11

1.3K 90 17
                                    


Dahang-dahan na iminulat ng babae ang kaniyang mga mata. Nagulat siya sa nakita dahil nakahiga siya sa hindi pamilyar na lugar, puti ang kisame na kaniyang namamataan at puti rin ang kurtina. Napilitan siyang bumangon, nakakaramdam ng kaunting hilo at pakiramdam na parang lasing. Sinapo niya ang noo nang maramdaman niya ang bahagyang pagkirot ng sentido at siya ay mahinang napaungol.

Ang tanging alaala niya sa pangyayari ay nang pinainom siya ni Salvador ng kape at siya ay walang malay na nakatulog. Sinabihan lang siya na magpahinga muna dahil may bagong kakaharaping kliyente at siya ay mahigpit binilinan na sumayaw kapag may marinig siyang tugtog.

May isang matandang nurse ang pumasok sa ward, nakita siya at ngumiti. "Gising ka na pala iha, kumusta na pakiramdam mo?" Mukhang nabasa ng nurse ang matinding pagkalito sa kanyang mukha kaya siya ay nagpaliwanag. "Naaksidente ang sinasakyan niyo. I'm sorry, namatay ang kasama mong lalake, iha, at ikaw lang ang nakaligtas. Na-inform na rin sa pulis ang nangyari. Mamaya may susundo sayo dito." Pahayag ng nurse habang may hawak na chart at naglagay ng isang basong tubig malapit sa kama.

"H-huh?" Naguguluhang tanong niya, napasapo sa ulo dahil bahagyang kumirot ulit ang kaniyang sentido. May bahid pa rin ng pagtataka, pagkagulat, at pag-aalala sa kaniyang isipan. Sino ba ang hindi maguguluhan? Pinatulog lang siya at nagising na sa hospital. Napabuntong-hininga na lang siya at napagpasiyahang tumayo habang ang nurse ay abalang sumusulat sa chart at siya ay nakuhanan na rin ng temperatura, blood pressure, at napansin na maayos na ang kalagayan.

Hinanap na lang niya ang kaniyang sapatos, nakita niya ang duguang damit na nakatupi sa sulok habang suot ang puting uniporme ng ospital. Ngunit, biglang napalitan ng sorpresa ang naguguluhang mukha niya sa kaniyang natagpuan. Nahagip ng kaniyang mata ang pulang sapatos—kakaibang disenyo na bago sa kaniyang paningin.

"May hinahanap ka ba?" tanong ng nurse, na may banayad na pag-aalala sa mukha habang nakatayo sa paanan ng kama.

"A-ang sapatos ko?" naguguluhang tugon niya.

"Ah, eto ba?" Tinuro ng nurse ang pulang sapatos.

"H-hindi po sa akin 'yan," pagtatakang tanggi niya, at hindi pa rin maalis ang paningin sa pulang sapatos.

"Pero 'yan ang suot mo nang dinala ka dito. Ang sapatos mo at ang damit mo lang, iyong mga gamit ay nasunog nang sumabog ang kotse," paliwanag ng nurse habang pinagmamasdan siyang nakayuko.

Isinara ng nurse ang hawak na chart. "Okay naman ang pakiramdam mo, iha. Magpahinga ka muna. Maiwan muna kita saglit," paalam nito, umalis sa paanan ng kama at pumunta sa kabilang higaan na natatakpan ng asul na kurtina upang tingnan ang ibang pasyente.

Naiwan siyang nakatulala, matamang tinitingnan ang mahiwagang sapatos na nasa paanan niya. Ilang sandaling lumipas nang nahimasmasan at dahan-dahan isinuot ng isang paa ang sapatos. Parang may isang parte sa kaniyang puso ang hinaplos at napangiti siya. Tinanggal niya ang sapatos, agad hinawakan at hinaplos ang malambot na tela. Agad napalis ang kaniyang ngiti nang naalala ang sinabi ng nurse, binaba niya ang sapatos at napagpasiyahang humiga na lang.

Nabalutan ng lungkot ang kaniyang mga mata, may isang bahagi sa puso niya na humihiling na sana ay isa rin siya sa namatay sa aksidente. Mula pagkabata ay nalugmok na siya sa prostitusyon, hindi man lang niya maalala ang kaniyang nakaraan. Tanging ang suot na kwintas ang tulay sa pagkatao niya.

Ang tinitirhan niyang apartment ay isang lumang gusali at pag-aari ng sindikato. Para lamang sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ang kaniyang pansariling ginagastos. Isang luha ang dumaloy sa kaniyang mata, at agad niya itong pinahid.

"Aveline! Pinapasundo ka na ni Boss," sabi ng lalaking pumasok sa loob ng ward at tinitigan siya.

"Nagpadala pala ng damit si Mildred...isuot mo na. Hintayin kita sa sasakyan," sambit ng lalaki habang nakatayo sa dulo ng kama at inilagay sa paanan niya ang isang puting plastik. "Nakakalungkot, patay na si Salvador. Durog na durog ang katawan nang natagpuan."

Sands & SparrowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon