CHAPTER 24

3 2 0
                                    

CARL'S POV

Pagkatapos kung magisip ay bumaba na agad ako. Nadatnan ko naman agad ang mama kong nakaupo na sa mesa at hinihintay akong dumating. Nang makita niya ako ay agad siyang tumayo at muling sinalubong ako ng mahigpit na yakap na ginantihan ko naman agad.

"Kain na tayo anak?.." aniya saka ako pinaupo din. Umupo naman siya sa harap ko at saka kami nagsimulang kumain.

Makalipas ang ilang saglit ng matapos kami ay agad akong humalik sa pisnge niya at nagpaalam.

"Ma, alis lang po ako pupuntahan ko lang po siya.." mapait ang ngiting pagkakasabi ko sa kanya. Tumango lamang siya at muli akong niyakap ng mahigpit.

"Hmm, ganun ba?.. Kung ganun ay sige basta magiingat ka ha?" nagaalalang sabi niya kaya ngumiti na lang ako at saka muling bumalik sa kwarto at kinuha ang susi ko.

Dumiretso naman na din ako palabas ng bahay at saka pumasok sa loob ng sasakyan ko. Muli akong napabuntong hininga dahil sa huli ay makikita ko na naman siya. Makikita ko na naman ang babaeng mahal ko kahit na sa huling pagkakataon na nga lang.

~*~

Mabilis lang akong nakarating sa bahay nila Trin, at mula pa nga lang sa labas ng gate nila ay matatanaw mo na agad ang maraming mga taong nakikiramay sa kanila. Malungkot ang simoy ng hangin, tahimik ang paligid. Hindi ko na lang yun pinansin pa at nagtuloy na nga papasok sa loob.

Nagtuloy naman ako sa garden nila dahil nandun marahil siya nakahimlay. Ng nasa bungad na ako ay napako agad ang mata ko sa puting kabaong na nasa harapan. Maraming mga bulaklak at sa katabi ay may mga naglalakihang picture ni Trin. Malungkot na lang akong napangiti at saka nagtuloy na sa unahan.

Nakita ko naman sila tita kaya dumiretso na ako sa gawi nila. Napansin din naman niya ako kaya mabilis siyang tumayo at sinalubong ako. Kita ko ang pamumugto ng mga mata niya pero pilit pa rin siyang ngumingiti sakin kahit halatang pilit lang.

Ng makarating siya sa kinatatayuan ko ay mabilis niya akong niyakap kaya niyakap ko na rin siya pabalik. Para akong tinulos sa kinauupuan ko at hindi makagalaw pa. Hindi ko na nga namalayang unti unti na palang yumuyugyug ang parehong mga balikat ni tita sanhi ng muli na naman niyang pag-iyak.

Nakakahabag ang pinapakita niya at parang maging nga ang mga manonood ay nadadala na rin ng iyak niya. Ang iyak ng isang ina na nangungulila sa kanyang anak.

Hindi ko na napigilan at muli na naman akong napaiyak. Napatingin ako sa kabaong niya at saka ako natigilan pang muli kaya ng mapansin yun ni tita ay marahan siyang kumalas sa pagkakayakap sakin at saka sinundan ang tinitignan ko. Nagpupunas siya ng mga luha niya nung muli ko siyang binalingan ng tingin kaya kahit mahirap para sa kanya ay alanganin din siyang ngumiti sakin.

Lumapit naman si tito samin at saka inalo ang asawa niya. Inakbayan na lamang niya ito at mapait ding ngumiti sakin.

"Sige na iho, puntahan mo na siya. Alam kong miss mo na siya kaya sige na at pumunta ka na sa kanya.." sabi ni tito saka tinapik pa muna ang balikat ko bago ako tuluyang makalakad papunta sa unahan.

Nakita ko si Tinay na nasa may bandang gilid kasama si Yaya Lina at pareho silang napapahikbi din. Yung mga mata ng mga tao ay nasa amin, nasa akin. Hindi ko alam kung bakit nila ako tinitignan, pero siguro ay naaawa lang sila sakin.

Mabagal akong humakbang at parang kinakaladkad ko na nga lang ang mga paa ko dahil ayaw nitong umalis kung nasan man ako kanina. Ayaw nitong harapin ang katotohanang kailangan na niyang magpaalam samin.

Habang humahakbang ako ay hindi ko maiwasang hindi kabahan. Dumadagundong ang dibdib ko dahil sa bilis ng tibok ng puso ko. Hindi ko nga alam kung naririnig ba nila o ano.

Ng medyo malapit na ako sa kinaruroonan niya ay huminto ako, medyo may tatlong hakbang din yun, kaya hindi ko masyadong maaninag ang mukha niya, gayun pa man ay alam kong maganda pa din naman siya. Tatlong hakbang na lang ang pagitan namin at muli na namang magtatagpo ang aming mga landas.

Nanlalambot ang mga tuhod ko pero pilit kong pinatatag ang loob ko. Bumuntong hininga pa muna ako at saka naka-yukong tinawid ang distansya sa pagitan naming dalawa.

'At sa muli, ng ang ating mga landas ay muling pagtagpuin.
Nakita kita suot ang bistidang puti.
Naka suot sa katawan ng nagkikinangang palamuti.
Kaya maging ang iyong mga balat ay namumuti.

May bahagyang ngiti sa iyong mga labi.
Ngunit sa pagkakataong ito'y hindi na dilat ang iyong mga mata.

Nakapikit ka na at tila ba ikaw ay literal na nanlalamig na.
Tuwid ang katawan.
Naninigas na ang iyong mga kalamnan.

Nakakalungkot lang isipin,
Na sa puntong ito ay hindi ka na babalik.
Hindi mo na ko maiisipang balikan pang muli.

Dahil sa puntong ito...
Totoo na 'to.
Wala ng lingunan,
Kasi ikaw ay tuluyan ng bumitaw sa ating sumpaan.
Tuluyan mo na kong iiwan.'

Nararamdaman ko ang kaba ko ng mabagal kong iangat ang ulo ko. At ng tuluyan na ngang tumama ang paningin ko sa salamin sa ibabaw niya ay napatunayan kong maganda pa rin talaga siya. Maganda pa rin siya at wala ng mas hihigit pa sa kanya. Pangalawa sa kagandahan ng mama ko na wala ng tutumbas pa.

Napapangiti pa ako nung maisip ko yun, pero ang katotohanang kasalukuyan siyang nakahiga sa harap ko, at wala ng balak pang magmulat pa ng mata ay napakasakit na.

Ng mapadako ang paningin ko sa mukha niya, ay ang kaninang pinipigilan kong luha ay tuluyan ng kumawala. 'Ang luha ng pag-ibig na wala ng tutumbas pa sa sakit sa iyong pandama.' Parang natutulog lang talaga siya, pero alam kong mamimiss ko siya ng sobra.

Wala na akong paki alam sa mga matang nakatingin sakin ngayon, ang tanging laman na lamang ng isip ko ay ang babaeng mahal ko ay makakawala na sa pagmamahal ko. Hindi ko na namalayan pa na ang kaninang tahimik na pagluha ay parang gripo na at hindi na mapigil sa pagtulo. Maging ang mga hikbi ko ay tuluyan na ring kumawala sa aking mga labi. Iyak lang ako ng iyak hangang sa hindi ko na namalayan na yakap yakap ko na ang kabaong niya.

Humahagulgol na parang bata, wari mo'y iniwan ng kanyang ina, pero yung kanya nga lang ay malabo ng balikan niya pa.

'Nung akala ko'y tuluyan na akong malalango sa pangungulila ay natagpuan mo ako.
At ang kaninang pag-iisa ay bigla na lamang napunan ng isang malamig na hangin.

Ang malamig na hangin na kusang yumakap sakin.
Ang hangin na alam kong ikaw.
Ikaw...ang babaeng mahal ko, ay ang malamig na hanging kinukulong ako sa isang magaan na yakap...'

TREE OF INFINITYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon