Kabanata 10

272 22 3
                                    

Libro

Isang linggo na ang nakalipas simula nang mapanaginipan ko ang masamang panaginip na iyon. Patuloy pa rin ang pagpapadala ng puting mga rosas ni Leon. At isang linggo na ring hindi bumibisita dito sa bahay si Vicente.

Minsan ay inaabangan ko siya sa hardin ngunit walang Vicente na dumarating. Marahil ay abala siya sa kanyang trabaho dahil balita ko'y magtutungo ang Señor Presidente dito sa bayan ngayong linggo dahil sa pista. Inaabala ko na lamang ang sarili ko sa pagtatahi. Nais ko sanang magbasa ng nobela ngunit nabasa ko na lahat ng aking libro.

Habang naghahanap ng puwedeng libro sa aking aklatan dito sa silid ko'y may nagbukas ng pintuan. "Magandang umaga po, Ate Iza!" magalang na bati sa akin ni Manuel.

"Magandang umaga rin." bati ko sa kanya ngunit ang aking mata ay nasa mga libro pa rin.

"Ano po iyang ginagawa niyo?" tanong niya. Napatigil ako saglit at ibinaling ko ang atensiyon ko sa kanya.

"Naghahanap ako ng librong magandang basahin ngunit mukhang wala na dahil nabasa ko na naman ang lahat na narito." paliwanag ko sa bata.

Napatango lamang siya at nagulat ako nang tumakbo ito papalabas ng bahay. Napakibit na lamang ako ng balikat at tumayo na upang basahin ang mga sulat na nanggaling ka Leon nitong nakaraang linggo.

'Ika'y mag-ingat.'

'Singkislap ng bituin ang iyong mga mapupungay na mata.'

'Mas maganda ka pa sa mga rosas.'

'Narito lamang ako sa oras na ika'y lumuha.'

'Sinta, kay sarap mong titigan.'

'Sapat na ang ika'y mapanood mula sa malayo habang ika'y tumatawa kasama ang iyong mga kaibigan.'

'Sa ika-labing limang rosas.....magkita tayo sa ilalim ng pinakamataas na puno sa inyong hacienda. Hihintayin kita.'

Napatayo ako sa aking kinauupuan at tinungo ang plorera kung saan nakalagay ang mga rosas na kanyang ipinadala. Sinimulan ko itong bilangin at nagulat ako dahil kapag nagpadala pa siya ng tatlong rosas ay labing lima na ang mga ito.

Habang ako'y nakatitig sa mga rosas ay biglang may kumatok sa pintuan. Nagtungo ako sa rito at binuksan ito. Naroon si Shanang na may hawak na kahon.

"Señorita, ipinapabigay po para sa inyo."

Kinuha ko ang kahon at binasa ang nakasulat dito.

' Sana'y magustuhan mo....'

- Leon

"Nasaan ang nagbigay nito?" nabigla siya sa aking tono ngunit sumagot din kalaunan.

"W-wala po eh iniwan lang daw po iyan sa harap ng pasukan nitong hacienda."

Nadismaya ako sa sinabi niya at tumango na lamang bago pumasok sa aking silid. Inilagay ko ang kahon sa ibabaw ng aking lamesa bago ito buksan. Hindi ko napigilan ang aking pag-ngiti nang makita ang limang libro na naroon. Lahat ng ito ay mga nobela.

Paano kaya niya nalaman ang aking gusto. Napatigil ako sa pag-amoy ng mga pahina dahil naisip ko bigla na baka may nagsabi sa kanya. Si Manuel!

Dali dali akong lumabas at bumaba sa unang palapag ng bahay. "Nasaan si Manuel?!" nagmamadali kong tanong kay Osmeng.

"P-po? Nasa hardin po siya nagtatanim sila ni Don Diosdado."

Pagka-rinig ko sa kanyang sagot ay agad akong lumabas at nagtungo sa hardin. Kung tama ang hinala ko maaring si Manuel ang nagdadala ng mga bulaklak sa aking silid na ibinibigay ni Leon. Ibig sabihin nun ay kilala ng bata ang sikretong manliligaw ko.

"Manuel!!" tawag ko sa kanya.

Napalingon silang dalawa ni Ama sa akin. Kasalukuyan nag-didilig sila ng mga tanim na halaman.

"Bakit po ate?" tanong niya. Lumuhod ako upang magka-lebel ang aming mga mukha.

"Kilala mo si Leon, tama? Ikaw ang nag-sabi sa kanya na hilig ko ang mga nobela at ikaw ang naghahatid ng mga puting rosas sa aking silid na nanggagaling sa kanya? Sagutin mo ako." sunod-sunod kong tanong.

Napakurap naman siya. "Si---"

Hindi niya naituloy ang kanyang sasabihin nang biglang sumingit si Ama.

"Ano ka ba Iza. Paano naman makikilala ng batang iyan ang tinutukoy mong tao? Palagi kaming magkasama kapitolyo o di kaya sa aking mga pinupuntahan, ni Manuel." paliwanag niya.

Napaisip naman ako bigla. "Tama nga po kayo, Ama." tugon ko. Bumalik na lamang ako sa aking silid na may pagka-dismaya. Binuklat ko na lamang ang isang libro na nanggaling sa kahon na ipinadala ni Leon.

Habang nagbabasa ako'y hindi ko maiwasang isipin si Vicente. Kamusta na kaya siya. Siguro kung hindi trabaho ang kanyang pinagka-kaabalahan ay maaring ang babaeng kanyang tinutukoy na napupusuan niya.

Kapag naiisip ko iyon ay hindi ko maiwasan ang pagkirot ng aking nalulumbay na puso. Hindi na naman ako bata upang hindi malaman ang tunay kong nararamdaman. Tuluyan ko nang isinarado ang libro dahil hindi ko na maintindihan ang takbo ng istorya. Naka-limang balik na yata ako sa simula ngunit okupado ang aking isipan sa ibang bagay.

Lumabas ako sa aking silid at nagtungo sa asoteya ng ikalawang palapag. Mula dito ay tanaw na tanaw ko ang kabuuan ng hacienda mula sa palayan, tubuhan at pala-isdahan. Nahagip ng aking mata ang puno ng matandang accacia na nasa tabi ng Ilog Nam-nama. Ang ilog na ito ay sobrang haba na hindi alam ng kahit sino ang simula nito, sabi nila'y umaabot pa daw ito sa Bulacan at ibang bahagi ng Luzon.

Napabalik ang tingin ko sa puno. Ito ang pinakamataas at pinakamatandang puno dito sa hacienda kung hindi ako nagkakamali ay ang ama pa ni Tatang Ignacio ang nagtanim nito.

Naalala ko bigla ang sulat na nagmula kay Leon. 'Sa ika-labing limang rosas.....magkita tayo sa ilalim ng pinakamataas na puno sa inyong hacienda. Hihintayin kita.'

Ibig sabihin ay doon kami magkikita. Napakunot ang noo ko at tinignang mabuti ang nasa ilalim ng puno. May isang tao na nakasuot ng salakot habang nakatayo. Kung hindi ako nagkakamali ay nakatingin ito sa akin. Baka isa lamang siya sa mga tauhan namin sa palayan.

"Iza? Kumusta?"

Napalingon ako kay Ina na ngayon ay kakapasok lamang dito sa asoteya. "Maayos lamang po ako Ina."

"Napansin ko kasing nasa loob ka lamang ng iyong silid nitong mga nakaraang araw. Nag-away ba kayo ng iyong kasintahan?"

"P-po?" hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Kasintahan? Ni wala nga akong sinasagot sa aking mga manliligaw.

"Akala mo ba hindi ko pansin ang paglabas niyo ni Heneral Enriquez nitong nakaraang buwan. Lokohin mo na ang iyong mga kaibigan ngunit hindi mo ako maloloko," wika ni Ina. Hindi ako makasagot sa kanya dahil sa pagkabigla.

"Ako ang nag-luwal sa iyo. May kasabihan nga na ang nanay ang mas may alam ng makakabuti para sa iyo. Mi Ija, boto ako kay Vicente."

Umalis siya pagkatapos niyang sabihin ang mga iyon. Ganoon ba kadalas ang pagkikita namin ni Vicente at aakalain na ng aking mga magulang na siya'y aking kasintahan.

"Totoo ba ang sinabi ni Tiya Isabella?" napatalon ako sa gulat nang biglang sumulpot si Leandro.

"H-hindi. Walang katotohanan ang mga inaakusa niya." depensa ko.

Sumingkit naman lalo ang kanyang mata at tinignan ako ng maigi. "Huwag mo nang itanggi. Alam naman naming may gu---hmmm" hindi niya itinuloy ang kanyang sinasabi at tumikhim na lamang.

"Leandro, nasaan na ang mga papaeles na ipinadala ni Maximo?" sabat ni Ama.

Kinindatan lamang ako ni Leandro at iniwan na ako roon. Ano bang meron sa aking mga kapamilya? May hindi ba sila sinasabi sa akin? Nakakainis.



----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------


A/N:

May nagbabasa pa ba? Magandang hapon!

An Unexpected Love [BATC SERIES #2] (SELF-PUBLISHED)Where stories live. Discover now