30

1K 78 42
                                    


"Mali yata ang napuntahan ko," bulong ni Aveline habang nasa labas ng gate, wala siyang pasok ngayon at pinuntahan ang address na nakasaad sa papel.

Napabuntong-hininga siya habang nakatayo sa harap ng pulang gate. Malaking bahay ang nakikita sa loob na nasa isang subdivision. Malawak ang paligid, may mga punong nakatanim gaya ng mangga, makapuno, at acacia. Sadyang napakaganda ng hardin, napapalibutan ng rosas at bermuda grass.

Tumingin siya sa relo; alas-nuwebe pa lang, maaga pa para mawalan ng tao sa loob ng bahay. Nag-aalangan na pinindot niya ang doorbell, mahinang kaluskos ang narinig sa loob at bumukas ang tarangkahan.

Isang matandang babae, may suot na salamin, ang nagbukas ng gate. Edad sitenta anyos, mukhang guro dahil sa salamin, ngunit nakikitaan ng banayad na ugali dahil sa taglay na ngiti.

"Magandang umaga po," nahihiyang bati ni Aveline, "maari po bang magtanong? Ito po ba ang eksaktong address? Ito po ba yung bahay?" Magalang na turan ni Aveline habang pinakita ang papel.

Tiningnan nito ang nakasaad sa papel, ngumiti at tumango. "Dito nga iha. Interesado ka bang rentahan ang bahay?"

"Ganun po ba? Sorry po sa abala. Sige po, aalis na ako. Maraming salamat po." Nanghinayang si Aveline sa narinig, umasa siya na simpleng bahay ang nakalagay sa flyer. Sa unang tingin pa lang, hindi niya kakayanin ang renta ng bahay na nakikita niya ngayon. Malaki at napakaganda nito. Sinigurado na ng kaniyang isipan na hindi kakayanin ang renta.

Nagmamadali nang lumayo si Aveline, tila ba siya'y may nakakahawang sakit, pero pinigilan siya ng matanda. "Teka muna iha! Hindi muna ba titingnan?" Turan nito habang nakahawak na sa kamay ni Aveline.

"Hindi na po, nagtanong lang po ako." Nakangiting tugon ni Aveline.

"Aba'y naghahanap ka ba ng marerentahan?" pagpupumilit nito.

"O-opo." Nahihiyang sagot ni Aveline kasabay nang pagtango.

"Ay! Yun naman pala! Halika tingnan mo na sa loob. Tiyak magugustuhan mo." Pangungumbinsi nito, hawak pa rin ang kamay ni Aveline.

"Pero...pa-pasensya na po. Hindi ko kaya ang renta. Maliit lang po ang hinahanap kong matutuluyan," paliwanag ni Aveline, namula ang mukha sa hiya.

"Pag-usapan na lang natin ang presyo sa loob. Tingnan mo muna. Andito ka na rin lang. Sulitin mo na ang pagpunta mo rito," pagpupursigi nito.

Mas namangha si Aveline nang pumasok sa gate; napakaganda ng hardin, mayroong isang maliit na upuan at pond na parang maliit na parke. Meron din balkonahe, garahe, at maid's quarter.

Pinapasok siya sa loob ng bahay. Lalo pang nagulat si Aveline sa loob; malawak ito, marmol ang sahig, at malalaki ang mga pinto.

Mas lalo nanghinayang si Aveline, imposible na talaga na marentahan niya ang ganitong klase ng bahay. Tanging ang penthouse ni Margo lang ang naging batayan niya ng isang mayamang tirahan, at ang tinitingnan niya ngayon ay pangalawa sa pinakamagandang bahay na nasilayan ni Aveline.

"Two bedrooms and three bathrooms. Ang master's bedroom ay nasa baba, ang guest room ay nasa taas, may music room, dining room, at living room din. Meron din maliit na lanai sa dulo at sariling c.r sa bawat kwarto."

Ilang beses napalunok si Aveline.

"Eto naman ang kusina. Malaki ito at malawak. Mahilig kasi ako magluto." Naunang naglakad ang babae sa kusina at nakasunod si Aveline. Kung maihahambing sa mall hanggang tingin na lang si Aveline. Napakaganda ng kusina dahil mukhang cooking show ang setup.

Pinuntahan din nila ang second floor, kung saan may walk-in closet sa bawat kuwarto at malaking bathtub sa banyo. Mas lalo namangha ang mga mata ni Aveline at nanlumo sa nakita dahil ang bawat tingin ay pangarap na lang.

Sands & SparrowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon