Chapter 17 - Ang Rason at mga Dahilan

217 8 2
                                    

Dahil sa mga nakalipas na araw na pagsusumikap ni Pierre sa pag-aaral ay unti-unti na siyang iniwasan ni Joey. Kung dati ay halos araw-araw siyang pinagtitripan nito, ngayon ay paminsan-minsan nalang. Kahit kasi na medyo umaangat na ngayon si Pierre, may pagkakataon parin namang nahuhuli parin siya sa klase dahil may iba sa mga pinag-aaralan niyang di niya maintindihan. Pero kung may isang bagay ang di nawawala sa kanya, yun ay ang pagsusumikap niya parin kahit papaanong gumawa ng assignment, mag sagot ng quiz at seatwork at gumawa ng projects....ng mag-isa.

Kung tungkol naman sa kaso ni Tommy, napagdesisyunan ng principal nung pinatawag siya noon na papuntahin nalang ng parehas ang mga magulang nilang dalawa ni Joey. Ang desisyon na ito ay labis na kinainisan ng kanyang kaibigan na si Macario dahil sa dalawang bagay: una, si Joey naman talaga ang may tunay na kasalanan (ayon sa opinyon niya) at pangalawa ay dahil sa pinaghintay pa sila ng matagal tungkol sa desisyon gayong sa huli rin naman, papatawag rin naman ang mga magulang nila.

Sa kabilang banda, sinubukan naman ni Tommy na kausapin si Armand tungkol sa audition sa susunod na linggo kung saan ay di ito pumayag dahil “busy” raw siya umano sa THE S.W.A.G. TEAM.

“Bakit naman ako sasali diyan eh mga baduy lang naman ang mga sumasali sa ganyan!” giit ni Armand. Si Tommy naman, todo sa pag “shhh” kay Armand dahil nangangamba siya na baka marinig ito ni Raisa at masaktan dahil sa rejection na ito (katabi niya lang naman sa upuan ngayon si Raisa).

Isang huwebes ng umaga, apat na buwan na ang nakalipas matapos ang unang araw ng klase, kakalabas ng  banyo ni Tommy dahil kakatapos niya lang magtoothbrush, ay natanaw niya agad sa di kalayuan ang isang pamilyar na mukha ng babae habang nakatayo ito sa pintuan ng kanilang kuwarto. Lumapit siya sa babaeng ito at tama nga ang kanyang hinala—ito ang babaeng nagbigay sa kanya noon ng regalo habang kasama pa ang dalawa nitong mga kaibigan. Siya ay walang iba kung hindi si Rachelle. Ngayon, siya lang mag-isa.

“Oh, hello Rachelle,” bati ni Tommy. 

Nagulantang naman si Rachelle dahil di niya inakalang biglang lumitaw sa tabi niya si Tommy. Nang makita niya ang binata, dali-daling namula ang kanyang mga pisngi lalo pa’t walang pantaas na damit si Tommy. Pero natatakpan parin naman ang katawan niya dahil sa towel na nakasampa sa kanyang balikat.

“Anong ginagawa mo rito?” tanong naman ni Tommy habang hawak-hawak na ngayon ang doorknob ng kanyang kuwarto.

“G-gusto ko lang po sana ibigay sa inyo ito,” nahihiyang sabi ni Rachelle habang nakayuko pa. Bigla niya namang inabot kay Tommy ang regalong dala niya.

Di na nagdalawang isip pa si Tommy. Kinuha niya agad ang regalo at nagbigkas ng, “salamat.”

Napatingin naman ng diretso si Rachelle kay Tommy at nakita niya ang binatang nakangiti sa kanya. Sa gulat at sa pag-aalala sa sarili na baka di na siya makahinga pa, dali-daling tumakbo papalayo si Rachelle pababa ng hagdan. Labis naman itong pinagtaka ni Tommy pero pumasok nalang siya sa loob ng kanyang kuwarto kalaunan.

   “Baka naman may gusto sa’yo yun?” bulong ni Pierre kay Tommy nang ikuwento nito ang tungkol sa eksena ni Rachelle sa kanya kaninang umaga.

Nasa klase na sila ngayon. Pinapasulat sila ngayon ng essay ng kanilang substitute teacher sa English na si Mr. Baniqad. Wala kasi ngayong araw ang kanilang tunay na guro dahil may kailangan daw itong asikasuhin sa kanyang pamilya.

“Gusto agad? Ang bata-bata pa nun. Grade 9 nga lang yun eh,” sabi ni Tommy at nagpatuloy siyang magsulat sa kanyang papel.

“Ano ka ba? Tanga ka ba talaga? Binibigyan ka ng regalo tapos sasabihin mong hindi? Ano sa tingin mo tawag dun?” bulong pa ni Pierre. 

TropaWhere stories live. Discover now