo si Aleng Saly at inakbayan ako saka hinagod ang likuran ko.

"Sayang ang talento mo Eyse kung mananatili ka lang dito sa Baguio. Alam naming may magandang kinabukasan ka sa Manila at alam naming matutupad ang mga minimithi mo sa buhay. Huwag mong pakinggan ang Tiya mo at lumuwas ka ng Manila. Malay natin ay hindi naman masasayang ang pagpunta mo roon," mahabang saad ni Aleng Saly.

"Oo nga, Eyse. Nandito kami para sa 'yo, at huwag mong sayangin ang boses mo. Gawin mo ang gusto mo habang bata ka pa. Sa ganyang edad mo ay marami ka pang matutuhan Eyse," nakangiting saad naman ni Mang Kan.

Dahil sa mga sinabi nila ay kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko. Masakit naman kasi, kung ano ang gusto mo ay iyon pa ang bawal.

Kung ano ang hindi mo gusto ay siyang isisiksik sa buhay mo. Pero ang gusto ko lang naman talaga ay ang pumayag si Tiya at suportahan ako sa kung ano man ang gagawin ko sa buhay.

Kaya mas masakit iyong hindi ka sinusuportahan ng kamag-anak mo. Mabuti pa ang ibang tao na hindi mo naman kaano-ano ay sinusuportahan ka.

May tiwala sa kakayahan mo pero iyong taong mahal mo sa buhay ay kahit kaunting pagtitiwala ay hindi ka mabigyan no'n.

"Salamat po sa inyong lahat," nakangiting sabi ko at nagpunas ng mga luha.

"Naku wala iyon, Eyse. Basta kung pangarap mo ay pangarap mo. Gumawa ka ng hakbang para matupad iyon lahat," nakangiting saad naman ni Aleng Mina.

At pagkatapos naming magpahina ay pinagpatuloy na namin ang pag-aani. At umuwi na rin kami pagkatapos.

Pagod na pagod nga ako nang makauwi kami sa bahay at hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako.

CDS #2: Fragile Ties of Passion (COMPLETED)Where stories live. Discover now