Chapter 5

72 11 0
                                    

MALAMIG ANG HAMPAS ng hangin sa kanilang mga balat at tanging kalahati at hindi pa buong buwan ang siyang tanging nagbibigay liwanag sa daang kanilang tinatahak. Hindi alintana ang pagod, paghahabol ng hininga, at katahimikan ng paligid. Mabilis na tumakbo ang tatlo na puno ng pag-aalala at hindi mawaring takot para sa kasamang halos magdeliryo sa init.



Binabalak nilang lumabas ng Soluna upang dalhin ito sa malapit na ospital at maipatingin sa isang propesyonal. Labis na ang kanilang pangamba dahil labing-apat na oras na itong walang malay. Minsan pa ay biglaan itong nagigising at magsasalita ng kung ano-anong hindi nila maintindihan. Labis din ang pagpapawis at panlalamig nito sa hindi mawaring dahilan.



Habang itinatakbo nila ito, labis ang takot na dinadala kasabay ng kanilang panalanging sana ay maging mabuti na ang kalagayan ng kasama nila. Nakakapanghinang makita si Selene lalo pa at nakita nila ang kagalakan sa nakalipas na mga araw. Ngunit wala silang ideya sa kung anuman ang nangyayari kay Selene. Maaaring siya ay may sakit o napagod lamang ito sa ilang araw nilang paglilibot sa bayan.



Puno ng pagtatakang napahinto ang tatlo nang mapagtantong wala ang entradang kanilang inaasahan na dapat na naroroon. Saglit silang nagkatingin na mga nakakunot ang noo at sinuyod ang paligid. Imposibleng nagkamali sila ng daang tinahak. Tinandaan na nila ang mga kalyeng kanilang nadaanan noon. Paanong sa isang iglap ay hindi na nila masundan ang bakas pabalik sa entrance?



"Nasaan ang entrada?" nagtatakang tanong ni Aelia na naghahabol pa ng hininga.



"Mali ba tayo ng daan? Dyo?" lumapit si Endy kay Dyo na lumilinga at tulad nila ay naguguluhan rin.



Nag-aalalang sinusulyapan ni Endy ang inaalalayan at walang malay na si Selene na panay ang ungot na tila may iniindang sakit na hindi malaman kung paano maalis. Umuungot ito at nakakunot ang noo, pawis na pawis, at mainit. Kumuyom ang kamao ni Dyo sa pagkainis sa sitwasyon. Bakit nga ba hindi na nagkamali sila ng dinaanan? Sigurado naman siya ngunit iba naman ang bumungad sa kanila.



"Hindi ko alam. Baka mali tayo ng daang nilakaran," bagkos alanganin ang pagsagot, malakas rin ang pananalig nilang maaring mali nga lang sila ng dinaanan at hindi napansin dahil sa kalagitnaan na ng gabi.



"Kailangan nating umikot," ani ni Aelia at tinuro ang isa pang daan.



Nanguna si Dyo sa pagtakbo, sinasabayan naman ni Aelia ang bumabagal na pagtakbo ni Endy dahil na rin sa pagod at buhat na buhat na dalaga. Panay ang palitan nila ng tingin na may kahulugang hindi mawari. Ito ang unang beses na nakita ni Aelia na hindi mapalagay ang kaibigan dahil sa kaba at takot. Hindi dahil sa lalim ng gabi kung hindi takot para sa dalagang nasa bisig nito. Sa pagnakaw ng tingin ni Aelia kay Dyo na nauuna sa pagtakbo, naisip niyang panandalian kung ano kaya ang mararamdaman niya kung si Dyo ang nasa posisyon ni Endy. Mag-aalala rin kaya ito tulad ng nakikita niya sa kaibigan?



Mabilis ring inalis ni Aelia ang walang kuwentang pag-iisip. Alam niyang hindi iyon ang tamang oras para mag-isip ng kung ano-ano dahil maaring nanganganib na ang buhay ng isa pa niyang kaibigan. Wala na ring oras pa para isipin kung bakit iyon ang naging katanungan na umiikot sa isip niya.



Ngunit ganoon na lamang ang pagkabigla nila nang huminto si Dyo at tinanaw sila pabalik, tinuro nito ang isang signage na nakaturo pabalik. Patungo ito sa entrada ng Soluna. Ngunit doon na sila galing pero wala naman ang entrada roon. Hindi pa naman sila tuluyang nakalalayo ngunit nakakapagtaka na.



"Anong nangyayari? Dapat ay nakalabas na tayo ngayon at naghahanap ng masasakyan," tanong ni Aelia at tinanaw ang lugar na kaninang kanilang kinatatayuan.



Hanggang ngayon ay wala pa rin ang entradang kanilang pinasukan. Wala ang lugar na bumungad sa kanila nang unang araw nila rito. Mabilis na rumehistro ang kaba sa ekspresyon ng dalaga nang mapuna ang isang arkong naroon. Hindi niya agad ito nakita sa dilim ngunit alam niyang may nagbago. Tila lumuma ito ng isang daang beses, halos masira na at puno ng lumot. Halos hindi na makilala. Kaya pala ay parang naliligaw sila. Walang pasubaling nilapitan niya si Dyo at tinuro ang napansing arko.



"Hindi ganyan ang itsura niyan noong nakaraang araw, Dyo. " Imbes na sagutin ay parehong napunta ang kanilang paningin kay Endy na nilalapag ng marahan ang dalagang si Selene sa ilalim ng isang puno.



"Dyo, ano ba?" pabalang na sagot ng binatang si Endy, hindi na magawang makontrol ang mga naghahalong emosyon, "Pinaglalaruan na ata tayo rito!"



"Dyo," nag-aalalang tawag ni Aelia kay Dyo.



Kahit ang babaeng archaeologist ay hindi na rin mapigilang manginig at maiyak sa kawalan ng pag-asa. Si Selene ay patuloy pa rin itong iniinda ang kondisyon. Mas lalo lamang siyang nilalagnat at bumubulong ng mga kakaibang salita. Gusto na nilang makaalis sa sitwasyon nila ngunit saan nga ba ang pabalik at palabas sa bayang ito? Dito na ba sila habambuhay? Walang maayos na pagamutan dito. Hindi pa nga sigurado kung may nagpapatakbo pang mga ahensiya o establisemento na makakatulong sa kanila.



"Hindi na dapat kayo pumunta pa sa bayang ito,"



Sa gulat ay dagling nahila ni Dyo si Aelia at tinago sa kaniyang likod, ganoon rin ang ginawa ni Endy ngunit nanatiling nakahiga si Selene. Isang matandang bigla na lamang sumulpot ang nasa harap nila ngayon, tila nakangiti ito na tila hindi. Ang mga mata ay hindi mawari kung anong ekspresyon ang pinapakita. Ang awrang hindi maunawaan, biglaan itong nagpa alas ng ngiti.



"Bakit n'yo pa naisipang pumunta sa lugar na ito? Hindi n'yo ba naisip na maaring hindi na kayo makalabas? O baka rito na matatapos ang mga buhay n'yong magkakakonekta?" humalakhak ito na isang baliw na nawawala sa sarili.



"Anong ibig mong sabihin?" puno ng kuryusidad na tanong ni Endy. Bahagyang binabagabag sa mga salitang sinasabi ng matanda.



"Do not talk to her, Endymion," babala ni Dyo ngunit walang pakialam ang binata.



"Anong ibig kong sabihin? Hijo, ang bayang ito ay masyadong magulo! Ang bawat sulok ay may dulot na kamalasan. Kung ako sa inyo, hindi na dapat kayo pumarito. Sumpa ang mga tao, sumpa kayo! Sumpa ang bayan at lugar na ito!"



Sumipol nang malakas ang panggabing hangin at ang mga nagbabanggaang sanga ng mga puno. Kakaiba ang handog na lamig at hagod nito sa kanilang pakiramdam. Kasabay ang halakhak ng papalayong matanda at mga wirdong tunog na hindi nila mawari kung saan nanggaling ay ang pag-ungol ni Selene.



"Ano ang sinasabi ng matandang 'yon, Dyo? May ideya ka ba? Ikaw ang tiga rito, maaring may alam ka sa mga nangyayari!"



"Those are senseless and baseless words, Endy."



"Senseless? Baseless? Are you saying na umiikot talaga sa bayan na ito ang mga pinagsasabi ng baliw na matandang 'yon?"



"Let's talk about it later. Kailangan natin ng tutulong kay Selene! Ano ba!" singit ni Aelia sa namumuong tensyon sa dalawa, "Bakit hindi natin subukang magtanong sa caretaker ng Castañeda? Baka matulungan niya tayo."



Wala ng inaksayang panahon pa ang tatlo at agad na tinungo ang may kalapitang mansion ng mga Castañeda. Kahit na madilim ito, ay mayroon pa ring mumunting ilaw na maaring kinalulugaran ng caretaker. Saglit silang nakipag-usap si caretaker at kinuwento na ang sitwasyon ni Selene sa matanda. Lumipas pa ang ilang oras bago sila itinuro ng matanda isang kilalang manggagamot ng Soluna na matatagpuan sa hindi kalayuan sa mismong bayan.



Matapos magpaalam ay nagtungo na sila roon. Huminto sila sa tapat ng mumunti nitong bahay. Si Dyo ang naglakas loob na kumatok sa pinto nitong gawa sa katawan ng isang malapad na puno. Dahan-dahan itong bumukas at lumilikha ng tunog na kumikiskis sa sahig ng bahay. Sumilip roon ang isang matandang may suot na bandana at lumang damit.



"Anong maipaglilingkod ko sa inyo?"

La Cometa 1892Where stories live. Discover now