KABANATA XIV

14 1 0
                                    

KABANATA XIV

HINDI nagtagumpay si Ellana na tanggihan ang gusto ni Dusthin na doon sa kanila maghapunan. Mabuti na lamang at nakahabol pa sila sa huling oras ng palengke kung kaya nakapamalengke pa sila ng lulutuing sinigang na hipon dahil iyon umano ang paborito nito.
“’Nay, si Dusthin po. ‘Yong guest na sinasabi ko sa inyo kanina.” Pauna niya nang huminto ang motor sa tapat ng bahay nila at sumalubong ang inang si Ella.
“Hello po, good evening.” Bati nito at makikipagkamay sana pero naalala ang turo niya kanina na pagdating ay magmano sa nanay at tatay niya. Hindi man sanay sa tradisyon ng pagmamano si Dusthin ay ginawa pa rin nito ang sinabi niya.
“Seled camo. (Pasok kayo.)” Alok ng nanay niya at nauna nang pumasok. “Dado! Digue ren si Ellana, may kaybang lalaki. (Dado! Dito na si Ellana, may kasamang lalaki.)” Tawag ni Ella sa asawang nasa kusina. “Pagpasensyahan mo na ang bahay namin, sir. Ito kasing anak ko sinabi nang huwag magdadala ng bisita rito.” Lingon nito sa kanila at pinaupo siya. Halata ang tonong Cuyunon sa pananalog ng nanay niya pero okay lang iyon at napangiti pa nga siya.
“A-ako po ang dapat humingi ng sorry. Ako kasi ang nagpumilit na pumunta rito. Don’t worry po, hindi naman importante kung maganda o hindi ang isang bahay. Mas importante ‘yong nakatira.” Tugon nito na inilinga pa ang paningin. Ilang Segundo pa at lumabas na si Mang Dado.
Napansin ni Ellana na tila napalunok si Dusthin nang makita nito ang tatay niya. Malaking tao si Mang Dado at may nakasukbit pang itak sa bewang nito.
“’Tay, ‘yong,” inginuso niyang ang itak na nasa bewang nito at muling sumulyap kay Dusthin na tumayo na para salubungin ang tatay niya.
“Magandang gabi ho. Ako po si Dusthin. Guest nila Ellana sa Esmeralda Cottage” Pagpapakilala nito at nagmano. Hindi naman ito nabigo at muli silang naupo nang muling bumalik sa kusina ang tatay.
“Pasensya ka na kay tatay. Hindi talaga masyadong nagsasalita iyon eh. Saka kauuwi n’ya lang galing sa laot.”
“Okay lang ano ka ba? Nothing to worry about. At saka, hindi mo naman kailangang ikahiya ang totoong ikaw at ang totoong lagay mo sa buhay kasi hindi naman ako judgmental. And you should be proud of what you have. Simpleng buhay.”
“Magkaiba kasi tayo. Sa ‘yo hindi mo problema ang pera. Sa amin problema namin ‘yon.” Tugon niya at tumayo para dalhin na sa kusina ang pinamili nang makapagsimula na silang magluto.
“Ellana, macon kaw kayna, suplado asta ara aga ngirit. Ayamo beken da medjo. Acadlao da ngani.(Ellana, sabi mo kanina suplado at hindi ngumingiti. Bakit hindi naman yata. Tumatawa pa nga.)” Ang nanay niyang tumingin pa muli kay Dusthin mula ulo hanggang paa.
“Ano daw ‘yon?” Baling nito sa kanya.
“W-wala. Huwag mo nang intindihin. Dito ka lang at magluluto lang ako.”
“No. I’ll help you. I insist!” Wika nito na nauna pang pumasok sa kusina. Wala na siyang nagawa kung hindi pagbigyan ang pagpupumilit nito. Hindi rin niya maintindihan. Sadya siguro talagang may mga tao na likas ang lakas ng self-confident. Sa lahat ng nakilala niya, ito pa lang ang feel at home na taong pumunta sa bahay nila.
Masaya silang nagluto ng hapunan at hindi na rin pumayag si Dusthin na mag-abala pa sina Aleng Ella at Mang Dado dahil ito na umano ang bahala sa pagluluto ng sinigang na hipon.
“Mukha lang po akong mayaman pero mukha lang po.” Nakangiti nitong wika nang akmang aagawin ni Aleng Ella ang sandok. “Pero dahil mahilig po akong magluto ay sanay po ako sa kusina.”
“Except sa klase ng lutuan.” Sabad ni Ellana na ang tinutukoy ay ang nagsisilbi nilang apoy na hindi mula sa gas stove kung di sa gatong na kahoy.
Ngumiti ito. “This is the life I am looking for. Simple. Malayo sa ingay ng syudad. Malayo sa problema. Malayo sa polusyon.” Sumeryoso nitong wika.
“Nasasabi mo lang ‘yan kasi may tinatakasan ka.” Tugon niya na nagpalinga rito sa takot na may ibang makarinig.
“Ano’ng language nga pala gamit ng nanay mo?” Curious nitong tanong habang nilalasahan ang niluluto. Siya naman ay nakaupo na sa harap ng mesa at pinapanood siya. Hindi na rin nito pinansin ang huli niyang sinabi.
“Cuyunon language ‘yon. Ang salita ng halos majority dito sa amin at sa buong province. Sabi nila, ito raw ang native language ng lugar. Nakakaintindi ako at nakakapagsalita ng kaunti. Tagalog na kasi ang kinamulatan kong salita.”
“Isang anak ka lang ba?”
Tumango siya nang lingunin siya nito. “Kaya nga todo sikap nila nanay at tatay para mapaaral ako. Mabuti na lang may college na rito kaya di ko na kailangan pumunta sa city.”
“Swerte mo noh.” Pagkuwa’y wika nito at umupo sa tabi niya habang hinihintay na lang na maluto ang sinigang na hipon.
Hindi na siya sumagot dahil ayaw na muna niyang marinig na malungkot ito. Maya-maya pa ay paubos na ang apoy kaya tumayo siya at inayos ang gatong. Matapos iyon ay kinuha ang isang putol na buho na may butas sa magkabilang dulo. Para itong maliit at maiksing tubo. Umihip siya roon para lumakas muli ang apoy. Nakangiti naman siyang pinanood ng binata. Nahuli pa niya ang mga ngiti nito nang muli siyang bumalik sa tabi nito para manood.
“Ano’ng tawag sa ginamit mong pang-ihip?” Curious nitong tanong at sinulyapan pa uli ang bagay na iyon.
“Tayep ang tawag sa salitang Cuyunon. Sa tagalog hindi ko alam eh.”
Tumango ito bilang tugon. “Turuan mo ako ng ganyang salita one of these days.”
“Sure! Pero mas maganda kung si nanay ang magtuturo sa ‘yo.” Mabilis niyang tugon at muling tumayo. Lumapit sa may kalan at kumuha ng isang gatong. “Pero bibigyan kita ng sample. Ito ay gatong,” taas niya sa hawak na kapirasong putol na kahoy, “sa Cuyunon language, dungkol.”
“Dungol?” Ulit nito na nagpahagalpak ng tawa ni Ellana. “Why?” Tanong nito pagkuwan.
“Hindi dungol. Dung-kol.” Binigyang-diin pa niya ang syllables ng nasabing salita.
“Ah dungkol!” Ulit pa ni Dusthin at nagkatawanan sila kasunod ng thumbs up sign niya.
Ilang minuto pa ang lumipas at luto na ang kanilang sinigang. Magkatulong na rin silang naghanda sa mesa at nang ready na ay tinawag na ang mga magulang. Pagkatapos ng maiksing dasal para sa pagkain ay nilantakan na nila ang hapunan. Masayang-masaya si Ellana sa nakitang tuwa na rumehistro sa mukha ni Dusthin dahil kahit paano ay nakakalimutan nito pansamantala ang dinadalang problema.
Ilang tanong din ang inalam ng mga magulang niya tungkol sa pagkatao ni Dusthin. Hindi naman naging maramot si Dusthin sa impormasyon pero mas minabuti pa rin nitong huwag sabihin na naglayas siya sa kanila para takasan ang gusto ng mga magulang nito.
“Total, matagal ka pa palang mananatili rito, baka gusto mong sumama sa amin next week. Uuwi kami sa bukid para um-attend na rin ng fiesta ng aming barangay.” Anyaya ni Mang Dado habang patapos na silang kumain.
Lumiwanag ang mukha ni Dusthin dahil sa narinig at mabilis itong pumayag kasunod ng isa pang request. “Maaari rin po ba akong sumama sa inyo minsan?”
“Sa dagat? Marunong ka bang manlabat? O sa bukid? Marunong ka bang magsaka?” Sunud-sunod na tanong ni Mang Dado.
Si Ellana namang nakikinig ay lihim na napapangiti. Hindi nito maintindihan kung bakit unang araw pa lang ni Dusthin sa lugar na iyon ay tila at home na at home ito. Marahil ay dahil sanay na ito sa tao o sadyang naghahanap lang ng mapaglilibangan.
“Hindi po ako marunong eh.” Napapangiti pa nitong tugon kay Mang Dado.
“Susubukan kong maturuan ka.”
“Beken bagay canimo, iho. Mangkaden kaw.” (Hindi bagay sa iyo, iho. Mayaman ka.) Sabad ni Aleng Ella sa usapan.
Kunot-noong napatingin si Dusthin sa kanya na wari bang nagsasabing i-translate niya ang sinabi ng ina.
“Sabi ni nanay, hindi raw bagay sa ‘yo kasi mayaman ka.” Tugon ni Ellana para mas maintindihan ng binata.
Napatawa ito ng mahina bago nagsalita. “Naku hindi po ako mayaman. Mukha lang po. At saka, I like to experience new things po.”
“Sige. Magsasabi ako rito kay Ellana kung kailan ka sasama sa akin.”
Napa-yes pa ito saka tinapos na ang pagkain. Mga kalahating oras pang nanatili roon si Dusthin bago tuluyang nagpaalam na babalik na sa Esmeralda Cottage. Hindi na rin siya hinatid ni Ellana dahil natandaan na rin umano nito ang daan pabalik.
“Ellana, imong ngirit kayna medyo iba ang malyag ikon ah. (Ellana, ang ngiti mo kanina parang iba ang ibig sabihin ah.”) puna ng nanay niya nang tuluyang makaalis si Dusthin.
“Hala si nanay, wala po ‘yon. Masaya lang po ako na kahit mahirap tayo ay may isang dayuhang mayaman na hindi nag-atubiling makikain sa atin.” Sa totoo lang ay tila may nararamdaman siyang kilig mula sa isang sulok ng kanyang puso.
“Wala namang masama kung mag-ka-crush kay Dusthin ang anak natin, Ella. Nasa edad na si Ellana para magkaroon ng boyfriend.” Sabad ni Mang Dado na nag-aayos ng flashlight.
“Pagpameyeng, Dado. Kunsintidor kaw. Aga adal pa si Ellana. (Tumigil ka, Dado. Kunsintidor ka. Nag-aaral pa si Ellana.)” Pasungit na sagot ng kanyang ina at bumaling sa kanya. “Ikaw, mag-adal ka anay. Indi kag pamati d’yan sa imong tatay. Dan si Dusthin beken ta kilala. (Ikaw, mag-aral ka muna. Huwag kang maniwala sa tatay mo. ‘Yan si Dusthin hindi natin kilala.)”
“’Nay, nag-aaral po akong mabuti at saka wala pa sa isip ko ang lovelife. At saka bakit ang advance n’yo naman mag-isip.”
“Ah basta!” Wika ng nanay niyang tumayo na para ihanda ang higaan habang siya naman ay naiwang napangiti dahil sa kumurot na kilig nang muling balikan sa isip ang mga nangyari maghapon.

Time FliesWhere stories live. Discover now