4

1.9K 100 12
                                    


Manila Philippines, 2007.

Mula sa gusali na pinamumugaran ng sindikato, may panganib na nagbabadya. Isang napakalakas na kidlat ang pumunit sa dilim, habang ang malakas na ulan ay walang patid na bumubuhos. May mahiwagang anino ang gumagalaw, at isang mahinang ungol ang narinig kasabay ng pagbulagta ng isang katawan. Isang lalaki ang ginilitan sa leeg at lantang gulay na bumagsak.

Sa pagpasok ng anino sa madilim na gusali, sinalubong ito ng isang lalaking may dalang baril. Ngunit, kagaya ng naging kapalaran ng kasama nito, nagmukha siyang isang manok na hiniwaan sa leeg at pumailanlang ang kaniyang dugo.

Natalo siya ng kamatayan habang nakaluhod, at bumagsak sa sahig na nakabukas ang mga mata. Isang pares ng itim na sapatos ang lumakad sa harap ng kaniyang nakadilat na mga mata. Walang tigil ang pagpatay ng anino; maririnig ang mahihinang kaluskos at impit ng mga nalalagutang hininga na sumasabay sa patak ng ulan. Nagmistulang isang konsiyerto ang bagyo, kung saan ang kulog, kidlat, at malalakas na patak ng ulan ay lumilikha ng isang nakakakilabot na himig.

Napakabilis gumalaw ng anino, ginigilitan ang lalamunan ng mga armadong tao sa paligid, binubutas ang ulo gamit ang silencer, at lumilipad ang matalim na punyal sa pagitan ng dilim, kislap ng kidlat, at bumabaon ang patalim sa katawan ng mga armadong lalaki.

Naging mapanglaw ang pasilyo, sinasabayan ng mga umaandap-andap na ilaw. Nakikisama ang hanging nagmumula sa nakabukas na bintana, at nalalanghap ang amoy ng gusali. Humahalo ang usok ng sigarilyo, basang lupa, at iba't ibang uri ng amoy gaya ng mapanghing ihi, pawis, at dumi. Madilim ang pasilyo sa loob ng gusali, at tanging ang ilaw mula sa kisame ang gumagabay na liwanag.

Samantala, sa loob ng isang silid, may isang matabang lalaki na nakaupong nagkukumahog sa paglalagay ng bala sa baril. Sa sobrang kaba, nalaglag ang ibang bala mula sa ibabaw ng mesa. Pumunit na naman ang malakas na kidlat sa kalangitan, at nasinagan ang mukha ni Antonio Ruiz na sinabayan ng pag-andap ng ilaw sa silid. Napapitlag siya sa tunog ng kulog, parang may nahulog na malaking bato sa sobrang lakas ng dagundong, at bahagyang nayanig ang salaming bintana sa silid.

"P-putang ina... K-kung sino ka man, p-papatayin kita," kinakabahang bulong ni Antonio habang hawak ang baril, nakaupo at ipinatong ang armas sa ibabaw ng mesa. Nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang tauhan, kaya alam niya ang nangyari.

Biglang bumukas ang pinto, at napapitlag si Antonio sa gulat. "B-boss... T-tumakas ka na," iniluwa ng pinto ang kaniyang tapat na tauhan, nahihirapan huminga dahil sa paos na boses at pasuray na lumapit sa mesa. Ang tauhan ay unti-unting lumuhod sa tapat ng mesa hanggang sa tuluyan itong bumagsak paharap sa semento.

"P---putang-inaaa," gulat na bulong ni Antonio, mas lalo siyang natakot sa nasaksihan at pinagpawisan ng malamig. May nakabaong punyal sa likuran ng kaniyang tauhan, bahagyang kumikisay habang nakadapa, bumubuhos ang dugo mula sa likod at tuluyang nalagutan ng hininga.

"Twenty-seven." Bulong ng isang misteryosong nilalang sa mga bilang ng napatay, patuloy itong naglalakad sa makipot na pasilyo at isa-isang tiningnan ang mga hanay ng pinto. Gamit ang hawak na silencer, isa-isa niyang pinaputukan ang mga seradura, sinira ang mga lock, at kung sino man ang mga nakakulong sa kuwarto ay siguradong makakalabas.

Mabagal na naglakad ang anino patungo sa dako ni Antonio, dahan-dahang binubuksan ang pinto, at narinig ang isang kilabot sa mahinang kaluskos. May isang natatanging halimaw, nilalang, o demonyo ang pumapasok sa loob ng silid.

Nangibabaw ang liwanag ng kidlat sa dilim. Sunod-sunod na nagpaputok si Antonio sa anino na nakatayo malapit sa pintuan. Hindi man lang ito natinag sa putok ng baril, nakatayo lang at hindi gumagalaw.

Mistulang nilamukos na papel ang mga tumamang bala, na bumaon lang sa balat at tuluyang nabutas ang damit, sapat na para lumitaw ang maputing kutis nito. Parang alikabok na pinagpag ng anino ang mga balang tumama sa kanyang katawan. Napabuntong-hininga ito at inis na sumambit, "You ruined my clothes again."

Sands & SparrowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon