2

3.1K 107 17
                                    


Ang balita hinggil sa kalusugan ni Akmenra ay kumalat na parang apoy sa buong Elydia at may mga kaharian na nagpaplano ng paghihimagsik. Hindi maiwasan na magkaroon ng tensiyon sa pagiging mahina ng hari dahil marami ang humahangad ng kapangyarihan.

Upang humupa ang gulo ay nakapagdesisyon ang Reyna na puntahan ang mga nasasakupan. Tanging ang Reyna at ang mga napiling makakasama ang maglalakbay. Isa sa mga napili ang Prinsesa ng Samaria. Naatasang sumama si Femi sa paglalakbay, naunang umalis ang Reyna, kasama ang iba pang naatasan. Magsisimulang maglakbay si Femi sa pagsapit ng bukang liwayway.

++++

"Kamahalan, ang iyong ina ay paparating sa iyong silid," pahayag ng babaeng alipin habang nakaluhod, nakasuot ng puting damit na parang balabal, may pulseras na tanda ng pagiging alipin at may berdeng kwintas na gawa sa balahibo ng ibon. Samantala, hindi na nakapaghintay pa ang kaniyang ina, nakapunta si Femi sa silid ng Prinsesa.

Yumuko at nagbigay pugay ang alipin habang pinapasok ang ina sa silid. Pumasok sa kuwarto ang kaniyang ina, yumuko si Nefertari at inilagay ang dalawang kamay sa kaniyang dibdib bilang pagbigay galang. Niyakap ni Femi ang kaniyang anak at sinuklian naman ito ng prinsesa. Habang yakap ang anak hinaplos nito ang mahabang buhok. "Hindi mo na kailangan maging pormal, sa aking paningin mananatili kang anak ko," masuyong sambit nito.

Sabay silang naupo sa mahabang bangko.  Ang liwanag ng buwan ay nagniningning mula sa itaas na bumabalot sa katahimikan ng gabi.  Mayroong malaking hardin na nakikita mula sa silid ng prinsesa. Mayroong isang lawa na hugis-parihaba, sa gitna ay may makukulay na isda, may bulaklak ng lotus na lumulutang sa tubig at may mga bulaklak sa gilid nito.

"Natagpuan mo na ba ang taong mamahalin mo?" Nakangiting tanong ng ina, nais nitong malaman kung may napupusuan ang kaniyang anak.

Napabuntong hininga na lang ang prinsesa, kailanman ay hindi nagsawang magtanong ang kaniyang ina. Tumingin ang dalagang prinsesa sa hardin at pinagmasdan ang buwan. "Sadiyang hindi ko maintindihan ang pag-ibig, hihintayin ko na lang ang taong ibibigay sa akin ni Bathala."

"Balang araw ay makikita mo rin at mararamdaman," banayad na wika ni Femi.

"Napagkaloob na ba ni Bathala ang pag-ibig? Naramdaman mo na ba?" Itinaas ni Nefertari ang kaniyang kamay na may hawak na gintong kopita, nagsalin ng alak ang alipin.

"Ang pagmamahal ko ay katulad sa buwan, hindi ko kayang maabot ngunit nararamdaman ng aking kaluluwa," makahulugang tugon ng kaniyang ina, may lungkot sa mga mata ni Femi. "Mapalad ang dakilang hari na may nagmamahal sa kaniya kagaya ng buwan." Sumagot si Prinsesa Nefertari na nakangiti, hindi alam ang kalungkutan mula sa mga mata ng kaniyang ina. Ang liwanag ng buwan ay matingkad mula sa disyerto at ang gabi ay nalalapit na rin lumisan.

"Bukas nakatakda ang aking pag-alis, ikinalulungkot ko na hindi kita makakasama sa pagdiriwang kasama ng diyos," pag-aalalang pahayag ng ina.

"Huwag kang matakot para sa aking kalagayan. Nawa'y protektahan ka ng mga diyos, magdarasal ako sa mga templo at magsusunog ng alay para sa iyong ligtas na pagbabalik," turan ni Nefertari para mapawi ang pag-aalala ng ina.

Kinuha ng dalagang prinsesa ang kamay at idinikit sa pisngi, masuyong hinalikan ni Nefertari ang kamay ni Femi, ngumiti ang ina at pilit na itinago ang lungkot sa mga mata.

"Malalim na gabi, kailangan mo na magpahinga." Pumunta si Femi sa higaan, umupo at marahang tinapik ang hita para humiga si Nefertari.

"Ngunit hindi na ako bata." Saad ni Nefertari, hindi maiwasang kumunot ang noo sa hiling ng ina.

"Magagawa mo ba akong tanggihan?" banayad na wika ni Femi. Napabuntonghinga si Nefertari at napangiti. Tanging ang pakiusap ng kaniyang ina ang nagpapalambot sa puso nito, inihiga niya ang ulo sa kandungan ng ina.

Sands & SparrowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon