Chapter VII

1.2K 118 2
                                    


"Ilang beses ko po bang sasabihin na ayokong pumunta ng Italy! Ayoko ng buhay do'n. Ayokong umalis dito sa Pilipinas," halos pasigaw na sabi ko kayna Papa at Mama. Kakauwi ko lang kanina mula sa isang booksigning event kung saan inilabas ang bago kong libro. As usual, hindi pumunta sino man sa mga magulang ko dahil may inasikaso raw sila na mas importanteng bagay. 'Yun pala, nakipagkita sila sa isang tita ko na matagal na akong kinukulit na pumunta ng Italy para i-manage ang isang business namin do'n.

"Ano ba talagang plano mo sa buhay mo, Junica?! Kailan ka ba makikinig sa amin ng Mama mo?! Para sa 'yo rin naman ang lahat ng sinasabi namin ngayon!" mataas na rin ang boses ni Papa pero halatang nagpipigil pa rin ng galit.

"Para sa akin o para sa inyo?! Kasi kayo lang naman ang magbe-benefit kapag tinanggap ko ang offer ni Tita, 'di ba? Kayo lang ang magyayabang sa mga kapwa ninyo abogado at kaibigan na businessman, na may anak din kayo successful na businesswoman! Pero hindi nga po 'yan ang gusto kong gawin, Papa!" pigil pa rin ang luha ko. Kanina lang ay sobrang saya ko sa booksigning event ko na halos maiyak na ako. Tapos ngayon naman ay nagpipigil ako na maiyak dahil sa walang ka-kwenta-kwentang bagay na pinagtatalunan namin ng mga magulang ko. Oo, para sa akin ay walang kwenta ang pangarap na gusto nilang abutin ko. Kagaya ng tingin nila sa sarili kong pangarap na gusto ko para sa sarili ko.

"Junica, ang boses mo! H'wag mong pinagtataasan ng boses ang Papa mo!" saway ni Mama.

"Gusto ko lang naman po na maintindihan ninyo pareho, na hindi po ako kagaya ninyo... Sorry po pero... hindi ko po talaga gustong sundan ang mga yapak ninyo. Hindi kop o gustong maging abogado o negosyante."

Wala naman akong magagawa kung ayaw talaga nilang suportahan ang pagsusulat ko. Hindi ko naman sila mapipilit kung ayaw talaga nila sa ginagawa ko. Pero sana, h'wag din nilang ipilit sa akin ang propesyon na kahit kailan hindi ko ginustong gawin. Para sa akin kasi, tama n aa'yung ilang taon na pinilit kong arilin at tapusin ang kurso na gusto nilang kunin ko sa college. Okay na 'yung ilang taon ko silang sinunod. Sana ngayon, sarili ko naman.

"Hindi mo ba naisip na halos lahat ng mga naging kaklase mo no'ng college ay may kanya-kanya ng negosyo?! Na kapag nagre-reunion kayo, ang pinag-uusapan nila ay tungkol sa pagta-travel nila sa abroad para sa mga bago pa nilang negosyo?! Tapos ikaw, wala kang ibang makwento kung hindi ang tungkol sa sinusulat mo. Junica, lahat sila successful na tapos ikaw. Eto at isa lang –"

"Ano?!" putol ko sa sinasabi ni Papa. Tuluyan ko ng hindi napigilan ang mga luha ko. Hindi ko alam kung bakit hindi nila makita-kita ang bsalitang 'Tagumpay' sa larangan na pinili ko. Hindi ba ako isang successful na writer sa paningin nila kahit marami na akong nobela na naisa-libro ng isang sikat na publishing company?! Kahit may sarili na akong pelikula?! Ano ba kasing definition ni Papa ng salitang 'Successful'?! Kapag marami ng pera at negosyo?! Kapag may sarili ng bahay at kotse?!

"Papa, naging successful din naman po ako pero iba lang talaga ang gusto ninyong makita sa akin. Iba lang 'yung gusto ninyo na maging ako! Nakakapagod na po. Nakakasawa na. Nakakapagod na po kayong sundin at nakakasawa ng gawin lahat para lang makita ninyo na dito ako masaya. Napapagod na po akong hintayin na sana maging masaya rin kayo para sa akin! Napaka-selfish ninyo po ni Mama! Wala na kayong ibang inisip kung hindi ang mga sarili ninyo!"

Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ko na pakiramdam ko ay nagpatabingi talaga ng mukha ko.

"Sandro!" awat ni Mama.

Nangatal ang mga labi ko at saglit akong umiyak bago napapailing na tumalikod mula sa kanila. Ayoko na. Pagod na ako. Pagod na pagod na akong ipakita sa kanila na dito ako masaya. Na sana ay maging masaya rin naman sila para sa akin. Kaya nagmamadali akong naglakad palabas ng bahay.

RecursionWhere stories live. Discover now