KABANATA 23

797 79 17
                                    

Akala ko ay nabulag na ako matapos kaming lumisan sa piitan dahil walang liwanag akong makita. Nilakihan ko pa ang aking mga mata at kinusot ito, baka sakaling may makita na ako ngunit ganoon pa rin. Nanatili akong madilim ang paningin.

Alam kong nasa ibang lugar na kami dahil ramdam kong nakaapak na sa lupa ang dalawang paa ko. Pero ang ipinagtataka ko, bakit wala akong makita? Bakit sobrang dilim ng aking paningin? Mas hugmigpit tuloy ang pagkakahawak ko sa braso ng katabi ko, kay Prinsipe Arsh. Hindi ko maiwasang matakot sa lugar na ito, isang lugar na pinagkaitan ng liwanag.

"Nasa ilalim tayo ng palasyo, tama ba, Arsh?" tinig 'yon ni Prinsipe Dern. Sila lang naman ni Ysabelle ang kasama namin bago lumisan sa piitan. Sabay-sabay kaming tumakas at pumunta sa lugar na ito.

Kahit hindi ko sila makita ni Ysabelle, ramdam kong nasa tabi lang namin silang dalawa. Ramdam ko ang presensiya nila at base na rin kung gaano kalakas ang boses ni Prinsipe Dern, na-determine kong nasa tabi ko nga lang sila.

Tama ba ang narinig ko mula sa ikaapat na Prinsipe?

Nanlaki ang mata ko at napaawang ang aking bibig. Nasa ilalim kami ng palasyo? Ang ibig bang sabihin ay nasa underground kami ngayon? Dito kami dinala ni Prinsipe Arsh upang magtago?

Bakit dito ang pinili niya? Ligtas kaya kami rito?

Hindi ko maiwasang pairalin ang takot dahil sa madilim na paligid.

"Wala na akong ibang maisip kung 'di dito na lamang sa ilalim ng palasyo magtago dahil sigurado akong hinahanap na si Ysabelle ng hukbo sa buong Kaharian. Ito na lamang ang ligtas na lugar para sa kaniya," tugon ng katabi ko. "Walang nakakaalam sa lugar na ito maliban sa ating pamilya kaya hindi makakapunta ang hukbo rito."

Tama si Prinsipe Arsh, siguradong alam na nilang nakatakas si Ysabelle at hinahanap na ito ngayon. Hindi siya agad mahahanap dito dahil 'di nila iisipin na dito magtatago ang isang taga-silbi na si Ysabelle lalo pa't wala siyang kapangyarihan na pumunta rito.

Laking pasasalamat namin dahil naging maayos ang planong pagtakas kay Ysabelle. Nakatakas kami agad bago pa kami mahuli.

Nag-aalala ako para kay Ysabelle. Hindi na siya titigilan ngayon ng mga kawal sa paghahanap. Gagawin nila ang lahat para mahuli siyang muli. Hangga't hindi napapatunayan ang kaniyang pagkainosente at 'di matukoy kung sino ang totoong may sala sa pagkalason ni Haring Valor, si Ysabelle ang mananatiling kriminal sa mata ng lahat. At kung 'di pa namin siya itinakas, malamang ay namaalam na siya ngayon sa mundong 'to na hindi man lang nakamit ang hustisya at walang kamalay-malay ang kaniyang pamilya na siya'y lumisan na. Kaya naman walang bakas ng pagsisisi akong naramdaman nang tulungan namin siya sa pagtakas dahil nasa tama naman kami dahil walang kasalanan si Ysabelle.

Ang kailangan naming gawin ngayon ay hanapin ang taong may sala sa pagkalason ni Haring Valor. At habang hinahanap namin kung sino 'yon, dito na muna magtatago si Ysabelle. Pero paano naman siya mamamalagi nang maayos dito kung gan'to ang paligid? Tila nabulag kami sa sobrang dilim.

Lumuwag ang pagkakahawak ko kay Prinsipe Arsh nang gumalaw ito. Akmang maglalakad sana siya pero napatigil din ito agad nang maramdaman ang kamay ko. Hindi naman halatang natatakot ako dahil dalawang kamay ko lang naman ang nakahawak na sa kaniya. Hindi talaga kasi ako sanay na wala akong nakikitang liwanag. Takot ako sa dilim kaya sa tuwing wala kaming kuryente sa modern world, agad akong pinupuntahan ni Mama sa kwarto ko upang samahan ako.

Nagtaka ako dahil marahang inalis ni Prinsipe Arsh ang pagkakahawak ko sa kaniya. Gusto kong hawakan ulit ang kamay niya pero nahiya na ako. Nakaramdam tuloy ako ng pangamba pero nawala rin agad 'yon nang kinuha niya pabalik ang kamay ko at ipinagtiklop muli ang mga kamay namin.

The Kingdom Of NorlandWhere stories live. Discover now