Chapter XVII

1K 89 12
                                    



"Ang daming tao 'no? Malapit na kasi ang fiesta dito," sabi ni Ivan habang naglalakad kami sa may maliit na plaza ng Barrio San Vicente.

May dikit-dikit na tiangge, nagkalat na nagtitinda ng mga sisiw na may iba't-ibang kulay at kung ano-ano ring pagkain. May mga banderistas din sa magkakalayong poste at lahat ng tao sa paligid ay nakangiti habang abala s akanya-kanyang ginagawa.

"Ito talaga 'yung nakaka-miss sa probinsya eh. 'Yung wala masyadong polusyon, walang traffic at mga simpleng bagay na nakakapagpasaya sa mga tao kagaya ng pagbili nitong cotton candy natin," nakangiting sagot ko. Matagal-tagal na rin akong hindi nakakapagbakasyon sa probinsya. At siguro, masasabi ko na isa ito sa pinakasimple pero exciting na bakasyon ko. Bakit exciting? Kasi kasama ko ang isang tao na hindi ko pa masyadong kilala. Actually, wala talaga akong alam kay Ivan maliban sa pangalan niya. Hindi ko kasi siya mahanap sa Facebook, Instagram o kahit na anong social media. Kaya hindi ko rin sigurado kung totoong tao ba 'tong kasama ko o nagpapanggap lang siya sa pangalan na Ivan. Kaya rin siguro sobrang curious ako sa kanya... At attracted. Kasi 'yung ganitong personality ang masarap i-discover at mas makilala pa.

"Hello Ms. Junica, pwede pong magpa-picture?"

Nalingunan ko ang dalawang teenager na babae na may hawak na cellphone. Saglit ko pang tiningnan si Ivan na tila nagpapaalam at kaagad naman niya akong tinanguan.

"Sure." Sagot ko sa mga teenagers.

Ilang solo and group picture ang ginawa namin. Nag-request din sila na kung pwede nilang akong yakapin na pinaunlakan ko naman. Saktong pagkatapos ng yakap na iyon ay nalaglag ang Bluetooth earphone ko. Kinuha ko 'yon at ibinulsa muna.

"Thank you po ulit." Pasalamat ng dalawa bago kumaway sa akin.

"Sikat na sikat ka pala talaga." Nakangiting sabi ni Ivan na nakatingin din sa dalawang teenager na naglalakad na palayo pero nasa akin pa rin ang mga tingin.

"Hindi 'no. Akala mo lang 'yun. Kilala lang ako ng mga bagets kasi mahilig silang magbasa." Sagot ko bago kinawayan na rin ang dalawa na naglalakad na palayo. May kung anong pagtataka ang gumuhit sa mukha nila bago sila tuluyang tumalikod mula sa akin. Pero hindi ko na lang 'yun pinansin. Kinapa ko ang cellphone ko sa suot kong pantalon at kinuha 'yun. "Selfie?"

"Sige ba, tapos ako naman. Pa-picture din sa isang sikat na writer."

Kaming dalawa naman ang nagpicture sa kanya-kanya naming cellphone bago kami muling nagpatuloy sa pag lalakad. Medyo palubog na ang araw at nalibot na rin namin halos ang maliit na plaza. "Ikaw?"

"Anong ako?" balik tanong niya bago tuluyan kinain ang natitira niyang cotton candy.

"Anong favorite book mo? Favorite book? Hobbies?"

"Seryosong mga tanong ba 'yan?" natatawang muling balik tanong niya.

Pati tuloy ako ay natawa na rin sa naging tanong ko. "Wala naman kasi ako masyadong alam sa 'yo. Kasi hindi ka rin masyadong nagku-kwento. Puro ako lang nang ako. At ang alam ko lang tungkol sa 'yo... Ikaw si Ivan Tolosa. Then that's it."

"Alam mo, wala naman din kasing exciting sa buhay ko." Huminto na siya sa paglalakad at gano'n din ako. Magkatabi kaming nakatayo sa may tabi ng fountain habang pinapanood ang ibang tao na may kanya-kanyang ginagawa.

Ano nga bang gusto kong malaman tungkol kay Ivan? Siguro kung tiga-saan talaga siya. Kung hanggang kailan siya dito sa Barrio San Vicente. Kung anong trabaho niya. At kung may girlfriend na ba siya. May iba pa akong gustong malaman. Marami pa. Pero ni isa, wala namang lumabas na tanong mula sa bibig ko. Kaya si Ivan na lang muli ang nagsalita.

"Alam mo Junica, hindi tayo pareho. Ang buhay ko kasi medyo walang kwento. Hindi kagaya sa 'yo, lahat exciting. Kaya nga mas lalo kitang gustong makilala. Kasi baka kahit paano, maging exciting din ang buhay ko kagaya ng sa 'yo."

Medyo malalim ang naging sagot ni Ivan. At hindi ko alam kung paano pa 'yun sasakyan. Ayokong magmukhang assuming sa harap niya. Ayokong masyadong iparamdam sa kanya na type ko talaga siya. Hindi sa ganitong klase ng lugar at pagkakataon. Kaya nagkibit balikat na lang ako bago inubos ang natitira ko pang cotton candy.

"Teka, sina Kristine 'yun oh." Naagaw ang pansin ko nina Kristine na kasama ang mga magulang niya na tila namimili ng mga sisiw. Nakakatuwa naman at kahit paano ay nakakalabas na si Kristine mula sa bahay nila. "Tara lapitan natin sila."

"Junica..."

Hindi ko na natuloy ang gagawin kong paglalakad nang hawakan ni Ivan ang kamay ko. Nagtama ang tingin namin ng seryoso niyang mga mata. 'Yung mga tingin niya na hindi ko talaga. Parang kasing ibang Ivan ang kasama ko kapag tinitingnan niya ako ng gano'n. Nakita ko pa ang paglunok niya bago siya muling ngumiti. Napakabilis magpalit ng expression ng mukha niya. Gano'n din kaya ang personality niya?

"Dinner na tayo? Nagugutom na ako, eh," sabi niya.

Ramdam ko na ayaw niyang lumapit kayna Kristine. Ayaw niyang makita ang mga ito. Ayaw niyang makausap. Hanggang ngayon ay wala pa rin akong idea kung bakit. Pero siyempre, tumalima na lang ako sa gusto niya. "O-Okay sige. Tara."

RecursionWhere stories live. Discover now