CHAPTER FOURTEEN

5.9K 108 0
                                    

"FRIEND, pinapatawag ka ni Direk Sharee," mahina at tila nakikisimpatyang sabi ni Jonna sa kanya.

Tumayo mula sa pagkakatalungko si Samantha at tumingin sa kaibigan. "Hahatulan na ba ako?" tanong niya.

Ngumiti ito nang matipid at hindi iyon umabot sa mga mata. Pagkatapos ay tinapik siya sa balikat. Saka pumasok sa loob ng studio at sumunod siya. Halos wala nang tao sa studio, tanging ang ilang technical staff na lang at mga PA ang naroon. Wala na ang audience. Nakita niya si Direk Sharee na nakikipag-usap kay Ma'am Anna. Nang tawagin ni Jonna ang atensiyon ng direktor ay bumaling ito sa kanila.

Pasimple siyang luminga sa paligid at halatang lahat ng atensiyon ay nasa kanila at hinihintay kung ano ang sasabihin ni Direk Sharee kahit na kunwari ay may kanya-kanyang ginagawa ang mga ito. Nang tingnan niya si Anthony ay nakatuon ang atensiyon nito sa cell phone.

"Trainee."

Muli siyang napaangat ng tingin sa direktor.

"Magkakaroon ng team na pupunta sa Tacloban para sa report ng Bagyong Yolanda. Ikaw ang sasama sa team bilang PA nila."

"Ako po?"

"Siya?" halos sabay na bulalas nila ni Ma'am Anna.

Tumingin si Direk Sharee sa akin pero bumaling kay Ma'am Anna nang magsalita ang huli.

"Hindi ba masyadong delikado, bago pa lang siya—"

"Pinangungunahan mo ako, Anna? Mas mabuti 'yon nang matuto talaga siya. Para malaman niya kung talagang gusto pa niyang ipagpatuloy 'yang career niya." Pagkatapos ay bumaling sa kanya si Direk Sharee at inabutan siya ng papel. "'Eto ang waiver. Pirmahan mo na lang 'yan. Nakausap ko na ang News and Current Affairs Department tungkol diyan at pumayag naman sila."

Halos hindi na nabasa ni Samantha ang nakasulat sa waiver dahil minamadali siya ng direktor na pirmahan iyon. Nang iabot niya rito ang papel matapos niyang pirmahan ay huminga ito nang malalim—tila nakahinga nang maluwag.

"Haay! Sa wakas, naidispatsa ko rin ang salot."

Parang may sumaksak sa dibdib niya nang marinig iyon sa direktor na naglalakad palayo.

"O, ano pa'ng tinitingin-tingin n'yo riyan? Tapusin n'yo na 'yang trabaho at may gagamit pa ng studio na 'to," utos pa nito.

Napayuko na lang siya. Naramdaman niya ang kamay ni Ma'am Anna sa kanyang balikat. Nang tingnan niya ito ay nakikisimpatya itong ngumiti sa kanya.

"'Wag mo na lang pansinin 'yang si Direk. Hindi naman mainit ang dugo niyan sa 'yo. Nagkaroon lang kanina ng aberya kaya ganyan, nadamay ka lang. Intindihin mo na lang siya."

Ngumiti na lang siya nang matipid saka tumango. Pagkatapos ay iniwan na siya ni Ma'am Anna.

Araw-araw siyang nasasabon at naipapahiya ni Direk Sharee. Ibig sabihin, araw-araw ding may aberya at napagbubuntunan lang siya? At ngayon, sa sobrang pagbunton ni Direk sa kanya ay "idinispatsa nito ang salot"?

Napabuntong-hininga siya.

Bakit kaya ganito ang production sa Umaga sa Pilipinas? Parang lahat may ugali. Si Chai, alam niyang niloko lang siya nito kanina at sinadya nitong iligaw siya. Nang balingan niya ang baklang PA ay nakikipagtawanan pa ito sa ibang kasamahan at kahit hindi niya naririnig ang pinag-uusapan ng mga ito, alam niyang siya ang pinag-uusapan ng mga iyon. Pagkatapos, si Direk Sharee pa.

Bakit iyong mga nakikita niya sa TV—kapag ipinapakita ang behind-the-scene—mukhang masasaya naman iyong mga crew sa production. Ano iyon? Lokohan? O baka sila lang ang ganito?

"Huy, ano pa'ng ginagawa mo riyan? Tara na," yakag ni Jonna sa kanya. Ito lang ang nag-iisang taong maging mabait sa kanya, siyempre, pangalawa si Ma'am Anna.

MY ULTIMATE LOVE STORY (COMPLETED)Where stories live. Discover now