Chapter 25

36 7 0
                                    

SOLUNA,

TEN YEARS LATER. NOVEMBER 16, 1902.

MABILIS NA nakalipas ang sampung taon na parang ito'y isang kisapmata. Ang usbong ng bawat kapunuan, ang paggalaw ng mga ulap sa kalangitan, maski ang pagkutib ng mga tao ay tila pinabilis at walang hintong pagmamadali. Nakalimutan na ang dating itsura ng nakaraan, at sa paglingon sa bawat kanto ng bayan ay may dulot na kakaiba sa pakiramdam para sa isang taong tulad niya. Ang padre na si Sakarias.

Tahimik na inililibot ang kaniyang mga paningin sa hindi na pamilyar na plaza, ang mga kabahayan— estraktura't pagkakahubog ng bawat pader— magarbo man o simple'y aninag na aninag mula sa kaniyang pagkakatayo. Marahan ang paglakad habang taimtim na dinaramdam ang hampas ng hangin sa kaniyang kulubot nang balat, dumako ang kaniyang pagmamasid sa nagmamadaling pagaspas ng mga pakpak ng isang ibon na kung wari nawang ito ay malaya, tulad na lamang ng bayan na ito. Kagaya ng kaniyang pagbubulaybulay.

Malayang-malaya, dagdag niya nang tahimik. Ngunit gaano nga ba ang pagraos nito mula sa trahedyang sinapit isang dekada na ang nakalipas? Wala na ba ang mga balakid bagkus ay patuloy na ang pagyabong mula sa pagsilang ng makabagong Soluna?

Rumagasa ang di mabilang na pag-usad, at ang pait ng nakaraan nito'y hindi na maalis pa sa isip ng matandang padre. Bagaman hindi na rin malinaw ang paningin dahil sa katandaan, di malabo na nakatatak sa isip ng padre ang bawat detalye, ang bawat pangyayari, at ang bawat hindik kung bakit humantong ang lahat ng ito sa kung anong mayroon ngayon. Sa ibang Soluna.

Panandaliang nanikip ang dibdib ng matanda kaya'y napagdesisyunan na muna nitong mamahinga sa isang parihabang upuang yari sa kahoy na nasa ilalim ng isang puno, at sa lilim nito'y hinaharanggahan ang matinding pagsikat ng araw.

"Padre, magandang araw!" bati ng isang ginoo sa kaniya na may ngiti sa labi, isang pasaherong nakasakay sa umaandar na kalesa.

"Ano pa't nasa labas kayo habang ang araw ay siyang kay ubod ang tirik?" tanong naman ng isang binibining nagtatago sa likod ng hawak ng pamaypay na nasa tabing daan kausap ang isang ginoong nagbibitbit ng payong, animo'y umaakyat ng ligaw sa magandang dilag.

"Baka ho ano pang mangyari sa inyo . . . Pumasok na ho kayo sa loob ng simbahan!" sigaw naman ng isang ginang na nakatago sa putting balabal, ito'y papasok na sa bahay-dasalan.

Tango o hindi kaya'y ngiti ang tanging naigaganti niya sa mga taong lumalapit upang kumustahin siya o kaya ang simbahan. Ngunit hindi niya na magawa pang pagtuunan ito ng pansin dahil sa labis na paninikip ng dibdib, pagpintig ng mga ugat sa ulo't tahasang panlalabo ng mga mata. Ang pakiramdam na ito ay alam niya kung saan tutungo. Alintana niyang pumapalya na ang kaniyang puso. Marahil na rin sa katandaan subalit . . . hindi ito ang araw na dapat siyang mamatay.

Hindi pa.

Hindi pa dapat.

Mahigpit niyang nahilamukos ang itim na tela na nakaharang sa kaniyang dibdib. Magkakasunod ang pagtaas ng magkabilaang balikat kasabay ang paghahabol niya ng kaniyang paghinga.

"Ako'y lubos na bumabati sa muli nating pagkikita. Kinalulugod kong makatagpo kang muli."

Ang boses na iyon.

Mula sa sulok ng kaniyang mata'y kitang-kita niya ang hugis ng katawan nitong unti-unting lumalapit. Pamilyar ang umaalangisaw na amoy at maging ang delikadong ngisi nito kahit hindi pa tuluyang nalilingon ang lalaki.

"Sigrid," tipid na aniya.

"Ako nga, Padre Sakarias," panimula nito sa kaniya, ang mga mata'y matalas na nakatitig sa kaniya, "at matagal na rin ang huli nating pagkikita. Sampung taon na rin sa aking palagay, ako ba'y tama?"

La Cometa 1892Where stories live. Discover now