Prologue

6.9K 272 42
                                    

Iminulat ko ang mga mata ko pero puro kadiliman lang din ang sumalubong sa akin.

Nakapiring pala ako.

Naramdaman ko ang kirot sa may ulo ko nang simulan kong alalahanin ang nangyari.

Kung nasaan ba ako?

At kung bakit ako nandito?

Siguro ay nasa San Pedrino pa rin ako pero kung saang parte, 'yon ang hindi ako alam. Ang natatandaan ko, naglalakad na ako pauwi ng apartment na inupahan ko para sa maikli kong bakasyon, at naramdaman ko na may mga yabag na sumusunod sa akin. Nang subukan kong lingunin kung sino 'yon, bigla nang nagdilim ang lahat.

'Nasaan ako?!' Gusto ko sanang isigaw pero hindi ko nagawa. Do'n ko lang napagtantong may malaki palang busal ang bibig ko na naglalaway na. Tuluyan na akong nilamon ng takot nang maramdaman kong mahigpit na nakatali ang katawan at mga binti ko sa kinauupuan ko. Ang mga kamay ko ay nasa harapan ko at naigagalaw pero hindi ang mga braso ko na may mahigpit ring mga tali.

Pilit akong kumilos at nagbabakasakali na makalas ang mga lubid sa katawan ko. Hanggang sa tuluyan na ngang matumba ang kinatatalian kong upuan. Medyo lumuwag ang piring sa mga mata ko pero hindi ang mga lubid sa katawan ko.

Muli akong kumilos at pilit na kumakawala.

Napalunok ako ng laway at huminto sa ginagawa ko nang makarinig ng mga yabag na papalapit kung saan ako naroroon.

'Tulong!!! Tulungan ninyo ako!!!' Mga salitang pilit isinisigaw ng nakabusal kong bibig.

Papalapit nang papalapit ang mga yabag kasunod ng mga halakhakan ng mga nagmamay-ari nito. Lumangitngit ang pinto na tila ba kaytagal nang hindi nabubuksan.

"Oh?! Bakit buhay pa 'yan?" boses ng isang lalaki.

"Gusto ko kasi 'yung mainit-init pa ang dugo," boses ng isang babae.

"Basta po, sa akin 'yung nunal na malapit sa labi niya ah. Ang laki eh! Buhay na buhay!" boses ng isang mas batang babae na sinundan ng paghagikhik.

Binalot ng mas matinding takot ang buong katawan ko dahil sa pag-uusap nilang iyon.

Sila... Sila ang mga taong dahilan kung bakit ako nandito ngayon, nakabusal ang bibig at nakatali ng mahigpit!

Lumapit ang mga yabag sa akin at iniayos ng tayo ang kinatatalian kong upuan. Dahil sa pagluwag ng piring ko ay bahagya kong nakita sa ilalim ng mukha ko ang mga nakasapataos ng taong bumihag sa akin.

'Pakawalan ninyo ako dito! Pakawalan ninyo ako!' pilit kong sinisigaw habang muling nagpupumiglas.

"Mukhang mahina ang pagkakahataw mo sa ulo nito," natatawang sabi ng lalaki.

"Sinadya ko nga kasi 'yun para makita natin kung paano siya mangisay mamaya," natatawang sagot ng babae.

Nangatal ang mga labi ko pati na ang buong katawan ko. 'Mamatay na ba ako?'

"Simulan na natin 'to bago pa mag-umaga," anang lalaki.

"Sandali lang, may hinihintay pa tayo," pigil ng babae.

"And'yan na po pala siya..." natutuwang sabi ng mas batang babae kasunod ang mga yabag na narinig ko papalapit sa akin.

Itiningala ko ang ulo ko at tumingin pailalim ng maluwag kong piring upang masilip kung sino o ano ang tinutukoy nila na dumating. Isang pares ng kulubot na mga paa ang naglakad palapit sa akin.

Kasunod kong naramdaman ang paghaplos ng magaspang na mga palad sa braso ko patungo sa kamay ko.

"Simulan na po natin. Gusto ko na pong kunin ang buhay na nunal niya!" Naiinip na sabi ng mas batang babae.

Rinig na rinig ko ang malalim na paghinga ng kung sino man ang nagmamay-ari ng kulubot na mga paa at magaspang na mga palad na nasa harapan ko.

"Napakagandang mga kamay...." Halos pabulong na saad ng isang boses ng matandang babae kasunod ang malakas pagtaga sa dalawang kamay ko na nasa harapan ko.

"Ahhhh!!!" Hindi ko man nakikita ay ramdam kong sumirit ang malapot na dugo mula sa naputol kong mga kamay. Malalim ang paghinga ko. Mabilis na mabilis! Lalo na nang palibutan na nila akong lahat.

May humawak sa braso ko, may malakas na tumaga sa binti ko at sa marahas na pagsabunot sa buhok ko ay tuluyan nang natanggal ang piring ko.

Nanlalaki ang mga mata ko nang itinaas ko ang duguan kong mga braso na wala ng mga tali ngunit wala na ring mga kamay!

Inilibot ko ang paningin ko sa mga taong nakapalibot sa akin.

Yakap-yakap ng isang matandang babae ang duguan at putol kong mga kamay na para bang kinakantahan pa, ang isang babae ay may hawak na malaking kaserolang tila handang sumalok sa dugo ko, ang lalaki ay may malaki at matalim na butcher knife sa kamay habang mas lalo namang humigpit ang pagkakasabunot ng isang babae sa buhok. Lalo akong nahindik nang salubungin ko ang mga tingin niya. Nanlalaki rin ang kanyang mga mata at naglalaway ang bibig. Gutom na gutom at sabik na sabik.

Nagsimula akong pilit na kumawala. Umiyak. Sumigaw. Habang lahat sila ay malakas na nagtatawanan. Nanlalaki ang mga mata at sabik na sabik na nakatingin sa akin.

Baliw.

Baliw ang mga taong ito na anumang oras ay handa na akong patayin.

Tama ako...

MAMAMATAY NA NGA AKO.

RecursionWhere stories live. Discover now