KABANATA 31

602 55 18
                                    

"A-Ayos ka lang ba?"

Nilingon ko ang Reyna ng Norland. Ang kaninang galit niyang mukha ay napalitan ng pagkaawa. Ang lumanay na ng kaniyang boses ngayon. Matapos kaming ikulong na dalawa, hindi na niya ako sinigawan. Tahimik lang siyang nakahiga sa sulok at tinitingnan ako. Inalam pa nito kung ayos lang ba ako. Ramdam ko ang pag-aalala niya sa akin.

"Ayos lang po ako." Lumapit ako sa kaniya. Malaya ang aking mga paa na makapaglakad dahil ang kamay ko lang naman ang iginapos ni Reyna Emily, ang nakilala kong Ina sa mundong ito. Kahit papaano, hindi ako nahihirapang kumilos. Ang nakagapos na kamay ko lamang ang problema ko.

Sama ng loob ang naramdaman ko sa ginawa ng aking Inang Reyna sa akin. Hindi man lang niya naisip na maaari akong masaktan. Hindi man lang siya nagbigay ng pakialam sa akin. Hindi siya nag-alinlangang ikulong ako.

Paano niya naatim na gawin ito sa sarili niyang Anak? Bakit ang dali lang para sa kaniya na ikulong ako? Na makitang nasasaktan ako na mismong Anak niya.

Ganoon ba siya kawalang awa? Anong klase siyang Ina?

"Kayo po ba? Ayos lang po ba kayo?" balik tanong ko. Mas nag-aalala ako sa Inang Reyna ng mga Prinsipe kaysa sa sarili ko. Walang-wala itong mga galos na natamo ko kumpara sa mga sugat nito.

Kahit na halata naman na ang sagot dahil sa nakikita kong kalagayan niya, nagawa ko pa rin siyang tanungin. Nakahandusay siya sa malamig na semento dahil ang dalawang kamay niya ay nakagapos rin, maging ang paa niya ay walang awang ikinadena. Ang kaniyang labi ay tuyo na at namumutla na ang balat. Pati ang mata ay nangingitim at lubog na rin.

Kaawa-awa.

Bigla akong nakaramdam ng kirot. Tila may koneksiyon sa amin na parang nararamdaman ko rin ang sakit at hirap na dinadanas niya ngayon o p'wede ring dahil ito sa labis na konsensiya na nararamdaman ko dahil sa mga nangyayari na may kinalaman sa pagsisinungaling ko. Sinisisi ko ang aking sarili kung bakit narito ang Reyna. Ipinagsawalang bahala ko lang ang napansin ko noong gabing iyon na may nakasunod sa amin. Kung nagbigay sana ako ng atensiyon sa kutob ko na may sumusunod sa amin, sana napigilan ko ang nangyari ngayon. Sana ay nagawa ni Prinsipe Arsh na itagong muli ang kanilang Ina sa ibang lugar at sa ganoon, hindi ito nakuha ng mga kalaban.

"Huwag kang mag-alala, ayos lang ako. Ang hindi ko maatim ay ang pagtrato ng iyong Ina sa 'yo na mismong Anak niya. Napakawalang-awa talaga ni Emily. Nagagawa ka niyang saktan kahit pa ang dugo niya ay nananalaytay sa 'yo."

"Hindi ko nga po alam kung paano nagawa ng aking Ina na igapos ako," ani ko.

Hindi ba't walang Ina ang nais makitang nasasaktan ang kaniyang Anak? Kahit sabihin pa na nagkasala ako sa kaniya dahil pinagtaksilan ko sila, magagawa pa rin ako nitong patawarin dahil hindi kailan ma'y matitiis ng Ina ang kaniyang Anak. Ngunit sa ginawa niya sa akin, napatunayan ko na hindi lahat ng Ina ay hindi kayang tiisin ang kaniyang Anak. May iba pa rin na matitigas ang puso at hindi na nakakaramdam ng awa.

Tinitigan ako ng Reyna at bakas sa kaniyang mga mata ang lungkot. "Paano mo nagawang kalabanin ang iyong sariling magulang? Marahil ay iyon ang pinagsamaan ng loob ng iyong Ina kaya ka nito itinatakwil ngayon."

Hindi pa rin ako nagsisisi na ginawa ko ang tama. Wala akong pagsisisihan kahit pa itakwil ako ng mismo kong Ina sa mundong ito. Ang mahalaga ay nasa tama ang pinaninindigan ko.

"Dahil alam kong mali ang ginagawa ng aking Ina. Ang lahat ng mga ginagawa niya ngayon ay ugat ng galit at poot kaya masama ang magiging resulta nito. Siya ay labis na nagpakain sa galit at sa hangarin na madagdagan pa ang kaniyang kapangyarihan. Siya ay sakim sa mga bagay na iyon."

"Patawad," wika nito. "Mali ang pagkakakilala ko sa 'yo. Ibang-iba ka sa iyong mga magulang. Hindi dapat ako magalit sa 'yo dahil sa ginawa ng iyong Amang Hari at isa pa, natutuwa ako dahil mabuti ang iyong kalooban. Nagpapasalamat ako dahil lumaki kang hindi kagaya nila. Hindi mo namana ang masamang pag-uugali na mayroon sa iyong mga magulang."

The Kingdom Of NorlandWhere stories live. Discover now