KABANATA 4

1.1K 113 20
                                    


"Kompleto na ba ang lahat ng mga sangkap?"

Hindi magkandaugaga si Kharim Celia sa pag-aayos ng mga gulay na nakapatong sa mahabang mesa na gawa sa kahoy, mahahalata mong matibay talaga ito. Inilibot ko ang paningin sa loob ng kusina. Napakalawak nito at halos kompleto ang lahat ng gamit pangluto. Hindi nga lang pamilyar sa 'kin ang ibang gamit dahil mukhang luma na ang mga ito at 'di ko na naabutan sa modernong mundo. Ito yata ang mga gamit nila noong sinaunang panahon. Hawig pa rin naman ito sa ginagamit sa makabagong panahon, mas nag-improve nga lang dahil na rin teknolohiya at creativity ng mga tao.

Bumaling ako kay Kharim Celia na abala pa rin sa paghahanda. May lima pang taga-silbi ang kasama ni Kharim Celia sa pagpre-prepare ng mga kakailanganin sa pagluluto. Mukhang marami-rami ang kanilang lulutuin.

Mula sa pinto, humakbang ako papalapit sa kinaroroonan ni Kharim Celia. Balak ko sanang tumulong sa pagluluto para mapabilis ang trabaho. Wala pa naman akong ginagawa kaya mas maiging tutulong na lang ako.

"Zariya?" gulat niyang banggit sa pangalan ko nang makita ako sa tabi nito. "Anong ginagawa mo rito? Dapat ay natutulog ka pa sa ganitong oras dahil mamaya pa naman ang gising ng mga Prinsipe," dagdag nito.

Ang bilin kasi niya sa 'kin, tanging ang limang Prinsipe lamang ang pagsisilbihan ko. Hindi ko na raw kailangang tumulong pa sa pagluluto o paglilinis. Gugugulin ko ang buong atensiyon at oras ko sa limang Anak na Prinsipe ni Haring Valor. Iyon lang ang magiging trabaho ko rito sa palasiyo.

Ngunit kung hindi ako tutulong ngayon, ano naman ang gagawin ko? Hindi naman na ako makatulog simula kanina nang maramdaman kong bumangon mula sa kaniyang kama si Kharim Celia. Pati ako ay napabangon na rin at sinundan siya rito dahil nawala na ang antok ko.

Wala akong orasan pero sa hula ko, alas-k'watro pa lang ng madaling araw. Napakadilim pa ng buong paligid no'ng kaninang lumabas ako. Maging ang simoy ng hangin ay napakalamig pa. Mabuti na lang at mahaba ang manggas ng damit namin kaya 'di gano'n kalamig.

"Gusto ko po sanang tumulong," ani ko at saka tumingin sa mga gulay na naroon. Inisa-isa ko itong sinuri. Karamihan ay ang mga gulay na nabanggit sa kantang bahay-kubo ang nasa harapan ko ngayon.

Lumapit sa 'kin si Kharim Celia at akmang may ibubulong kaya naman hindi ako gumalaw sa kinatatayuan ko para hintayin ang ibubulong nito. "Ngunit hindi ka marunong sa gawaing kusina, Prinsesa Amity. Baka makahalata lamang ang ating mga kasamahan."

Hindi ako makaimik sa sinaad nito. Hindi ba marunong magluto si Prinsesa Amity? Kahit simpleng pagkain lang ay 'di siya marunong?

Kung gayon, magkaibang-magkaiba kami.

Ako ang madalas na katulong ni Mama sa pagluluto simula noong maliit pa ako at 'yon ang dahilan kung paano ako natutong magluto. Dahil mag-isang Anak lamang ako, ako ang laging nakatoka sa kusina kaya marunong ako sa gawaing kusina. Maraming pagkain din ang alam kong lutuin.

Hindi na ako magtataka kung bakit hindi alam ni Prinsesa Amity ang gawaing kusina, malamang ay isa siyang Prinsesa. Hindi na niya kailangan pang pagurin ang sarili niya dahil isang tawag niya lang sa taga-silbi, ayos na. Lahat ng gusto niya ay makukuha niya ng gano'n lamang kadali. Walang kahairap-hirap niya itong magagawa. Ang mga taga-silbi niya ang magsisilbing kamay niya sa bawat kilos na nais niyang gawin.

Pero paano ko ba malulusutan 'to kung hindi talaga marunong si Prinsesa Amity magluto? Kailangang mag-ingat ako sa ikikilos ko. Hindi maaaring makahalata sila sa pagkakaiba ng ugali namin ni Prinsesa Amity.

"Ah, ang ibig ko pong sabihin ay gusto ko po sanang matutong magluto," pagdadahilan ko. Aasta na muna akong walang alam at magpapaturo nang sa gano'n, hindi sila magduda kung bakit alam ko nang magluto sa susunod.

The Kingdom Of NorlandWhere stories live. Discover now