Kabanata 18

8.3K 588 280
                                    

KABANATA 18

Monte Amor, Cebu

1952

DALAWANG linggo bago ang kasal at imbes na nagpapahinga at nagpapaganda, nasa ilalim si Dalia ng nagbabagang sikat ng araw.

Naglalagari ng mga kahoy at maya-maya'y magpupukpok pa. Sa katuparan ng kanyang pangako kay Timoteo na siyang mismo ang magkukumpuni ng bahay ng mga manok, nasa ika-siyam at ikasampung manukan na ang mabubuo niya ngayon. Ibig sabihin ay sampung manukan pa ang kailangang bunuin sa mga susunod pang linggo.

"Magpalamig ka muna."

Hindi siya huminto sa paglalagari kahit narinig niya sa likod si Timoteo.

"Dalia, sasakit ang iyong ulo sa init—"

"Iinom ako ng tubig mamaya. Huwag mo akong abalahin," aniya habang patuloy ang paglalagari. Tinapak niya ang isang paa at ipinatong sa kahoy upang mas maging maayos ang pinuputol na mga piraso.

"Hihintayin mo pang sumakit ang iyong ulo sa tindi ng sikat ng araw bago ka uminom ng tubig?"

"Kung nag-aalala ka sa 'kin disin sana'y hinayaan mo 'kong makasama ang ilan kong trabahador para sa pagkukumpuni. Nang sa gayo'y hindi ako nagmamadaling matapos ito."

Bawat minuto, maging segundo ay mahalaga kay Dalia. Nais niya nang matapos ito nang hindi na humahalo sa kanyang mga iniisip.

Tumagatak ng matindi ang pawis ni Dalia. Nakita niya pa ang pagpatak niyon mula sa kanyang noo papunta sa kahoy na nilalagari.

Mabilis niyang pinalis ang ilan pang namumuong pawis gamit ang tuwalyitang nakasabit sa kanyang balikat.

Narinig niya ang marahas na pagbuga ni Timoteo ng hangin. "Napakatigas ng iyong ulo."

Lumayo na yata ito pagkasabi niyon. Eh di, mabuti!

Gusto naman talaga niyang mapag-isa.

Nagpatuloy lang si Dalia sa pagta-trabaho. Kumurap-kurap siya nang mas tumindi ang init at mayroon na siyang itim-itim na nakikita sa paningin.

Umiling siya at inilagay sa tuktok ng isip ang ginagawang trabaho. Hihinto siya kung kailan lang makadama ng kapaguran. Hanggang sa kaya pa ng kanyang isip at katawan, hindi siya titigil.

Malakas niyang binuhat ang mga kahoy na katatapos lang putulin. Humigit siya ng malalim na hininga upang mabuhat iyon lahat ng tama, iyong walang mahuhulog. Pagkuway binagsak niya sa puwesto kung saan niya pinagkakabit-kabit ang mga iyon.

Pasalampak siyang umupo sa madamong lupa at kinuha ang martilyo't mga pako.

"Anong dahilan ng iyong pagdadabog?" tanong ni Timoteo. Nasa likod niya na ito at may hawak na payong. Iyon ang nagbigay lilim sa kanya mula sa matinding sikat ng araw.

"Sinong nagdadabog?" Umingos siya at hinayaan lang itong tumayo roon upang payungan siya. Salamat naman at marunong ding kumilos ito. Hindi iyong binabantayan lang siya nito habang nakaupo.

"Kanina ka pa tila nanggigil sa paglalagari pa lang."

"Nagmamadali lamang ako sa pagputol."

"Nakasimangot kang nag-umpisa ng trabaho. Gayong kagagaling mo lamang ng simbahan. Hindi ba maganda ang mensahe ng pastor?"

Nilakasan niya ang pagpukpok upang hindi na sila mag-usap pa. Wala siyang planong sabihin kay Timoteo na naninibugho ang kanyang damdamin.

Sa 'Kin Hanggang Wakas (Valleroso #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon