Kabanata 3

7.9K 517 190
                                    

KABANATA 3

"SAAN kayo magbabakasyon ngayong tag-init, Dalia? Sa ibang bansa ba?"

"Wala pa akong ideya," sagot niya habang sinisilid ang mga libro at kuwaderno sa loob ng maletin. Papasok na ang Abril at huling araw na ngayon ng klase.

"Ang balita ko'y may paanyaya sa 'yo mula sa siyudad!" tukso ni Cora habang nakangisi. "Sumulat daw ang Kuya Cypress at iniimbita kang magtungo roon!"

"Ah, unang tag-init na may nobyo ka, Dalia!" pakikitukso rin ni Josefa. "Kung sasama ka sa siyudad ay tandaang mag-ingat! Huwag magpatupok sa init kahit tag-init!"

Humagikgik ang dalawang dalaga habang napakunot-noo naman si Dalia. Anong sinasabi ng mga ito?

"Wala pa 'kong desisyon kung magtutungo nga roon. Dahil magta-trabaho ako sa bakahan."

"Ikaw naman! Mas uunahin mo pa 'yan kaysa sa paanyaya ng iyong katipan! Nais ka niyang makapiling. Ilang buwan na kayong hindi nagkikita," singit ni Pilar na nag-aayos din ng mga gamit nitong iuuwi.

"Ipakita mo iyan," biglang pasok din ni Marietta sa usapan, tinuturo ang kuwintas. "Ikatutuwa ni Cypress na lagi mo 'yang suot araw-araw."

Naikot niya ang mga mata. Hindi na tumigil ang mga babaeng kaibigan sa pag-iisip na ganoon nga ang kahulugan nang pagsusuot niya ng kuwintas na galing kay Vier. Napapagod magpaliwanag si Dalia kaya't tinigilan na lang niyang umalma at bahala na ang mga itong isipin ang kahit ano.

Ang mahalaga naman ay batid ni Timoteo at Vier na sinusuot niya iyon dahil gusto niya at bagay sa kanya.

"Aminin mo na ring si Kuya Cypress ang nagbigay sa 'yo ng relos na 'to!" Inangat ni Cora ang kanyang kanang pulso kung saan may munting relos na gawa sa ginto.

Mabilis niyang inagaw iyon. Galing iyon kay Timoteo pagkauwi nito mula sa Bohol noong Enero. Ayaw ni Dalia na suot iyon dahil baka magasgasan, pero nagtatampo naman si Timoteo. Kaya't upang maging patas sa ginigiliw, sinusuot niya na rin iyon araw-araw.

Binawi niya ang kamay. "Bakit ba, ako palagi ang sentro ng usapan? Tigilan niyo ang kuwintas at relos ko. Si Pilar ang pagbalingan niyo gayong matagal niyang inilihim na may relasyon sila ni Andoy!"

Nagtawanan ang mga babaeng kaibigan at sinimulan na ngang pagbalingan si Pilar na nabuko nilang nobyo na pala ang kaklase at kababata nilang si Andoy. Kung hindi pa nila nahalata ang dalawa na laging magkasama at nawawala sa tuwing nagtutumpok silang magkakaibigan ay hindi pa nila mabibisto ang mga ito.

"Tigilan niyo nga ako! Kaya ayaw naming ipaalam ni Andoy dahil magiging ganito kayo. Gayong natural na magkahulugan ang loob namin sapagkat simula pagkabata ay magkakasama na tayo!"

"Ngunit si Andoy Baldemor talaga ang naibigan mo? Bakit hindi si Marko o si Timoteo? O 'yung nanliligaw sa 'yo na Salamanca?"

"Aba't mas mabait at kuwela si Andoy! Napapatawa niya ako palagi."

Ngingisi-ngisi si Dalia nang matagumpay na mawala sa kanya ang atensyon ng mga babae. Pinaikutan ng mga ito si Pilar. Habang siya ay pasimpleng sinara ang maletin at tahimik na nakalabas ng silid-aralan bitbit iyon.

Luminga-linga si Dalia bago umakyat ng hagdanan at sa malalaking hakbang ay tinungo ang silid na puno ng katatakutan...

Napangiti siya nang makita roon si Timoteo na nakatanaw sa bintana.

"Ang bilis mong natapos ang pagliligpit ng gamit," papansin niya rito. Sinara niya ang pinto pagkapasok at ipinatong ang maletin sa isang bangko.

Sa 'Kin Hanggang Wakas (Valleroso #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon