KABANATA 5

1.1K 111 44
                                    


Matapos kumain ni Haring Valor at ang kaniyang limang Anak na Prinsipe, tumulong na rin ako sa pagligpit ng mga pinag-kainan. Pinagpatong-patong ko ang mga platong ginamit ng limang Prinsipe para minsanan na lang ang pagdala ko sa mga ito papunta sa kusina. May isang taga-silbi na inatasang maghuhugas sa mga kagamitan pang-kusina. Buti na lang at 'di ako 'yon dahil sawa na akong maghugas ng mga plato sa modern world, ako kasi ang taga-hugas sa bahay namin. Wala pa namang sponge sa panahong ito kaya hindi nakakamotivate maghugas.

Nang maipatong ko na ang limang plato, naglakad na ako para dalhin ang mga ito sa loob ng kusina. Konti na lang din naman ang natirang kalat sa lamesa at kaya na 'yong ligpitin ng mga kapwa ko taga-silbi. Matapos kong ilagay sa malaking palanggana ang mga plato, tinawag ako ni Kharim Celia para kumain na.

"Maupo ka na riyan dahil ipaghahain na kita. Ganito talaga rito, matapos kumain ng Hari at ng mga Prinsipe, saka lamang tayo p'wedeng kumain," wika nito sa 'kin sabay hila ng isang upuan at inalalayan niya akong umupo.

Inilapag ni Kharim Celia ang plato sa harap ko at naglagay ng tinapay. Pinagtimpla niya rin ako ng kapeng barako. Ngayon lang ako makakatikim nito at sa amoy pa lang, mukhang mapapalaban na ako. Baka nga pati ang maling tao ay maipaglaban ko dahil sa sobrang tapang!

Naupo na rin ang iba pang mga taga-silbi at sabay-sabay kaming nagsalo ng pang-agahan.

"Gusto kong tikman ang niluto ni Zariya. Pakiramdam ko ay humanga talaga si Prinsipe Ravi sa kaniya," wika ng isang babaeng may singkit na mata, matangos na ilong at maputing kutis. Napakanatural ang kaniyang kagandahan. Siya ang taga-silbi na kasama ni Prinsipe Nesh noong nahulog ako sa puno. Ang ganda niya. Hindi mo aakalain na isa siyang taga-silbi sa palasyo.

Agad siyang nagsandok ng adobo. Nakapila na rin ang iba pang taga-silbi habang hawak ang kaniya-kaniyang plato. Bakas ang pagkasabik na matikman din ang niluto ko.

"Anong masasabi mo, Ysabelle?" tanong ni Kharim Celia sa babaeng singkit na tinutukoy ko kanina matapos nitong tikman ang niluto ko.

Inaabangan ko ang isasagot nito. Oo, marunong akong magluto pero 'di ko naman in-expect na aabot sa puntong mamamangha sila lalo na si Prinsipe Ravi.

"Isa lang ang masasabi ko, Kharim Celia..." Huminto ito at saka bumaling sa 'kin, "Nawa'y lahat!"

Napangiti naman agad ako. Pati pala rito ay uso rin ang salitang 'sana all' ngunit sa Filipino na leng'wahe nga lang.

Maging ang mga sumunod na taga-silbng tumikim sa adobo ko, iisa lang ang sinasabi. Masarap nga raw talaga ang luto ko. Aaraw-arawin ko na yata ang pagluluto. P'wede ring magtayo na amang ako ng restaurant dito at pagkakitaan ko. Umaatake na naman ang pagiging business minded ko.

Nag-focus na lang ulit ako sa pagkaing nasa harap ko hanggang sa naubos ko na ito. Tatayo na sana ako para iligpit ang pinagkainan ko nang may biglang lumitaw sa gilid ko. Muntikan na akong mapatalon dahil sa gulat.

Paanong may isang Prinsipe ang susulpot nang biglaan? Hindi ko alam kung saan ito nanggaling.

"Magandang umaga, Prinsipe Dern!" Nagsitayuan ang mga taga-silbi at maging si Kharim Celia nang makita kung sino ang bagong dating.

Matapos nilang batiin ang bagong sulpot na Prinsipe, sabay-sabay silang yumuko upang magbigay respeto maliban sa 'kin.

"Zariya, magbigay galang ka sa Mahal na Prinsipe," utos sa 'kin ni Kharim Celia na kinurot pa ang tagiliran ko.

Matapos niya akong gulatin dahil sa biglaang paglitaw niya ay babatiin ko siya? Aba!

"Magandang umaga, Prinsipe Dern." Pilit ang aking pagngiti kasabay nang aking pagyuko sa harap nito.

The Kingdom Of NorlandTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon