KABANATA 18

769 83 16
                                    

Matapos naming lisanin ang palasyo na tila bula na basta na lamang nawala, wala pa yatang isang minuto ay naramdaman ko nang nakaapak ang mga paa ko sa lupa. Hindi ko pa rin binibitawan ang pagkakahawak ko sa kamay ni Prinsipe Arsh hanggang sa nagkaapak na nga ang paa ko sa lupa.

"Nandito na tayo," ani ng Prinsipe.

Agad ko itong nilingon at pinasadahan ng tingin si Prinsipe Arsh. Wala pa ring emosiyon ang kaniyang mukha samantalang ako ay napamangha dahil sa isang iglap lang ay narito na kami agad. Nakakamangha dahil 'di na namin kailangang maglakad o kahit sumakay man lang ng kalesa para makarating dito. Gamit ang kakayahang mayroon ang bawat Prinsipe na gaya na lamang nito, mas napapadali ang pagpunta nila sa isang lugar. Talaga nga namang mas mapalad sila kumpara sa mga ordinaryong mamamayan ng Norland tulad ko, na kailangang maghirap pa sa kung anong klaseng transportasiyon ang gagamitin sa tuwing pupunta sa malalayong lugar. But at this moment, mapalad din ako. Naranasan ko ang ganitong kakayahan na taglay nila sa tulong ni Prinsipe Arsh at ng iba pang mga Prinsipe.

Inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid. Nasa masukal na bahagi kami ngayon ng kagubatan. Maraming nagtataasang puno ang nakapalibot sa amin. Marami ring tuyong dahon ang naipon na sa kinaaapakan ng aming mga paa. Nakakatakot dahil baka may biglang lumusob na namang mabangis na hayop.

"Prinsipe Arsh, sigurado ka bang dito tayo kukuha ng mga bulaklak?" paninigurado ko.

Nagtataka ako dahil ang buong akala ko ay ang pupuntahan namin ay ang lugar kung saan maaari akong kumuha ng mga bulaklak. Pero batay sa nakikita ko ngayon, 'di 'to ang lugar na tamang pagkuhanan ng mga bulaklak. Dahil wala namang mga bulaklak ang narito. Ni wala nga akong makitang kahit ligaw na bulaklak na tumubo man lang dito. Tambak ang mga tuyong dahon sa paligid dahil sa malalagong puno na nandito.

"Hindi rito ang eksaktong lugar na aking sinasabi. Kailangan pa nating maglakad kung sa gayon, marating natin ang dulong bahagi ng kagubatan. Doon matatagpuan ang Hardin ng Halimuyak," sagot nito.

Mas lalo akong nagtaka. Kung sa dulong bahagi pa ng kagubatang ito ang tinutukoy niyang hardin, bakit dito kami huminto? Hindi ba't maaari naman niyang gamitin ang kapangyarihan niya upang makarating kami agad sa lugar na kaniyang sinasabi?

"Eh, bakit tayo rito huminto, Prinsipe Arsh? Bakit 'di mismo sa dulong bahagi ng kagubatan?" tanong ko ulit. Hindi ko inalintana kung makulitan man ito sa 'kin dahil sa kakatanong. Ang mahalaga, nasagot ang mga tanong na gumugulo sa 'king isipan nang mapanatag din ako.

Seryoso itong lumingon sa 'kin. Kinabahan tuloy ako dahil baka nakulitan na nga siya sa 'kin. Baka iwan pa ako nito rito mismo. Hindi ko pa naman alam ang pasikot-sikot sa gubat na ito.

Ngayon ko lang naalala na malimit lang palang magsalita si Prinsipe Arsh tapos tanong pa ako nang tanong. Well, siya na lang ang mag-adjust. Madaldal ang kasama niya, eh.

Napakamot na lamang ako sa batok at nag-alinlangang ngumisi. "Huwag mo na lang sagutin ang tanong ko, Prinsipe Arsh. Sabi ko nga, sanay akong maglakad, e'. Kaya sisiw lang sa 'kin kung lalakarin natin hanggang sa dulo ng kagubatang 'to."

Agad kong binawi ang tingin ko sa kaniya. Binaling ko ang atensiyon ko sa paligid. May takot akong naramdaman dahil masukal talaga ang bahaging ito. Madalas sa mga napapanood kong movies sa modern world, may mga wild animals ang gumagala sa gan'tong lugar. Paano kung may makasalubong akong ahas dito? Sa lahat ng hayop, ahas talaga ang kinakatakutan ko. Kaya naman hirap ako ngayon na ihakbang ang mga paa ko. Gusto ko na lang bumalik sa palasyo at sa hardin na lamang manguha ng mga bulaklak kahit pa konti lang ang pagpipilian, at least alam kong ligtas ako roon.

"Ako ang unang maglalakad. Siguraduhin mong nasa likod lamang kita." Kinuha na niya ang dala niyang maliit na espada mula sa bulsa nito. Gagamitin siguro niya ito para putulin at alisin ang malalagong damo na nakaharang sa dadaanan namin. Ang maliit na espada niyang 'yon ay dala niya araw-araw.

The Kingdom Of NorlandWhere stories live. Discover now