CHAPTER NINE

6.2K 110 0
                                    

TULALA pa rin si Samantha habang sinusundan ng tingin ang papalayong si Anthony. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na talagang nagtatrabaho na siya sa RVN 8. Nang tinawagan siya ng HR ng RVN 8, ang akala niya ay papupuntahin siya para sa final interview—na binigyan siya ng ikalawang pagkakataon. Pero nagulat siya nang sabihin ng HR na magsisimula na siya ng trabaho at sa Umaga sa Pilipinas siya naka-assign na maging PA. Iyon ang morning show kung saan host si Anthony de Dios. Alam niyang isa lang ang may gawa n'on—si Jhay-ar. Hindi niya alam kung paano nito napakiusapan ang HR ng RVN 8, pero natutuwa siyang natulungan siya nito—at makakasama pa niya si Anthony de Dios!

Grabe ang saya niya.

Kaya kahit kailangan niyang gumising ng alas-tres ng madaling-araw ay walang-wala sa kanya dahil alam niyang pagdating sa trabaho ay masisilayan naman niya ang mukha ng crush niya.

Pero hindi lang pala niya makikita nang personal si Anthony de Dios, nakausap pa niya ito!

Nasapo ni Samantha ang dibdib. Shucks! Parang gustong sumabog ng puso niya. Nanginginig ang buong katawan niya dahil sa nerbiyos. Minabuti niyang maupo muna sa pinakamalapit na upuan. Nanlalambot ang mga tuhod niya. Gusto niyang magtitili sa sobrang kilig.

Diyos ko! At hindi niya akalaing masasabi niya ang mga nasabi niya kanina. Kailan pa siya nagkaroon ng lakas ng loob?

Oh, well. Pero at least ngayon, alam niyang hindi suplado si Anthony. At dahil naroon na siya, gagawin niya ang lahat para mapansin nito.

At sa anim na buwan niyang kontrata, sisikapin niyang maging isang mabuting empleyado para mabigyan siya ng panibagong kontrata. Para magtagal pa siya sa RVN 8, para matagal pa niyang makasama si Anthony.

Nagulat si Samantha nang humahangos na pumasok sa pantry ang isang PA na ka-close niya—si Jonna.

"Sam! Sumama ka sa akin, dali! Galit na galit na si Direk Sharee. Kanina ka pa niya hinahanap!"

"Ha?" Biglang napatayo si Samantha at mabibilis ang kilos na iniligpit niya ang baon at sa isang iglap ay tumatakbo na siya papunta sa studio.

"Trainee!!!! Nasa'n na ba 'yang babaeng 'yan!"

"Nandito po ako, Direk," sabi niyang nagkukumahog na lumapit sa direktor nila.

Tumingin ito sa gawi niya. "Saan ka ba nagpupupunta? Malapit nang magsimula ang show. Papasukin mo na ang audience."

"Yes, Direk." At agad-agad siyang sumunod. Lumabas siya ng studio. Ang inaasahan niya ay nasa labas na ang audience at nakapila para pumasok. Pero nagulat siyang wala ang mga taong inaaasahan niya. Nilapitan niya ang isang bouncer at nagtanong. "Ah, Kuya, nasaan po 'yong audience ng Umaga sa Pilipinas? Puwede na raw po kasi silang papasukin."

Sasagot sana ang bouncer pero may boses na nagsalita mula sa likuran nila. "Ah, Sam. 'Yong audience naligaw yata sa studio 5. Nakita ko sila roon kanina. Pakisundo naman sila. Hinahanap na sila ni Direk, eh," sabi ni Chai—isa sa mga regular na PA ng Umaga sa Pilipinas.

"Sige, sige. Pupuntahan ko na sila." Walang pagdadalawang-isip siyang tumakbo papunta sa kaliwang bahagi.

Pero nagkaligaw-ligaw siya dahil imbes na studio 5 ay studio 9 ang narating niya. Nasa kabilang banda pa raw ang studio 5 ayon sa maintenance na natanungan niya.

Halos lawit na ang dila ni Samantha at hingal na rin siya pero hindi pa niya nakikita ang pakay na studio. Napatingin siya sa relo. Twenty-minutes na mula nang magsimula ang programa. Ano na kaya ang nangyari?

Lalo siyang sinalakay ng pag-aalala. Napalingon siya sa paligid. Hindi na rin niya alam kung nasaan siya. Hindi niya alam na ganoon pala kalaki ang compound ng RVN 8. Pinahid niya ng likod ng kamay ang pawis sa noo. Nang may makita siyang tao sa di-kalayuan ay nilapitan niya ito.

"Uhm, excuse me po. Tatanong ko lang po kung nasaan 'yong studio 5?" tanong niya sa lalaki na base sa suot na uniform ay mukhang nagtatrabaho sa admin. May suot din kasi itong ID ng RVN 8.

"Huh? Bakit, ano'ng gagawin mo sa studio 5?" tanong nitong may nagtatakang ekspresyon sa mukha.

"Eh, kasi naligaw raw doon 'yong audience para sa Umaga sa Pilipinas."

Tumaas ang kilay nito sa pagkagulat pagkatapos ay sumulyap sa orasan nito. "Hindi ba kanina pa nagsimula 'yong show? Saka nandoon na 'yong audience. Ikaw yata ang naligaw, girl. Matagal nang off-limits ang studio 5."

"Po?!!" gulat na gulat na bulalas niya. "Pero ang sabi n'on—"

Tinapik ng lalaki—este ng beki ang balikat niya. Humitit ito sa sigarilyo saka ibinuga. "Naku, girl. Mukhang napag-trip-an ka. Okay lang 'yan, sa umpisa lang naman 'yan—either sa umpisa ka lang makakaranas ng power tripping o sa umpisa ka lang magugulat pero masasanay ka rin."

Sa narinig ay biglang nanlumo si Samantha. Nagpakahirap siya sa wala. Napaupo na lang siya sa gutter ng halamanan na naroon. Hindi naman nagsalita ang beki hanggang sa matapos ito sa paninigarilyo. Unti-unti nang kumakalat ang liwanag sa coumpound dahil sa pagsikat ng araw.

Nang paalis na ang beki ay bumaling ito sa kanya. "O, ano pa'ng ginagawa mo riyan? Bumalik ka na roon sa set. Baka lalo kang masabon kapag natapos ang programa nang wala ka pa."

Nag-angat lang siya ng tingin dito at nanghihinang tumayo. Itinuro nito sa kanya ang shortcut papunta sa studio 2 kung saan ginaganap ang programa.

Nang pumasok si Samantha sa set ay bumaling ng tingin sa kanya ang mga katrabaho niya. Ang iba ay nakikisimpatya, ang iba ay nagtatanong ang mga mata, ang iba ay napapailing.

Napabaling siya ng tingin sa direktor nilang nasa tabi ng isang cameraman. Kinakausap nito ang cameraman at may tinitingnan sa script. Nang bumaling sa kanya ang cameraman ay sinundan ng direktor ang tinitingnan nito. Napabaling sa kanya ang direktor nila. Ipinilig nito ang ulo papunta sa pinto. At alam niya ang ibig sabihin n'on. Bahagya siyang yumukod at yukong-yukong lumabas ng studio.

@

MY ULTIMATE LOVE STORY (COMPLETED)Where stories live. Discover now