Kabanata 40

4.5K 98 2
                                    

Kabanata 40

About a year  ago…

“Sino ka ba talaga? At bakit mo alam ang tungkol sa mga aswang?”

Nalilito si Seb. Hindi n’ya maintindihan kung ano ang mga ipinupunto ng kanyang biyenan.

Natatawang naiiling lang ito habang pabalik-balik ang lakad nito sa harapan n’ya. Inayos nito ang salamin nito sa mata at sumulyap sa kanya.

“Dahil may lahi din akong aswang…”

Kulang ang sabihing nagulat s’ya sa sinabi nito. Mataman n’ya itong tinitigan upang makatiyak na hindi ito nagbibiro. Nakompirma n’yang seryoso ito nang wala nang bakas ng ngiti ang aura nito.

Huminto ito sa paglalakad at umupo sa isang maliit na sofa na naroon. Inilagay nito sa magkabilang tuhod nito ang dalawang kamay at nanatili ang tingin nito sa kawalan.

Nakita n’ya ang pagtiim ng bagang nito.

“Aswang ang ama ko, Juan Sebastian.” Anito.

Kumurap-kurap s’ya at bahagya pang napanganga. Bumilis ang pagtibok ng kanyang puso at sa di malamang dahilan ay sumibol sa kanya ang isang pag-asa. Pag-asang baka matulungan s’ya ng biyenan sa sitwasyon n’ya.

Dahan-dahan s’yang umupong muli. Tila nanghihina ang kanyang mga tuhod. Hindi n’ya alam kung ano ang dapat n’yang maging tugon sa rebelasyon nito.

“A-Anong….P-Paanong…”

“Kagaya mo ay naipasa iyon ng kanyang pinakamatalik na kaibigan. Ayaw ni Tatay na gawin iyon ngunit naaawa s’ya sa kaibigan n’yang gusto nang lumagay sa tahimik. Dati pa man ay isa na s’ya sa mga tumutugis sa mga nagkalat na maligno sa bayan na tinitirhan n’ya noon kasama ang isa pa n’yang kaibigan.”

Huminga ito ng malalim at napahilot sa sentido.

“Mailap ang mga aswang. Napakailap na s’yang kinakatakutan ng bayan nila noon. Pero hindi n’ya alam na ang pinakatamatalik na kaibigan n’ya pala ang s’yang nasa likod niyon. Nasaksak n’ya ito dahilan upang manghina. Nagulat na lamang s’ya ng magpalit ito ng anyo. Hiniling nitong tapusin na n’ya ang buhay nito ngunit hindi n’ya magawa. Hindi n’ya iyon magawa sa kaibigan n’ya kaya kahit labag sa kanyang kalooban, tinanggap n’ya ang pagiging aswang nito.”

Tahimik lamang s’yang nakikinig sa mga sinasabi nito. Gusto n’yang malaman ang lahat. Gusto n’yang ilabas nito ang isang nakakatakot na sekreto. Maiintindihan n’ya naman iyon dahil s’ya mismo ay isang aswang.

“Umalis s’ya sa bayang kinalakihan n’ya. Nagpakalayo-layo s’ya at nagtago. Ngunit sa di inaasahang pagkakataon, nakilala n’ya ang aking ina. Hindi n’ya inaasahang mabibihag ng isang babae ang puso n’ya. Pilit n’yang nilabanan ang damdamin n’yang iyon ngunit sino nga ba ang makakapigil sa pag-ibig?” Pagak itong tumawa.

“Alam n’yang dapat s’yang lumayo dahil hindi na s’ya isang pangkaraniwang tao ngunit nalaman n’yang nagdadalang-tao na ang aking ina. Natakot s’ya lalo na nang makailang beses din s’yang nagnasang kainin ako mula sa sinapupunan ng aking ina. Hanggang sa masundan ako ng dalawa pa. Nagsumikap ang aking ama hanggang sa naipundar n’ya itong hacienda at iba pang lupain.”

“Akala ko nga kami na ang pinakamasayang pamilya ngunit mali pala ako. Nang malaman ng aking ina ang tungkol sa tunay na katauhan ng aking ama ay nagpasya s’yang lumayo. Sampung taon pa ako noon. Bata pa pero naiintindihan ko na ang sitwasyon. Isinama ng aking ina ang mga kapatid ko. Pinilit nga rin n’ya akong sumama ngunit hindi ko kayang iwan ang Tatay ko. Naging miserable ang buhay naming mag-ama dahil doon. Dahil sa sakit na nararamdaman n’ya sa paglayo ng aking ina ay mas naging mabangis s’ya. Kung noon ay puro hayop lamang ang kanyang nilalapa, nagawa na rin n’yang pumatay ng tao. Takot na takot ako noon at gusto ko na ring pagsisihan na hindi ako sumama sa nanay ko. Pero sa tuwing nakikita ko ang sakit sa mga mata ng Tatay ko ay hindi ko s’ya magawang iwan.”

His Hidden Identity [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon