CHAPTER EIGHT

7K 130 1
                                    

HINIMAS-HIMAS ni Anthony ang kanyang leeg para mawala ang pangangalay niyon. Halos alas-kuwatro na siya ng madaling-araw nakauwi kanina sa bahay. At hindi na siya nakatulog. Naligo lang siya at dumeretso na sa studio para sa morning show niyang Umaga sa Pilipinas. Alas-singko hanggang alas-otso ng umaga umeere ang show. Mabuti na lang at maaga siyang nakarating ngayon. Magkakaroon siya ng pagkakataong makapagkape muna habang binabasa ang news script para sa umagang iyon.

Pumasok siya sa pantry para magtimpla ng kape nang may maabutan siyang babae na nakaupo sa isa sa mga mesa roon at kumakain—ng homemade baon. Corned beef, sunny-side up at sinangag ang almusal nito. Bigla siyang natakam. Sa totoo lang, matagal-tagal na rin mula nang makakain siya ng homemade breakfast. Kadalasan kasi ay sa resto na lang siya kumakain dahil wala na siyang oras na magluto—isa pa, wala naman siyang kasama sa bahay. Pinaalis na rin niya iyong isang kasambahay na huling namasukan sa kanya. Para kasing wala ito sa sarili—lahat ng gawin ay puro palpak, sa huli, siya lang din ang gumagawa ng lahat ng bagay.

Ngiting-ngiti ang dalaga sa kanya. Bahagya lang niya itong nginitian at dumeretso na siya sa coffee vendo. Naaalala niyang ito ang bagong pasok na PA trainee sa kanilang set. Marami na siyang naririnig na komento ng ibang staff tungkol dito.

Bahagyang nakaramdam ng pagkailang si Anthony habang papunta sa coffee vendo. Kahit kasi hindi siya nakatingin dito, pakiramdam niya ay sinusundan siya nito ng tingin. Tingin na may kasamang paghanga at pagkamangha na parang na-star struck ito.

At kakaiba dahil sa unang pagkakataon, ngayon lang niya naramdaman na parang naging aware ang lahat ng senses niya. Parang kusang pinakiramdam ng kanyang senses ang babaeng ito. At oo, kakaiba iyon dahil ilang beses na niyang nararanasan na masundan ng tingin ng kababaihan, masabihan ng paghanga ng mga ito sa kanya, at wala naman iyong epekto sa kanya, maliban sa napa-flatter siya.

Pero sa babaeng ito...

Ahh... babae na naman. No'ng huling beses na na-involve ka sa babae, hindi naging maganda ang kinalabasan n'on, paalala niya sa sarili.

Pero sa kung anong paraan ay parang pamilyar ito sa kanya. Hindi lang niya maalala kung saan ito nakita. Sa pagkakaalam niya ay Samantha ang pangalan ng dalaga at base sa narinig niya ay himalang nakapasok ito gayong hindi naman ito nakarating sa final interview.

Baka may koneksiyon sa loob?

And since when did you ever meddle with other people's personal life?

Dahil sa naisip ay nagkibit-balikat na lang si Anthony at kumuha ng kape. Walang malapit na Starbucks or Seattle's sa studio. Kailangan pang lumabas ng compound para bumili ng kape kaya madalas ay nagkakasya na lang siya sa kapeng ibinibigay sa kanya ng vendo sa pantry.

Palabas na ng pantry si Anthony nang tawagin siya ni Samantha—sa kanyang pangalan!

"Anthony!"

Saglit siyang natigilan dahil sa pagkagulat.

"Este Sir Anthony," agad na pagtatama ni Samantha sa sarili.

Binalingan niya ang dalaga at nakitang nakatingin ito sa kanya na punong-puno ng paghanga. "Yes?"

Nagmamadali itong tumayo at nasagi pa ang mesa kaya muntik pang tumapon ang pagkain nito. Nabuwal pa ang upuang kinauupuan nito dahil sa biglaang pagtayo. Pagkatapos ay mabibillis ang mga hakbang na lumapit sa kanya.

Umatras siya nang bahagya at itinaas ang paper cup ng kapeng hawak niya dahil baka mabunggo ito sa kanya at pati iyon ay matapon.

Mukhang totoo ang sinasabi ng mga staff na napaka-clumsy ng babaeng ito. Marami na itong nagawang kapalpakan sa set nila at madalas niyang marinig na pinagagalitan ni Direk Sharee. Noong una, inakala niyang mainit lang ang dugo ni Direk sa bagong staff—pero ngayon, parang nauunawaan na niya ang direktor. Bara-bara kumilos ang babaeng ito at kumikilos nang hindi nag-iisip.

MY ULTIMATE LOVE STORY (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon