Chapter XVIII

1.1K 101 6
                                    


"Oh, nasaan na ang picture ng boylet mo?" tanong ni Editor habang kausap ko siya sa hawak kong cellphone. Nakauwi na ako ng apartment at medyo malalim na rin ang gabi pero hindi pa ako makatulog. Kaya nagawa ko pang sagutin ang tawag ni Editor.

"Baka kasi mahuli niya akong pini-picture-an ko pa siya, mag-feelingero pa 'yun." Natatawang sagot ko. Hindi ko sinabing nag-selfie kaming dalawa ni Ivan. Hindi ko alam kung bakit pero parang ayokong ipakita sa kanya ang picture ni Ivan. Ayokong malaman kung ano ang magiging impression niya sa hitsura pa lamang nito.

"Eh 'di dapat nag-selfie man lang kayong dalawa," dagdag pa ni Editor. Mukhang hindi niya nahalata na nagsisinungaling ako. "Oh siya, sige na. Matutulog na rin ako. Tumawag lang talaga ako kasi baka makita ko na kung gaano kabait ang mukha ng boylet mo."

"Basta Editor, kapag nagkapicture na kaming dalawa. Ipapadala ko kaagad sa 'yo."

"Sabi mo 'yan ah. Hihintayin ko 'yan. Pero mas hihintayin ko ang manuscript mo. Sana naman, pagbalik mo dito sa Manila... May bago ka nang nobela na ipa-publish."

"Pipilitin ko, Editor. Good night po."

"Good night din. Matulog ka na at malalim na ang gabi. Bye."

Mas matapos ang tawag namin ni Editor, pakiramdam ko ay mas lalong nawala ang antok ko. Sa totoo lang, hindi pa rin kasi maalis sa isip ko 'yung kaseryosohan ng mukha ni Ivan kanina. Bakit ba kasi parang iba ang tingin niya sa pamilya nina Kristine? Iba ang tingin niya sa bahay na tinutuluyan ko ngayon.

Nakaramdam ako ng uhaw kaya nagdesisyon na rin akong bumangon. Nang makakuha ako ng baso ng tubig ay lumapit ako sa may bintana at sumilip sa labas habang umiinom. Kagaya ng inaasahan ko ay wala namang akong nakita na tao do'n. Maliwanag kasi ang ilaw sa poste kaya kita ko ang lahat sa labas. Inalis ko na ang tingin ko sa labas nang may maanig ako na imahe ng tao. Muli kong ibinalik ang tingin ko sa labas ng bintana.

Tao nga... Tao nga 'yung nakita ko na nasa labas at naglalakad.

Ilang saglit ko pa siyang pinagmasdan bago ko siya nakilala.

Si Lola Harlie.

Wala siyang ibang kasama at naglalakad siya na para bang tulala. Hindi ko tuloy napigilan ang maging concerned sa kanya. Baka hindi alam nina Kristine na nasa labas siya. Ibinaba ko na ang baso ng tubig na hawak ko bago isinuot ang jacket na nasa may upuan lang din. Lumabas na ako ng apartment ko at tumuloy na lumabas ng bahay.

Nasaan siya?

Inilibot ko ang paningin ko sa paligid na puro halaman. Tuluyan na akong lumabas ng malaking bahay.

Baka naman nakabalik na siya sa loob.

Maglalakad na rin sana ako pabalik sa loob nang malingunan ko siya na nakatayo hindi kalayuan mula sa akin. Hindi na ako nagdalawnag isip na lapitan pa siya.

"Lola? Lola Harlie?" mahinang tawag ko. Nakatalikod siya mula sa akin at parang hindi ako naririnig. Nakasuot siya ng duster at nakalugay ang kanyang makapal na buhok na parang alambre ang mga hibla. "Lola, halika nap o sa loob. Baka mahamugan pa kayo dito. Lola Har -"

Napaatras ako sa bigla niyang pagharap. Namilog ang mga mata ko. Nanlambot ang mga tuhod ko.

"Kamay... Ang ganda ng kamay no'ng bata..." nakagiting sabi ni Lola Harlie. Ang buong bibig niya ay may bahid ng dugo. Pero hindi 'yon ang napahindik sa akin. Kung hindi ang mga kamay niyang nababalot din ng malapot na dugo. Umalingasaw kaagad ang malansang amoy nang dahil sa kanya.

"L-Lola... B-Bakit po duguan ang kamay ninyo? May sugat po ba kayo?" May pag-aalinlangan kong tanong. Sa hitsura kasi ng mga dugong nasa kamay niya na umabot hanggang sa may siko niya, para bang inilublob sa isang balde ng dugo ang buong braso niya.

"Kamay... Gusto ko rin ng kamay mo..." Hindi na ako muli pang nakaatras nang hawakan ni Lola Harlie ang mga kamay ko. Naramdaman ko ang malagkit na dugong kumapit din sa balat ko. Sinibukan kong bawiin ang kamay ko pero hindi niya binatawan.

Hindi ko alam kung natatakot lang ba ako na baka masaktan siya kapag pilit kong binaw ang mga kamay ko, o masyado lang talaga siyang malakas.

Napalunok ako ng laway at muling nakaramdam ng kung anong takot sa kakaibang tuwa na nakikita ko sa mga mata ni Lola Harlie, habang mahigpit pa ring hawak ang mga kamay ko. Medyo nasasaktan na ako sa totoo lang.

"Mama!"

Bago ko pa malingunan ang pinanggalingan ng boses na iyon ay nakalapit na siya amin ni Lola Harlie.

Si Tito Andrew.

Hindi ko alam kung paano niya ginawa pero nakita ko na lang na hawak na niya ang mga kamay ni Lola Harlie. At maalaya na ang mga kamay ko mula sa matanda.

"M-May dugo po sa mga kamay ni Lola Harlie..." pilit kong pinigilan ang panginginig ng boses ko.

"Oo, nakikita ko." Malamig ang boses ni Tito Andrew pero diretso ang tingin niya sa mga mata ko. "Naglinis kasi siya ng mga isdang pinamalangke ko kanina. Kaya ayan... Puro dugo ng isda ang kamay niya. Pasensya ka na, nalagyan ka rin tuloy ni Mama ng dugo ng isda d'yan sa kamay at braso mo."

"A-Ayos lang po... Sige po, papasok na po ako sa loob." Hindi ako komprotable sa mga tingin na ginagawa sa akin ni Tito Andrew. Para ba kasing binabasa niya kung ano man ang naglalaro ngayon sa loob ng isipan ko kaya kaagad na akong nagpaalam.

"Sandali lang..."

Bumalik ang tingin ko sa kanilang dalawa.

"H'wag ka masyadong maglalalabas sa dis oras ng gabi... Mahirap na. Baka sa susunod, sariling dugo mo na ang nasa mga kamay mo."

Hindi ako nakapagsalita sa sinabi niyang iyon. Ano bang dapat kong isagot?

Biglang tumawa si Tito Andrew. Malakas. "Biro lang. masyado ka kasing seryoso. Sige na, mauna na kami sa loob. Pagpasensyahan mo na ulit ang Mama ko."

Tuluyan na akong hindi nakapagsalita. At nang mawala sila ni Lola Harlie sa paningin ay muli kong pinagmasdan ang pulang likido sa mga braso ko. Malansa ang amoy. Pero parang hindi ito dugo ng isda.

Maaari kayang dugo 'to ng hayop o ng isang...

...TAO?

RecursionWhere stories live. Discover now