KABANATA 20

864 77 24
                                    

"Maaari ba kitang isayaw, binibini?"

Hindi ko na hinayaan pa na magtagal si Prinsipe Arsh sa pagkakaluhod sa harap ko dahil sa totoo lang, ako ang nahihiya. Naagaw na rin kasi namin ang atensiyon ng ibang panauhin sa kabilang lamesa. Baka mas lalo pa rumami ang mga maiinis sa akin kapag nagtagal pa sa harap ko ang ikatlong Prinsipe.

Isa pa, sino ang nahihibang na babae na magre-reject sa isang Prinsipe sa gitna ng napakaraming tao? Ang kahihiyan ay mapupunta sa Prinsipe kapag hindi ko tinanggap ang paanyaya nito.

Ipinatong ko ang kamay ko sa palad niya. "O-Oo naman, Prinsipe Arsh."

Napangiti ito nang marinig ang sagot ko. Marahan siyang tumayo mula sa pagkakaluhod at dahan-dahan niya naman akong inalalayang tumayo. Naglakad kaming magkahawak-kamay patungo sa dance floor. Ang mga kaninang nagsasayawan sa gitna ay nagsialisan at hinayaan kami ni Prinsipe Arsh na masolo ang buong espas'yo ng dance floor. Kumbaga, ang spotlight ay nasa amin na ngayon na mas lalong nagbigay sa akin ng sobrang pagkailang.

Gumilid ang lahat at tanging sa amin lang nakatuon ang kanilang atensiyon. Ganito pala ang pakiramdam na kahit ayaw mo, kung isa sa mga Prinsipe ang kasama mo, sa 'yo lamang nila itutuon ang kanilang pansin.

Huminto kami sa gitna. Hindi pa rin binibitawan ni Prinsipe Arsh ang aking kamay hanggang sa pinaharap na niya ako sa kaniya. Naiilang ako sa maraming mata na nakatingin sa amin.

Paano na 'to? Hindi pa naman ako marunong sumayaw.

Wala akong kahilig-hilig sa musika lalo na ang pagsasayaw. Kaya nga noong nag-aaral pa lang ako sa High School, lagi kong iniiwasan ang Physical Education subject. Isa rin iyon sa rason kung bakit ako nag-Accountancy course para mapalayo sa asignaturang iyon pero kahit anong takas ko, hinabol pa rin ako nito. Hanggang mag-second year college ako, kasama ko ang Physical Education subject.

"Prinsipe Arsh, kasi ano... 'di ako marunong sumayaw," pag-amin ko.

Hindi naman ito gumawa ng kahit anong reaksyon sa mukha niya. Tila inaasahan na niya ang sasabihin ko. Halata ba agad na hindi nga ako marunong sumayaw?

Lumapit siya sa bandang tainga ko at may binulong ito. "Huwag kang mag-alala. Ako ang bahala."

Itinaas niya ang kamay ko papalapit sa mukha niya. Marahan niyang dinampi ang labi niya sa kamay kong hawak niya. Hinalikan niya ang kamay ko sa harap ng maraming tao. Pagkatapos, dahan-dahan siyang yumuko sa harap ko bilang pagbibigay respeto. Ito ang formal way nila para simulan ang pagsasayaw kasama ang kapareho nila.

Nang iniangat na niya ang kaniyang ulo, tumambad muli sa 'kin ang matamis nitong ngiti. Maging ang mala-dagat niyang mata ay nangungusap na simulan na naming sumayaw. Kinuha niya ang isa kong kamay at ipinatong ito sa balikat niya. Samantalang ang isa pang kamay niyang nakahawak kanina pa sa kamay ko ay inayos din niya. Binukas niya ang kamay niya dahilan para ayusin ko rin ang kamay ko. Magkalapat na ngayon ang kamay naming dalawa at dahan-dahan nitong pinagtiklop.

"Ngayon, ipatong mo ang dalawang paa mo sa suot kong sapatos," ani nito na pinanlakihan ko naman ng mata.

Hindi ko agad sinunod ito. Anong gusto niyang mangyari? Kaya ba pinapapatong niya ang mga paa ko sa mga paa niya ay para siya na ang bahala sa bawat steps ng sayaw dahil 'di ko ako marunong sumayaw?

"P-Pero Prinsipe Arsh, tiyak na masasaktan ka at mangangalay," ani ko. Payat naman ako kaya 'di ako gano'n kabigat. Ang iniisip ko lang ay ang sakit na makukuha niya sa 2 inches heels ng sandal ko. Paniguradong hindi lang pangangalay ang makukuha nito, masasaktan at magkakapasa pa ito.

"Sige na, Zariya, ipatong mo na ang iyong mga paa. Hindi rin naman ako papayag na ako'y tanggihan mo."

Ilang segundo rin kaming nanatiling ganoon ang posisyon. Hindi siya humahakbang hangga't hindi ko ipinapatong ang paa ko sa sapatos niya.

The Kingdom Of NorlandWhere stories live. Discover now