CHAPTER 31

453 13 0
                                    

Chapter 31: Birthday celebration

5 YEARS LATER

Napasimangot ako nang makita ko na maraming sasakyan ang kasabay ko at alam kong traffic na naman ito. Umagang-umaga pa lang, eh. Maganda naman ang panahon ngayon dahil kitang-kita na si haring araw

“Bakit hindi na maipinta ang mukha mo, Eyse?” tanong sa akin ni Ms. Yena na sinabayan pa nang mahinang tawa.

“Mali-late na po ako sa date namin ng nanay ko, eh,” sagot ko.

“Alam mong makakapaghintay si Ms. Lesse,” sabi niya. Nangalumbaba na lamang ako sa bintana at bumuntong-hininga.

Napatingin naman ako sa billboard at nawala ang pagsimangot ko nang makita ko iyon. Paano naman kasi ay ako ang nasa billboard. Kinikilig na naman ako dahil lang sa nakita ko. Nagkaroon kasi ako niyan dahil isa na ako sa highest-paid singer and model.

Malayo na nga talaga ang narating ko at mas gumanda pa ang career ko. Isang tao lang naman ang naging dahilan nito kung kaya’t naabot ko na nga ang tuktok ng pyramid.

Sa halip na malungkot ako dahil naaalala ko naman siya ay ngumiti na lamang ako.

Kailan kaya kami magkikita ulit, ’no? Limang taon na ang nakararaan pero ni hindi ko man lang siya nakalilimutan. Nandito pa rin siya sa puso ko at siya pa rin naman ang tinitibok nito. Araw-araw ko pa rin siyang nami-miss.

Kung hindi rin dahil sa kanya ay hindi magiging maaayos ang relasyon namin ng aking ina. Hindi ko mahahanap sa puso ko ang magpatawad. Tunay na malaki nga talaga ang naitulong niya sa akin.

Ito ang gusto kong buhay, masaya kahit hindi nga siya tahimik dahil pinagkakaguluhan pa rin ako ng mga taong sumusuporta sa akin pero masaya naman talaga ang ganito.

***

“Eyse, anak...” Sinalubong ako ni nanay nang mahigpit na yakap parang hindi kami madalas na nagkikita dahil palaging ganito ang eksena namin.

“Traffic na naman po, ’Nay. Hindi po ba kayo nabagot sa kahihintay ninyo sa akin?” tanong ko at umupo ako sa tabi niya.

“Hindi naman, anak. Kahit late ka pa makararating ay alam kong hindi masasayang ang effort ko na maghintay rin dito,” nakangiting sabi niya.

Totoong masuwerte pa rin naman ako. Hindi ko man nakasama ng ilang taon ang nanay ko ay nabawi ko rin ang mga iyon. Masaya ako sa piling ng aking ina.

“Mga anong oras po tayo pupunta sa Baguio bukas, ’Nay? Alam ko kasi na excited na rin sina Tiyo at Tiya Beth. Lalo na ang pinsan ko,” saad ko.

Naging maganda na rin ang buhay ng pamilyang nagpalaki sa akin. Madalas ay umuuwi ako roon. Hindi ko man kayang bayarin ang utang ng loob ko sa kanila ay tumutulong na rin ako kay Tiya Beth. Kahit tinanggihan niya noon ang pagbibigay suporta ko sa kanila pero pinilit ko pa rin siya.

“Umaga kung kailangan, Eyse. Dapat hindi tayo gabihin sa biyahe natin. Dapat ay tulungan ko ang tiya mo na magluto para sa 24th birthday mo.”

November 10, sa isang araw pa ang birthday ko. Doon kami palaging naghahanda dahil gusto ko nga sa bahay ng tiyahin ko dahil sila ang nagpalaki sa akin. Tapos magkakaroon naman ako ng live concert para sa birthday party ko naman na kasama ko ang mga fans ko. Naka-schedule na rin ang mga iyon.

“Sige po. Susunod na lamang daw po sina Ms. Yena at Minny,” sabi ko.

Nag-order si Nanay ng kakainin namin at para sa amin talaga ang araw na iyon kaya nagkuwentuhan lang kami.

***

Dumating naman ang araw na pinaghahandaan namin. Ang 24th birthday ko. Kompleto ang mga taong mahahalaga sa akin. Lahat ng kapitbahay namin na malapit sa amin ang loob ay imbitado rin sila. Kaya muli na naman kaming nagkasama-sama.

“Maligayang kaarawan, Eyse!”

“Eyse, happy birthday!”

“Maraming salamat po! Kain lang po nang kain. Uubusin po natin ang mga nakahanda sa mesa,” sabi ko sa kanila at tinawanan nila iyon.

“Eyse, kumanta ka naman ro’n,” sabi ng dalawang kaibigan ko.

“Araw ko lang ito pero hindi ako magiging singer ngayon. Sige na, kayo na lang ang kumanta,” natatawang sabi ko at marahan ko pa silang tinulak.

Nasa iisang mesa lang ang pamilya ko kaya nilapitan ko na sila para makikain na rin.

“Happy birthday, Ellang,” bati sa akin ni Kuya Seb.

“Ilagay mo lang diyan ang regalo mo, Kuya. Dahil ikokolekta ko iyan mamaya,” sabi ko.

“Mukhang regalo talaga, oh,” puna naman sa akin ni Kuya Dez.

“Aba, dapat lang na may regalo po kayo sa akin dahil birthday ko ngayon. Oo nga po pala, ’Nay. Dalawin po natin mamaya ang itay ko,” suhestiyon ko na tinanguan ni Nanay.

Alam kong aabot pa sa gabi ang selebrasyon ng kaarawan ko kaya naman ayos lang kung maiiwan ko ang mga bisita ko. Naglakad lang kami ni Nanay dahil malapit lang naman sa lugar namin kung saan inilibing ang aking tatay.

***

“Kumusta po kayo riyan, ’Tay? Kasama ko po ulit si Nanay,” sabi ko at saka ko inilapag sa puntod niya ang dala kong bulaklak para sa kanya. “Kung sana nandito ka para makita mo ang maganda kong inay. Pero mas pinili mo ang manahimik diyan kaysa ang makasama kami, eh,” sabi ko. Malungkot man pero kahit papaano ay masaya naman ako dahil hindi na nahihirapan pa ngayon si Tatay.

Lumuhod din sa Nanay Lesse para kausapin nang tahimik ang aking itay.  Naikuwento niya sa akin na hindi naman daw nawala sa puso niya ang tatay ko dahil ito ang unang lalaking minahal niya pero...nagawa niyang iwan dahil mas matimbang sa kanya ang pangarap niya.

Nalulungkot ako na ganoon lang natapos ang kuwento nila pero naniniwala ako na muli rin silang magtatagpo. Hindi man ngayon, hindi man sa timeline na ito dahil baka sa muling buhay na ibibigay sa kanila.

Niyakap kami pareho ni nanay ng malamig na simoy ng hangin. Naramdaman ko ang pamilyar na presensiya niya at tumulo ang luha ko.

Mahal na mahal po kita, ’Tay. Kayo pa rin ang unang lalaki sa buhay ko at minahal ko.

CDS #2: Fragile Ties of Passion (COMPLETED)Where stories live. Discover now