KABANATA 37

582 61 20
                                    

"Hindi ka pa ba bababa? Nais mo bang ipaalam na lang kita kay Ama?" Boses iyon ng pamilyar na tao.

"Hindi na kailangan dahil susunod na rin naman ako pagkatapos kong ilagay ang halamang gamot na ito kay Zariya." Nanlambot naman ang puso ko nang marinig ang boses nito. May kung ano sa akin na gusto ko nang gumising ngunit masiyadong masakit ang mga iniinda ko.

"Kung gano'n, mauna na ako sa baba."

Narinig ko ang pag-uusap ng dalawang pamilyar na tao. Nais ko mang alamin kung tama ang hinala ko na sila nga ang nag-uusap ay 'di ko magawa dahil nakakaramdam pa rin ako ng pagkirot sa bandang ulo ko. Mas pinili kong nakapikit ngunit gising ang diwa ko at patuloy na nakikinig nang palihim. Panibagong sakit lamang ang aabutin ko kapag ipinilit ko pa.

Wala na akong nahintay na sagot. Narinig ko na lamang ang pagsara ng pinto, mukhang nakalabas na ang isa sa kanila. Ilang segundo lang ang lumipas, naramdaman ko ang malamig na bagay na dumapo sa noo ko.

Pinakiramdaman ko kung anong ginagawa ng katabi ko sa akin. Narinig ko ang pagdikdik niya sa kung anong bagay na 'yon at muli, may inilapat na naman siya sa noo ko.

Iyon ba ang tinutukoy niyang halamang gamot? Marahil ay oo.

"Kahit ika'y tulog, hindi maipagkakaila ang gandang taglay mo. Ngunit alam mo ba na mas maganda ka kapag nasisilayan ang ngiti sa 'yong labi?" Narinig ko ang pagbuntong hininga nito. "Zariya, kailan ka ba magigising? Tatlong araw ka nang walang malay. Hindi ka maaaring magtagal sa pagkakatulog, may mga naghihintay sa 'yo."

Hanggang ngayon 'di ko alam kung anong nangyayari. Nasa palasyo na ba ako ngayon? Totoo ba ang mga sinabi ni Prinsesa Amity? Hindi kaya panaginip lamang 'yon? Pero imposible! Alam kong totoo ang pag-uusap naming dalawa. Wala namang imposible sa mundong ito.

Narinig ko ang pagkatok sa pinto. Agad naman sinabi ng lalaki na bukas iyon at maaari siyang pumasok.

"Prinsipe Arsh, tinatawag na po kayo ng inyong Amang Hari. Kailangan niyo na raw pong maghanda," ani ng bagong dating.

"Ako'y paparoon na," walang emosyon niyang sagot. Naramdaman kong tumayo siya at kinuha ang aking kamay, at saka ko na lang napagtanto na dinampian niya ito ng halik. "Ikaw na ang bahala kay Zariya. Ang mga halamang gamot ay huwag mo ring kalilimutan. Huwag mong iwawala ang atensiyon mo sa kaniya, maliwanag?"

"Masusunod, Mahal na Prinsipe," sagot ng sino mang taga-silbi na iyon.

Tumahimik na ang paligid ngunit wala pa rin akong naririnig na pagbukas o pagsara ng pinto indikasyon na nakaalis na ito.

Mukhang paalis pa lang siya.

Teka...

Kahit kumikirot ang ulo ko, pinilit ko pa ring iminulat ang aking mga mata. Ramdam na ramdam ko ang sakit sa buong katawan ko, para akong trinatrangkaso. Ang buong katawan ko ay tila mababali.

Puting kisame ang tumambad sa akin, nasa palasyo pa rin ako. Hindi ko mailingon ang aking ulo dahil sa sobrang sakit. Pakiramdam ko, mababali ang leeg ko kapag iginalaw ko ito. Kaya naman nanatili lamang ako sa ganoong posisyon.

"P-Prinsipe A-Arsh," nauutal kong wika. Hindi ko alam kung nakaalis na ba siya, basta pangalan niya ang unang binanggit ko. Mahina lamang ang boses at hindi ko alam kung may nakarinig ba.

"Mahal na Prinsipe, gising na ang Prinsesa!" Bakas sa boses ng taga-silbi ang saya.

Narinig ko ang mabilis na yapak papunta sa akin.

"Zariya?" Dumungaw sa akin ang mukha ni Prinsipe Arsh. Awtomatiko akong napangiti, tila nawala ang lahat ng sakit nang makita ko siya. "Gising ka na nga talaga! Teka, may masakit ba sa 'yo? Nagugutom ka ba? Kumusta ang iyong pakiramdam? Anong masakit sa 'yo?" Hindi siya mapakali, bakas ang kaniyang pag-aalala.

The Kingdom Of NorlandTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon