Chapter 24

45 7 0
                                    

ANG MAGKAPATID na Armes at Luna ang ilan sa mga kilalang taong namumuhay sa Soluna. Subalit nang dungisan ng padre ang pangalan nila upang maging kilala, para masabing siya'y kagalang-galang at mas malakas, na siya'y hindi dapat nasasapawan, ang dangal ng Castañeda ang kaniyang hinila pababa. Isang malaking pagkakamali na nagdulot ng lagitik upang magdusa ang angkang nasabi.


Bagaman nangyari ito bago ang paghihiganti.


Bagaman naganap ito bago ang sinapit ni Gabrielito.


Pababa si Armes mula sa kaniyang silid nang makita niya ang kaniyang kambal na si Luna sa sala, balisa at namamaga ang mga mata. Nag-aalinlangan ang dalaga bago ipukol ang tanong sa kakambal.


"Hindi mo pa rin ba nasisilayang muli si Ginoong Gabrielito?" tanong ni Armes kay Luna.


Lumingon si Luna upang sagutin sana ang kaniyang kapatid. Tinignan niya itong lumapit sa kinaroroonan at umupo sa harapan niya.


Hindi na niya sinubukan pang ngumiti at iniling lang ang ulo. "Hanggang ngayon, wala pa akong balita sa kaniya."


Pinagmasdan ni Armes ang kabuuan ni Luna. Marahil ay hindi na nito namamalayan ang pagkaputla ng sariling mukha, ang magulong pagkakasuklay ng kaniyang buhok, ang natutuyo niyang labi, at ang nalimutang pares ng kaniyang hikaw dahil sa pagkabahala niya sa kaniyang katipan.


Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ni Luna, ngunit naramdaman ni Armes ang kawalan niya ng sariling lakas. Lumipat ito ng upuan at tumabi sa kakambal bago ito hagkan.


"Patawad pagka't ito'y nararanasan natin ngayon ngunit wala akong magawa," bulong niya habang sinusuklay ang buhok ni Luna gamit ang mga daliri. "Hindi ko masisiguro kung malilinis pa ba ang pangalan natin, ngunit pinapangako kong lilipas din ito at tayo'y mabibigyan ng hustisya sa huli."
Tumango si Luna mula sa balikat ni Armes, dama ang kahulugan ng bawat salitang binitawan. Tila'y gusto pang higpitan ni Luna ang yakap ng kakambal nang mapansin ang ingay na nagmula sa ikalawang palapag, wari ba'y isang malaking bagay na bumagsak. Nagkatinginan pa muna sila bago nagmadaling umakyat nang mapagtanto na ang ingay ay nagmula sa silid ng kanilang ama.


Habang tumatakbo sa pasilyo ay napansin ni Luna na natigil ang kakambal sa mismong pinto ng kwarto ni Don Castañeda. Nagtataka, inabot niya ang busol ng pintuan upang buksan ito pero hinila siya ni Armes sa kaniyang tabi.


"Sandali lang, Luna," aniya at halos idikit ang tenga sa pinto. Naningkit ang mata ni Luna sa ginawa nito, pero ginaya niya rin ang kilos ng kakambal.


"Tumakas ka na . . . " nanghihinang sambit ng boses mula sa silid. Boses na pamilyar sa pandinig. Kanila itong napapakinggan, matikas at malamig, punong-puno ng pag-uutos at diksyon. Ngunit sa mga puntong yaon ay nauubusan na ng buhay.


Muling nagtama ang paningin ng magkapatid.


Isang tao lamang maaari iyon at marahil ay parehas na sila ng iniisip.


Nagkabuhol-buhol ang mga alalahanin nang marinig nila ang tinig. Nagkatinginan ang dalawang dalaga sa pagtataka. Hindi  nga kaya'y mula ang boses sa Don, ang kanilang ama?


Iniling ni Armes ang ulo na parang winawalis ang mga isipin at tuluyang binuksan ang pintuan.


Nanlaki ang mata nila nang dahil sa tumumbad sa kanilang paningin.
Hindi inaasahan, at hindi marikit kung panonoorin.


Mula sa dugong umaagos tungo sa katawang nakahandusay at walang-buhay. Sa lansa ng hanging bumabalot sa silid. Sa liwanag mula sa lampara. Ni isa sa dalawa ay halos walang gumalaw.


La Cometa 1892Where stories live. Discover now