KABANATA 32

607 63 12
                                    

"Zariya?"

Natigil ang pagkakatitig ko sa kawalan nang iwagayway ni Prinsipe Arsh ang kaniyang kamay sa harap ko. Pilit nitong kinuha ang atensiyon ko. Doon lang din bumalik ang ulirat ko.

"May sinasabi ka, Prinsipe Arsh?" tanong ko.

Simula nang makatakas kami sa Kaharian ng Lacandia ay lumilipad na ang isip ko. Hindi ako maka-focus dahil sa mga nangyari. Naiwan ang trauma sa akin noong kami ay bihag pa ni Reyna Emily. Pakiramdam ko nga ay nakakulong pa rin kami at walang kalaban-laban hanggang ngayon.

Labis na talaga ang konsensiya na nararamdaman ko. Nasaktan ko pa si Prinsipe Cozen dahil sa pagsabi ng totoo kong nararamdaman para sa kaniya. Hindi ko intensiyon na saktan siya, gusto ko lang siyang imulat sa kaniyang mga maling ginagawa at maitama ito hangga't hindi pa huli ang lahat.

Ngunit hindi ako nagsisisi na direktahin siya. Kung ang kilos na iyon ay nagbigay sa akin ng labis na konsensiya, kay Prinsipe Cozen ay maganda ang naging dulot. Dahil doon, naimulat ni Prinsipe Cozen ang kaniyang mga mata na nasa maling direksiyon ang kaniyang binabaybay.

Sa una ay hindi rin niya matanggap at hirap siyang paniwalaan pero dahil sa tulong ng kanilang Ina at mahinahong pagpapaliwanag ng Mahal na Reyna, namulat siya sa mga masamang nangyayari dahil sa bulag na pag-ibig niya sa akin. Mas nangibabaw pa rin ang mabuting puso ng isang tunay na Prinsipe sa kaniya. Mabuti naman at natigil din sa wakas ang hangarin niyang maipakasal ako sa kaniya.

Si Prinsipe Cozen ang dahilan kung paano kami nakatakas mula sa pagkakabihag ni Reyna Emily. Sa pamamagitan ng tulong niya, nakaalis kami nang ligtas at ni isang kalaban ay walang nakakita.

Kinuha niyang oportunidad ang paghahanda ng Kaharian ng Lacandia upang kami ay maitakas. Gamit ang kapangyarihan niya, palihim niya kaming ipinuslit sa likod ng Kaharian. May lihim na lagusan doon na ginamit namin upang makawala sa pagkakabihag ni Reyna Emily.

Unti-unti na akong naniniwala sa pagsisisi ni Prinsipe Cozen dahil nagawa niya kaming makawala sa masamang kamay ni Reyna Emily. Nagpapasalamat kami dahil hindi kami nahuli ng mga kawal na nakabantay sa labas.

Ngunit kahit na nakatakas na kami, hindi pa rin humuhupa ang galit ni Prinsipe Arsh sa kaniyang kapatid. Hindi pa rin niya ito iniimikan at sa wari ko, hindi pa rin siya kumbinsi sa magandang pinakita ng ikalawang Prinsipe.

Kung ako rin naman, hindi ko na maiwasan pang hindi pagdudahan ang taong nakapagsinungaling na sa akin. Sa tuwing naaalala ko ang kasalanan niya, hindi ko maiwasang masaktan. Sa isang banggit lang sa nangyari noon, bumabalik ang sakit na dulot ng kasinungalingang nagawa. Gustuhin ko mang ibalik ang maayos na koneksiyon sa pagitan naming dalawa, mahirap nang mangyari kahit anong pilit dahil alam mong may lamat na ang tiwalang ibinigay mo.

Mahirap na talagang magtiwala ulit sa taong minsan nang sumira ng tiwala mo. Magdadalawang-isip ka na kung totoo na ba ang mabuting ginagawa niya o mayroon pa rin siyang binabalak sa likod ng mabuting pakikitungo niya sa 'yo.

"Mga Anak, hindi niyo ba talaga ako pahihintulutan na sumama sa inyo sa Kaharian? Nais ko ring tumulong sa pagpro-protekta sa ating palasyo." pangungulit ng kanilang Ina. Hindi siya nagsasawang ulitin ang tanong niya dahil umaasa siya na baka sakaling magbago ang isasagot ng mga Anak nito.

Imbes na sa loob ng palasyo kami dumiretso, mas pinili ni Prinsipe Arsh na ihatid muna si Reyna Amelia sa lihim na silid na naroon sa ilalim ng palasyo. Ito ay ang underground mismo ng palasyo ng Norland. Dito rin namin itinago noon si Ysabelle noong siya'y itinakas namin. Mas malayong ligtas ang Mahal na Reyna rito kumpara sa bundok ng Puhon.

Ito ang pinakaligtas na lugar na pagtataguan namin ngayon.

Maraming koneksiyon si Reyna Emily at malamang, pinaghahanap na kami nito sa buong palasyo.

The Kingdom Of NorlandTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon