KABANATA 22

799 81 16
                                    

"Tata Lucio, nasaan ka?"

Kanina ko pa iniikot ang puno kung saan siya nakatira pero hanggang ngayon ay 'di pa rin ito nagpapakita sa 'kin. Ni anino nga niya ay 'di ko mahanap. Nilibot ko na ang punong ito pera wala pa rin.

Nasaan na ba siya?

"Anong kailangan mo, Prinsesa Amity?" tanong nito mula sa likuran ko.

Sa wakas!

Agad akong lumingon at tumambad sa 'kin si Tata Lucio, ang natatanging ibon na may alam sa tunay na katauhan ko at ang nilalang na dahilan kung bakit naririto ako ngayon sa Kaharian ng Norland. Nakapatong siya sa isang sanga na 'di kataasan. Nanatili akong nakatayo sa kinaroroonan ko habang nakatingala pa rin kay Tata Lucio. Hindi ko alam kung saan ito nanggaling, bigla na lamang siyang lumitaw sa sanga na iyon.

"May alam ba kayo sa nangyari kay Haring Valor? Kilala niyo po ba kung sino ang totoong lumason sa kaniya? Sabihin niyo sa 'kin na hindi si Ysabelle 'yon. Walang kasalanan ang kaibigan ko, hindi ba?" Punong-puno ng pag-asa ang tono ko.

Si Tata Lucio na lang ang tanging nilalang na naninirahan dito ang malalapitan ko para humingi ng tulong. Hindi ako maaaring makahingi ng tulong sa mga Prinsipe dahil malamang ay nakain na sila ng galit sa nangyari sa kanilang Ama at hahanap talaga sila ng taong sisisihin, si Ysabelle.

Kahit gusto kong pumunta sa aking Inang Reyna upang sa kaniya ko malaman ang totoo ay hindi ko magawa. Mahigpit ngayon ang mga kawal sa mga naninilbihan sa palasyo. Nakamasid sila sa bawat galaw namin dahil sa nangyari sa Mahal na Hari. Ang Heneral ang may utos na bantayan ang iba pang naninilbihan dahil naniniwala siya na malaki ang posibilidad na hindi lang si Ysabelle ang may kagagawan noon. Para sa kaniya, may kasabwat pa ito.

Kaya si Tata Lucio na lang ang tanging pag-asa ko para malaman ang katotohanan dahil may kapangyarihan itong magbalik-tanaw sa nakaraan. Sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw, mapapatunayan na walang kasalanan si Ysabelle.

Nasa likuran kami ng puno kaya hindi ako nakikita ng mga ibang mamamayan ng Norland na dumaraan. Hindi ako p'wedeng mahuli ng sino man dahil mahigpit na pinagbabawal ngayon ang paglabas ng mga taga-silbi o kawal sa palasyo.

Hindi rin p'wedeng ipaalam ang tungkol sa pagkalason ni Haring Valor dahil magbibigay ito ng matinding pagkabahala sa mga nasasakupan ng Mahal na Hari. Baka gawin itong oportunidad at kalakasan ng mga nais magpabagsak ang Kaharian ng Norland lalo na ang aking Inang Reyna. Pero kahit 'di ko na iulat sa kaniya ang nangyayari, alam kong bago pa maganap ang piging para sa kaarawan ni Haring Valor ay alam niya na ang maaaring mangyari. Ganoon katalino ang aking Ina.

Malakas talaga ang kutob kong siya ang nasa likod ng mga nangyayari ngayon.

Hinihintay ko ang isasagot ni Tata Lucio. Hindi pa naman ako p'wedeng magtagal. Nagpaalam lang ako na may inutos sa 'kin si Kharim Celia upang makalabas ng palasyo. Binigyan lamang nila ako ng ilang minuto sa labas. Susunduin nila ako kapag lumagpas ako sa binigay nilang minuto.

"Sigurado ka bang wala talaga siyang kasalanan? Bakit ganiyan na lamang katindi ang paniniwala mong inosente si Ysabelle?"

"Dahil kaibigan ko siya," direktang sagot ko.

Siguro ay napakababaw para sa iba ang dahilan ko pero sapat na 'yon sa 'kin para maniwala. Ayokong hatulan agad siya dahil lang sa simpleng pagbibintang nila. Kaibigan ko siya kaya isa dapat ako sa mas nakakakilala sa kaniya at 'yon ang panghahawakan ko para maniwala sa kaniya na hindi siya ang lumason sa Hari. Hindi niya kailan man magagawa iyon.

Lumipat si Tata Lucio sa isa pang mas mababang sanga. Hindi na mangangalay ang leeg ko sa kakatingala dahil kapantay ko na siya ngayon.

"Nababasa ko ang nasa isipan mo ngunit pasensiya ka na, Prinsesa Amity. Hindi kita matutulungan sa nais mo," an'ya.

The Kingdom Of NorlandTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon