CHAPTER 5

471 10 4
                                    

Chapter 5: Manila

PAGKATAPOS ng klase namin ay umuwi na kami agad. Siyempre kasama ko sina Janjan at Moneth.

Sina Aleng Mina at Mang ang mga magulang ni Janjan at si Aleng Saly naman ang Nanay ni Moneth. Hindi na nakilala ni Mon ang Tatay niya, dahil noong nalaman nito na buntis si Aleng Saly ay tinakbuhan daw nito.

Ayaw panagutan ang Nanay niya at takot sa responsibilidad na maging Tatay. Nakaiinis iyong ganoong klaseng tao, eh.

Nasa pintuan na ako nang makita ko si Tiya Beth na nagsasampay ng mga damit. Inilapag ko na muna ang mga libro ko sa upuan na nasa labas ng bahay namin at tinulungan ko si Tiya.

Naramdaman ko na nagulat pa si Tiya Beth pero hindi naman siya kumibo. Mukhang galit pa talaga si Tiya sa akin. Nakaiinis naman, ayoko ng ganito kami palagi.

At dahil ako ang tipo ng babaeng hindi nakatitiis sa mga taong may galit sa akin ay ako na mismo ang unang gumawa ng paraan para makipagbati kami.

"Galit ka pa ba sa akin, Tiya?" tanong ko at may bahid na kalungkutan ito.

Saglit na naghari ang katahimikan namin at akala ko, poreber na, na hindi na ako kauusapin pa ni Tiya.

Kaya nagulat ako nang magsalita siya. Pero hindi nakatingin sa akin. "Gusto mo ba talagang sumali sa Singing Contest na iyon?" walang emosyon na tanong niya sa akin at napatungo ang ulo ko. Kung ayaw naman ni Tiya ay siguro huwag na rin akong sumali. Kung ganito naman ang mangyayari, eh 'di umayaw na ako sa una pa lang. "Gawin mo ang gusto mo, basta huwag kang uuwi rito nang umiiyak. Kung matatalo ka ay labanan mo ang kabiguan mo. Sinasabi ko na sa 'yo, na maraming tao ang mas magaling sa pagkanta kaysa sa 'yo," mahabang saad ni Tiya at nag-angat ako nang tingin.

Nararamdaman ko ang panunubig sa gilid ng mga mata ko at nagkaroon ng pag-asa. "P-Payag ka na ba, Tiya?" hindi makapaniwalang tanong ko.

"Minsan lang ito, Eyse. Kung matatalo ka ay wala ng pangalawang Singing Contest. Hindi ka na papasok sa mga ganyan," sabi niya at tuluyan nang pumasok sa loob ng bahay namin.

Dahil sa kasiyahang naramdaman ay napatili ako at napasuntok sa hangin.
Sa wakas! Pumapayag na si Tiya! Ang saya-saya naman nito. Kahit ganoon ang sinabi ni Tiya ay ayos na sa akin iyon. Basta ang importante ay may permiso na ako para lumahok sa Singing Contest.

Nagmamadaling pumasok ako sa bahay at naabutan ko si Kuya Seb sa maliit naming sala. Mukhang may pupuntahan si Kuya. Dahil sa kasuotan niya ngayon. Nang napatingin sa gawi ko si Kuya ay nginitian niya ako at lumapit siya sa akin.

"Tamang-tama at nandito ka na, Ellang. Dali na, magpalit ka na ng damit mo at pupunta na tayo sa Manila ngayon din," nakangiting sabi niya at kahit hindi na ako magtanong ay kaagad na ako nagmamadaling pumasok sa loob ng silid ko.

Nakita ko ang isang hindi kalakihang bag ko at mas napangiti pa ako. Mukhang handa na ang gamit ko. Si Tiya kaya?

Nagsuot ako ng kulay berdeng t-shirt at itim na pantalon. Saka iyong itim na sapatos din. Tinali ko lang ang mahaba kong buhok at nagmamadaling lumabas mula sa loob ng silid ko.

"Tara na?" nakangiting pag-aaya sa akin ni Kuya Seb at tinanguan ko lang siya bilang tugon.

Kinuha ni Kuya ang bagahe ko at naglakad na palabas ng bahay. Nasa pintuan na kami nang sumigaw si Enza.

"Kaya mo 'yan, Ate Eyse!" masayang sigaw niya at sabay kaming napatingin ni Kuya Seb kay Enza. Nakangiti siya ng malapad at nakataas pa ang kanang kamao niya.

"Salamat, Enza!" nakangiting sigaw ko rin.

Nang tuluyan na kaming nakalabas ay nasalubong namin si Tiyo Geb. Nakita kong may dala siyang isang malaking supot at inabot ito kay Kuya.

CDS #2: Fragile Ties of Passion (COMPLETED)Where stories live. Discover now