Chapter III

1.7K 141 22
                                    

Andrew's P.O.V.

"Dumating na pala 'yung magbabakasyon dito na manunulat?" sabi ko nang maibaba ko ang malalaking kahoy na dala ko. Mataas na ang sikat ng araw sa labas pero hindi ko pa rin binubuksan ang gift shop na pagmamay-ari rin namin ng pamilya ko. Karamihan sa mga tinda ng shop namin na 'to ay gawa sa inukit na kahoy. 

"Talaga po?! Nand'yan na po siya?!" Nae-excite na tanong ng anak kong si Kristine. Nakapalibot sila sa bilog at maliit na lamesa kung saan nasa ibabaw ang mga tasa ng kape, plato tinapay at palaman.

"Oo, dumating siya kagabi,"sagot ng asawa kong si Aileen habang nagpapalaman ng tinapay.

"Sabi na mommy, dapat nagpuyat na lang ako kagabi," nakalabing sabi ni Kristine. Hindi pa siya nakasuklay kaya sobrang buhaghag ng kulot niyang mga buhok.

"Malalim na ang gabi nang dumating siya dito, saka nang pumasok ako sa kwarto mo eh naghihilik ka na. Paano mo pa magagawang magpuyat?!" napapailing na tugon ng asawa ko bago bumaling ng tingin sa akin. "Halika na dito at mag-almusal ka muna bago mo trabahuhin 'yang mga kahoy na 'yan."

Tumalima ako at umupo na sa nakareserbang upuan na para sa akin. Inabot ko ang tinapay na pinalaman ni Aileen at kinagatan 'yon. Naisip kong hindi na lang siguro ako magbubukas ng shop ngayon. "Kumusta naman siya? Mukha bang mabait at hindi gagawa ng gulo?"

"Mukha naman. Walang kayabang-yabang sa katawan. Parang hindi sikat na manunulat kung kumilos," sinundan ni Aileen ng paghigop ng kape ang sinabing iyon. Kilala ko siya bilang magaling manuri ng isang tao sa unang tingin pa lang. Pero siyempre, hindi lahat ng sinasabi niya ay palaging tama. Ilang beses na rin siyang nagkamali. Ilang beses na kaming muntik nang mapahamak. Ang problema kasi sa asawa ko, mabilis siyang magtiwala.

"Mabait po talaga siya, mommy. Kaya nga po ang dami niyang followers sa Wattpad at Facebook page niya," dagdag pa ni Kristine habang ngumunguya.

"Ayan na naman kayo sa bait-bait na 'yan. Ang kabaliwan ng isang tao, wala 'yan sa hitsura. Nasa pag-iisip niya 'yan," tugon ko.

"Daddy, hayaan ninyo na po siya sa akin. H'wag ninyo na po siyang pakialaman," nakangiting sabi ni kristine. "Ako pong bahala sa kanya."

"No'ng huling beses mong sinabi 'yan, Kristine, muntik na tayong mapahamak. Alam ninyo naman ang gusto ko 'di ba? Tahimik na buhay sa lugar na 'to," seryosong sagot ko. Inilibot ko ang paningin ko sa paligid. Makalat ang mga kahoy. Marami ring langaw na lumilipad. At may mga sariwang karne na nasa timba hindi kalayuan sa amin. Mga giniling na karne na gagamitin ng asawa ko sa mga lulutuin niya mamaya para sa mga kakain sa Vida Feliz Cafĕ. Napailing ako. "Ipalinis mo na 'tong kalat mamaya kay Tony nang makapagbukas na ulit ako ng shop ko."

"Sige, ako nang magsasabi sa kanya," ani Aileen. Nakangiti siyang muling nagpapalaman ng tinapay. Gustung-gusto niya kasi na pantay ang pagkakalagay niya ng palaman. Kapag may kaunting lumampas, itatapon na niya ang tinapay.

"Siguraduhin niya kamo na ibabaon niya nang malalim ang mga matitirang buto d'yan sa timba. Mahirap na. Baka umalingasaw pa rin 'yan kahit konti na lang ang laman," dagdag ko pa.

"Bukas ng umaga, wala na ang mga kalat na 'yan. Mabilis namang magtrabaho 'yon si Tony, kayang-kaya niya na 'yan." Inabot ni Aileen kay Mama ang kutsilyo na ginagamit niyang pamplaman kanina. Kumislap pa iyon dahil sa talim. Mukhang nahasang mabuti ng asawa ko.

Nabaling ang tingin ko sa bagay na nasa ibabaw ng platitong kaharap ng Mama ko na nasa mahigit otsenta na ang edad. Tatlong pirasong malambot na bagay na may kalahating dangkal ang mga haba. Nang sinimulan niya iyong hiwain gamit ang matalim na kutsilyo ay sumirit pa ang mapupula at malalagkit na likido mula doon. Mabuti na lang at sa hindi iyon tumama sa damit niya. Napangiwi ako nang makita ko ang kakaibang ngiti sa mga labi ni Mama at ang kislap sa kanyang mga mata, halatang enjoy na enjoy siya sa ginagawa niya. Lalo na ng isubo niya ang isa sa mga daliring hiniwa niya. Nilunok ko muna ang kinagat kong tinapay bago muling nagsalita. "Ikaw Kristine, bantayan mo 'yang Lola Harlie mo. Kung sikat na manunulat 'yang idolo mo na nandito ngayon sa lugar natin, ilayo mo siya d'yan sa lola mo. Kung ayaw mo na pare-pareho tayong mapahamak dito."

RecursionDonde viven las historias. Descúbrelo ahora