Chapter VI

1.3K 123 10
                                    

"Hindi po ako umorder ng kahit na anong soup. Kape lang po," may pagtatakang sabi ko nang ihatid ni Tita Aileen ang tray na may lamang mangkok na sabaw at isang tasa ng kape.

"Para sa 'yo talaga 'yan," nakangiting tugon niya. "Pwedeng umupo dito?"

"Sige po." Isinarado ko na ang laptop ko nang maramdaman kong may gusto siyang sabihin sa akin. At pagkatapos niyang mailagay sa harap ko ang pagkain at mainit na kape ay umupo na siya sa katapat ko.

"Gusto ko lang magpasalamat sa ginawa mo kay Kristine. Kung hindi dahil sa 'yo, baka nagkagulo na dito sa café." Bumaling ang tingin niya kay Kristine na nagte-take ng order sa kaharap na customer na nasa counter. "Alam mo, hindi naman talaga siya dating ganyan eh. Oh baka hindi lang namin alam na ginagawa niya napala 'yun dati pa. May ilang beses na rin kasi kaming napatawag sa school no'ng nag-aaral pa siya."

"Hindi na po pala nag-aaral si Kristine?" nagtatakang tanong ko.

Bumalik ang tingin niya sa akin at ngumiti ang maputla at bitak niyang mga labi. "Nabully kasi siya sa school nang minsang magsumbong ang isang kaklase niya sa ginawa niyang..." bumunting hininga muna siya bago nagpatuloy. Mukhang nahihirapan siyang banggitin ang mga susunod na salita. "Sa ginawa niyang pagnanakaw ng lapis ng isa pa niyang kaklase. Nasa grade 5 pa lang siya no'n. Mula no'n, ayaw na niyang pumasok sa school kahit anong pilit namin. Umiiyak siya. Nagwawala. Kaya nagdesisyon na lang kami na i-homes chooling siya."

"Nasubukan ninyo na po ba siyang i-pacheck up tungkol sa kakaibang behavior o ginagawa niya?" Batid ko naman na walang dahilan si Kristine para gawin ang mga pagkuha ng bagay na hindi niya pag-aaari. Halata naman kasing may kaya ang pamilya nila at naibibigay ang gusto niya. Isa pa, maliliit na bagay lang ang kinukuha niya, kagaya na lang ng key chain ko na hindi ko na binawi pa. Kaya naisip ko na siguro ay tama ang sinabi ng misteryosong lalaki na kanina lang ay kausap ko. Baka sakit na iyon ni Kristine.

Umiling naman si Tita Aileen. "Ayaw ng asawa ako eh. Alam mo na, maliit lang kasi 'tong barrio namin. At kapag nalaman ng iba na pinacheck up namin si Kristine sa isang doktor o espesyalista sa pag-iisip, baka isipin nila..." mapait siyang ngumiti at bumuntong hininga. "Baka isipin nilang pamilya kami ng mga baliw. No'ng una, naging mailap siya sa mga tao. Halos hindi siya lumalabas ng kwarto niya. Hanggang sa napansin ko na madalas siyang may hawak na cellphone. Akala ko naglalaro lang siya o kung ano. 'Yun pala, nagbabasa siya ng mga nobelang sinusulat mo sa Wattpad. Hanggang sa may dumadating ng delivery dito sa bahay. Mga package na para kay Kristine. Umorder pala siya online ng mga libro mo. Pagkatapos ng ilang taon na pagkukulong niya, nakakalabas na siya ng kwarto niya. Tapos eto na siya, marunong na rin siyang ngumiti at makisama sa ibang tao pati na sa mga nagiging customer ng café na 'to.

Ang naisip ko no'n, malaking bagay ang nagawa ng pagbabasa niya ng mga libro at nobela sa internet. Malaking bagay ang nagawa mo at ang mga libro mo sa buhay ng anak ko. Kasi kahit kailan, hindi niya naramdaman na nakakulong siya sa kwarto niya. Ang sabi niya kasi no'n kapag pinapayagan ko raw siyang bumili ng libro mo, para na siyang nakakapunta sa iba't-ibang lugar. Para na rin siyang nakakalabas mula sa maliit na barrio namin."

Nakaramdam ako ng awa habang pinagmamasdan kong magkwento si Tita Aileen. Ang mga mata niya ay nakatuon sa mga kamay niyang magkasiklop na nasa ibabaw ng lamesa. May ngiti pa rin sa mga labi niya pero parang pilit na at bakas ang pait.

"Kaya salamat sa 'yo, Junica. Hindi lang para sa ginawa mo kanina kung hindi para sa mga sinulat mo na sobrang kinawiwilihang basahin ng anak ko. Salamat sa paglikha ng isang bagong mundo mula sa iyong imahinasyon, para sandaling matakasan ng anak ko ang mapait na buhay at reyalidad." Isang malalim na buntong hininga ang binatawan niya bago napapailing at pilit na natatawa. "Ano ba 'to, masyado na akong madrama. Kainin mo na pala 'tong dinala ko na meatball soup. Secret recipe ko 'yan kaya sana magustuhan mo," aniya bago binalingan ng tingin ang sabaw na inihatid niya sa akin.

RecursionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon