CHAPTER 10

425 12 5
                                    

Chapter 10: Tsismis

"NANDIYAN ka lang pala, Eyse!" Napaigtad ako sa gulat nang marinig ko ang boses ni Ms. Villar.

"Bakit?" tanong ko.

"Congrats pala sa 'yo, Eyse. Nakapasok ka pala sa SRE. Aba, hindi biro ang kompanyang iyon," sabi niya.

"Salamat," nakangiting sabi ko.

"Oo nga pala," aniya at may kung ano naman siyang kinuha sa backpack niya. "Hinintay ko nang araw na iyon na kung may maghahanap ba rito, Eyse," sabi niya at ibinalik sa akin ang keychain. Sinalo ng dalawang palad ko. "Pero wala. Walang lumapit sa akin."

"Walang naghanap? Bakit naman? Akala ko ba ay mukhang mahalaga ito sa may-ari?" nagtataka kong tanong.

"Hindi ko rin alam. Pero alam mong walang nagmamay-ari niyan dito. Hindi iyan simpleng keychain lang. Mahal ang gawa niya. Pero, Eyse. Sa 'yo na lang iyan. Ikaw na ang magtago, baka malay natin ay makita mo ang may-ari niyan."

"Imposible naman yata iyon," umiiling na sabi ko.

"Ah, basta may kutob ako na makikilala mo ang may-ari niyan. Ikaw na lang ang magsauli niyan sa kanya," sabi niya.

"Pero, Ms. Villar."

"Cynthia na lang, ano ka ba naman, Eyse. Masyado kang pormal sa akin, ah."

"Sige. Pero paano na itong keychain?"

"Itago mo muna," aniya. "Sige, ah. Mauna na ako, may pasok pa ako. Congrats ulit, Eyse! Pambato ka ng school natin!" bulalas niya at nag-flying kiss pa siya sa akin. Umiling na lamang ako at tinitigan ang keychain.

7 S.E.B. Ano ba talaga ang ibig sabihin nito? Isa ba ito sa initial name ng may-ari? At ano naman kaya ang numerong ito? Naguguluhan talaga ako at puno rin ako ng kuryusidad kung sino ba talaga ang nagmamay-ari nito.

"Ano iyan, ha?" Hindi na ako nagulat pa nang bigla na lamang sumulpot ang dalawang kaibigan ko. Inakbayan pa ako ni Janjan.

"Keychain? Parang hindi pangkaraniwan, ah," ani naman ni Moneth.

"Kanino iyan, Eyse? May nagbigay ba iyan sa 'yo?" tanong sa akin ni Janjan. Hindi pa nga ako nakasasagot ay bigla niyang inagaw ito sa akin. "Ang babaeng ito, oh. Ang keychain ay hindi sa kamay lang hinahawakan. Ikinakabit sa bag," sabi niya sa akin at bigla na lamang niyang isinabit iyon sa backpack ko.

"Eh, Janjan naman! Hindi nga iyan sa akin, ah!" sigaw ko at namimilog pa ang mga mata ko nang makita iyon.

"Ay tara na lang. Mahuhuli tayo sa klase," saad naman ni Moneth at hindi na ako nakapagprotesta pa nang hinila na nila ako pareho. Hala naman, baka mamaya niyan ay magkatotoo pa ang sinabi sa akin ni Cynthia na makilala ko ang may-ari nito tapos makita pa niya ang keychain niyang ginagamit ko.

Nakahihiya naman iyon. Baka kung ano pa ang isipin no'n sa akin, ah. "Congrats pala, Eyse!" magkasabay na bati pa nilang dalawa. Hindi na lamang ako nakaimik pa at tanging pagngiti na lamang ang nagawa ko.

Natapos ang araw na palugit sa akin ni Sir Elton at malapit na rin ang araw ng graduation namin. Kaya medyo abala rin kami sa school.

Si Kuya Seb pa rin ang kasama ko sa pagpunta sa Manila at hanggang sa SRE pa.

"Susunduin kita mamaya, Ellang, okay? Huwag kang pumunta sa kung saan-saan. Dahil alam mong hindi ka pa pamilyar dito," aniya at tinusok pa ng hintuturo niyang daliri ang noo ko.

"Si Kuya Seb naman, oh," mahinang reklamo ko.

"Aalis na ako," paalam pa niya at kumaway lang ako sa kanya.

CDS #2: Fragile Ties of Passion (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon