KABANATA 7

1K 90 18
                                    

"Ah... Eh... Kasi ano," nanginginig kong saad.

Hindi ko alam kung anong idadahilan ko, kung anong sasabihin ko sa kanila. Lumingon ako kay Kharim Celia pero maging siya ay bakas sa mukha ang takot at pag-aalala.

"Magkasama kami ni Zariya kanina."

Napalingon ako sa taong nagsalita. Kapapasok niya lang at diretsong naglakad papunta sa hapag-kainan na hindi man lang ako tinapunan ng tingin. Hindi niya alintana na siya na lamang ang wala sa hapag-kainan at siya na lang ang tanging hinihintay.

"Kumuha siya ng mga halamang gamot," dagdag pa ni Prinsipe Cozen. Naupo siya sa upuan na para sa kaniya.

Paano niya nasabing kumuha ako ng mga halamang gamot? Sabagay, mga halamang gamot naman talaga ang dala ko kaya sakyan ko na lamang ang sinasabi niya kaysa mabuking pa ako.

"Opo, tama si Prinsipe Cozen. Nahirapan ako sa paghahanap ng mga halamang gamot sa kagubatan kaya napaumaga ako. Pasens'ya na po kung nahuli ako at hindi ako nakatulong sa paghahanda ng almusal ng limang Prinsipe," paghingi ko ng tawad.

"Mas maigi kung magtatawag ka ng isang taga-silbi na sasamahan ka sa pagkuha ng mga halamang gamot kung sa gayon, 'di ka matagalan at masigurado rin ang iyong kaligtasan," suhest'yon ni Haring Valor. "Lalo pa't ikaw ay bago pa lamang sa Kaharian. Dapat ay nag-iingat ka."

Napakabuti talaga ni Haring Valor. Kapakanan ng kaniyang mamamayan pa rin ang iniisip niya. Tunay ngang taglay niya ang ugali ng isang tunay na Hari, ang mabuting namumuno sa isang Kaharian.

"Masusunod po, Mahal na Hari. Salamat po sa inyong pag-aalala."

Yumuko muna ako sa harap nila bago naglakad at pumila sa mga taga-silbing naroon sa gilid. Nakahinga ako nang malalim dahil sa pangalawang beses, nalusutan ko ang muntikan kong pagkabuking.

"Anong nangyari sa mukha mo, Cozen?" puna ni Haring Valor sa kaniyang ikalawang Anak. Hindi kasi maitatago ni Prinsipe Cozen ang natamo nitong mga sugat sa pakikipag-away kanina. Sariwa pa ang dugo na nakabahid sa kaniyang pumutok na labi.

"Marahil ay nakipag-away na naman sa labas, Ama." sabat ni Prinsipe Ravi sa usapan nila ng kaniyang Ama at kapatid. Tila sanay na ang Prinsipe na sa tuwing may sugat na natatamo ang kaniyang kapatid, iisang rason lamang ang p'wedeng isipin kung paano niya natamo ang mga sugat na iyon. Ito ay ang pakikipag-away.

"Wala kang alam kaya manahimik ka," usal naman ni Prinsipe Cozen.

Halata ang matinding tens'yon sa pagitan nilang dalawa. Mas lalo pa itong nadagdagan nang tapunan ni Prinsipe Cozen ang nakatatandang niyang kapatid ng nanlilisik na tingin.

"Magsitigil! Nasa harap tayo ng hapag-kainan," awat ng kanilang Ama. "Magsikain na tayo at itabi ang hindi pagkakaintindihan," dagdag pa nito upang mawala ang tens'yon sa pagitan ng kaniyang dalawang Anak.

Tahimik silang kumain hanggang sa matapos. Bumalik na si Haring Valor sa kaniyang silid samantalang ang limang Prinsipe, nagsilabasan na rin. Hindi ko alam kung sila ba ay mag-eensayo o may pupuntahan.

Nang kami na lang ang natira, lumapit agad sa 'kin si Kharim Celia. Palihim itong bumulong, "Kinabahan ako kanina, Prisesa Amity. Sabi ko naman kasing 'wag ka mag-umaga."

"Sorry po... este pasens'ya na po."

Tanging pagtango lang ang sinagot nito at sinenyasan na niya akong tumulong na sa pagliligpit. Sinabihan din niya ako na mag-dobleng ingat na lamang sa susunod at huwag hahayaang mangyari ulit ang nangyari ngayon.

Matapos kong ilagay ang mga pinagkainan ng limang Prinsipe sa lagayan ng mga huhugasin, nagdiretso na ako papunta sa silid ng mga taga-silbi. Doon ko ilalagay itong mga halamang gamot na binigay ng aking Inang Reyna. Plano kong itago ito agad upang hindi na malaman ni Kharim Celia na binaunan ako ni Ina na gagamitin sa limang Prinsipe.

The Kingdom Of NorlandWhere stories live. Discover now