KABANATA 24

999 81 32
                                    

"Dern, Arsh? Kanina pa kayo hinahanap ni Ravi," salubong sa amin ni Prinsipe Nesh nang makapasok na kami sa palasyo. Puno ng pag-aalala ang mukha ng pinakabatang Prinsipe. Tila kanina pa niya hinihintay ang kaniyang mga kapatid.

Nadatnan namin ang magulong palasyo.

Maraming mga kawal ang nagkalat sa labas at maging sa loob ng palasyo. Protektado nila ang buong palasyo sa pamamagitan ng matutulis nilang espada at mga pana na may bala na apoy. Ang sasakyan pang-hukbo ay nalagpasan namin sa gate, mukhang kadarating lang din nito. Ang lahat ay alerto sa posible pang mangyari.

Inilibot ko ang paningin ko sa paligid. Maging sa loob ng palasyo ay napinsala rin lalo na ang nasa quadrangle kung saan pagdadausan sana ng gagawing ritwal para kay Haring Valor. Dahil sa mga nagsitumbahang gasera na naroon at sa gulo-gulong mga upuan, mukhang hindi natuloy ang sinabing ritwal. Ito ang labis na napinsala. Hind ko mapigilang isipin na ang quadrangle nga ang nais na pasabugin ng kalaban. Siguro ay dahil alam niyang ilalabas si Haring Valor para sa ritwal na gagawin. At sa ganoong paraan, matutuluyan nilang patayin ang Mahal na Hari.

Makapal pa rin ang usok sa loob kaya hindi ko maaninag ang mga mukha ng mga taong nakahandusay sa lupa at tila namayapa na. Nanginginig na ang mga paa ko dahil sa nakikita. Ngayon lang ako nakasaksi sa ganitong kagulong paligid at may mga nakahandusay nang walang buhay.

Lumabas mula sa likuran ni Prinsipe Nesh si Prinsipe Cozen at matalim itong tumitig sa dalawa pang Prinsipe na nasa tabi ko, kina Prinsipe Dern at Prinsipe Arsh. "Saan ba kayo nanggaling?" Nakaramdam ako ng takot nang sa 'kin naman ngayon dumapo ang tingin niya. Binabasa nito ang kasagutan sa pamamagitan ng reaksiyon ng mga mukha namin kaya hindi ako nagpahalata at hindi umiwas sa mga tingin niya para wala siyang masabi.

Habang hawak pa rin ni Prinsipe Arsh ang kamay ko, ipinunta niya ako sa likuran nito bago sinagot ang tanong ni Prinsipe Cozen. "Pumunta kami sa kagubatan upang kumuha ng ilang halamang-gamot na gagamitin ni Ama sa ritwal at gano'n na lamang ang aming gulat nang kami'y makabalik, 'di namin inaasahan ang aming nadatnan dito," pagdadahilan niya.

"Maging kami ay nagulat din sa nangyari. Lahat ay abala sa paghahanda nang bigla na lang may malakas na pagsabog na narinig mula sa labas ng palasyo. Nang lumabas kami upang tingnan 'yon, sumunod namang pinasabog ang tabi ng piitan. Nadamay pati ang espasiyo na gagamitin para sa ritwal. Maraming mga kawal ang nasawi, 'di pa tiyak kung pati si Ysabelle na dahilan ng pagkalason ni Haring Valor ay nasunog o nakatakas. Malaking palaisipan kung sino ang nasa likod ng kaganapang ito. Ang lahat ay nabigla," pagk'we-k'wento ni Prinsipe Cozen.

May pagsabog na nangyari matapos naming itakas si Ysabelle? Kung gayon, mabuti na lang talaga dahil itinakas namin siya kung hindi, maaaring kasama na rin siya sa mga nasawing kawal na nasa piitan. Pero nakakapagtaka, sino ang may kagagawan ng pagsabog? Isa rin kaya si Ysabelle sa puntirya ng kalaban? Maging ang piitan ay hindi niya pinaglapas.

Kung sino man ang nasa likod ng kaguluhang ito, sigurado akong gusto nitong bawian ng buhay si Ysabelle at si Haring Valor.

"Eh, si Ama? Kumusta siya?" Bakas sa tono ni Prinsipe Dern ang pag-aalala.

Ang Mahal na Hari ang dapat ingatan sa mga oras na ito. Nanganganib ang kaniyang buhay. Pangalawang beses nang may nagtangka sa kaniyang buhay.

Nais ko ring malaman ang kalagayan ni Haring Valor. Kung hindi natuloy ang ritwal, nasaan siya sa mga oras na 'yon? Nasa mabuting lagay kaya siya ngayon?

Tinalikuran kami ni Prinsipe Cozen at nagsimula na siyang humakbang palayo sa amin. "Nasa kaniyang silid si Ama, nagpapahinga," sagot nito.

Nakahinga ako nang maluwag. Mabuti naman at nasa mabuting kalagayan si Haring Valor. Buti naman dahil kahit papaano, hindi nagtagumpay ang kalaban. Ligtas pa rin ang Hari ng Kaharian ng Norland.

The Kingdom Of NorlandWhere stories live. Discover now