Kabanata 31

3.5K 82 0
                                    

Kabanata 31

"Papa, sino po sila?" Nakakunot ang noong tanong ng siyam na taong gulang na si Seb sa kanyang ama.

Ngumiti ang kanyang ama at nilapitan s'ya. Lumuhod ito sa kanyang harapan at ginulo ang kanyang buhok.

"Sila ang magiging bagong Mama at Kuya mo, Seb."

Nagitla s'ya sa sinabi ng ama at muling binaling ang tingin sa babaeng nakatingin sa kanilang mag-ama habang may isang maliit na ngiti sa labi at sa batang lalaking seryosong nakatingin din sa kanya. Medyo matangkad sa kanya ang lalaki at sa tingin n'ya ay masungit ito. Nakataas kasi ang isang kilay habang nakatingin sa kanya.

Tumayo ang kanyang ama at lumapit sa mga bagong dating. Nakita n'ya pang hinapit nito sa baywang ang babaeng mahaba ang buhok na sinabi ng amang magiging bagong Mama n'ya.

Ginawaran nito ng halik ang bumbunan ng babae bago nagsalita.

"Magpapakasal na kami sa susunod na buwan, Seb kaya dito na sila titira. Sila na ang bago mong Mama at Kuya kaya magpapakabait ka."

Hindi s'ya nakasagot sa tinuran ng ama. Tila balewala lang naman dito ang magiging reaksyon n'ya dahil hindi s'ya nito hinintay na magsalita. Nilagpasan s'ya ng mga ito habang bitbit ng mga katulong ang mga maletang pagmamay-ari ng mga bagong dating.

Malungkot na muling napaupo ang batang si Seb. Dalawang taon pa lang ang nakakaraan simula ng mamatay ang kanyang ina ay may nahanap na agad na kapalit ang kanyang ama at magpapakasal na agad ito sa susunod na buwan. Ni hindi man lang s'ya kinonsulta nito!

Hindi n'ya alam kung bakit pero ayaw n'ya sa mga ito lalung-lalo na sa batang lalaking iyon.

Napakabigat ng aura ng mga ito. Napailing s'ya. Ayaw n'yang mag-isip ng masama laban sa mga ito dahil hindi iyon tama.

Ang hindi alam ni Seb, may mga pangyayaring kagimbal-gimbal ang darating sa buhay nilang mag-ama.

"MASTER, ayos lang po ba kayo?"

Napabalik s'ya sa kasalukuyan ng marinig ang boses ni Connor. Bahagya n'ya itong nilingon at napabuga ng hangin.

"Hindi ko alam, Connor." Aniya at napailing-iling. "Akala ko ay magiging masaya na ako dahil asawa ko na ang babaeng mahal ko pero hindi pala ganoon sa kadali iyon."

Naramdaman n'ya ang pag-upo nito sa kanyang tabi. Iminuwestra n'ya dito ang alak na nakalagay sa isang maliit na mesa sa kanilang harapan.

Walang salitang nagsalin ito. Itinuon na lamang n'ya ang atensyon sa langit. Walang bituim sa langit dahil na rin sa katatapos lang na ulan.

Natutulog na si Rhian at s'ya ay hindi mapakali kaya naisipan n'yang lumabas muna upang magpahangin. Hindi naman n'ya inaasahang maaalala n'yang muli ang mga pangyayari sa nakaraan na pilit na n'yang kinakalimutan. Lalung-lalo na ang mga taong naging parte nito.

Narinig n'ya ang pagtikhim ni Connor at ang pagbuntong hininga nito.

"Patawarin n'yo sana ako Master kong nabigo man ako sa misyong iginawad n'yo sa 'kin."

Napangisi s'ya at umiling-iling. Tinungga n'ya ang alak sa basong kanyang hawak bago ito sinagot.

"Kailanman ay hindi mo 'ko binigo, Connor. Sa katunayan nga ay ako ang dapat humingi sa iyo ng paumanhin dahil pati ikaw ay nadamay sa pagiging miserable ko."

Naramdaman n'ya ang pagtapik nito sa kanyang balikat.

"Alam mong hindi iyan totoo. Hinding-hindi ako magsasawang magsilbihan ka, Master. Napakalaki ng utang na loob ko sa'yo. Iniligtas mo ang buhay ko noon kaya ipinangako ko sa'yo at sa sarili ko na pagsisilbihan kita hanggang sa aking makakaya."

His Hidden Identity [Completed]Where stories live. Discover now