Kabanata 14

8.2K 580 380
                                    

KABANATA 14

Year 1951

KASABAY ng malakas na pagaspas ng hangin ay ang mabibilis na mga yapak ng kabayo at ang malakas nitong paghalinghing.

Napaatras ang agad na nakakita sa kanya. Lalo na ang mga kalalakihang dahilan ng pagparoon niya. Mas pinabilis niya pa ang takbo ni Hiwaga.

"Nandyan na siya at malalagot kayong tunay sa mga kabalustugan niyo!"

Hinugot niya ang latigong nakasabit sa kanang baywang. She whipped it strongly and the wind blew harsher—opposite her direction.

Nakita niya ang ngiti at tuwa sa mga babaeng tauhan ng kanilang lupain. Gamit ang isang kamay ay pinatigil niya si Hiwaga.

She jumped down and stood tall while striking another whip.

"Senyorita, dumating po kayo!"

"Senyorita Dalia, salamat po't nandito na kayo!"

Nagtago sa likod niya ang tatlong babae.

Hinawi ni Dalia patalikod ang maikling buhok. "Sinong lumalaspatangan at hindi nagbibigay galang sa ating lupain?" tanong niya, matalim ang tingin sa tatlong lalaki mula sa kabilang lupain.

Lalong nag-atrasan ang mga kalalakihan at napalunok. Tinuro niya ang mga ito habang hawak pa rin ang latigo.

"Lumagpas na naman kayo sa punta ng lupain at tinatakot pa ang mga tagabantay namin dito. Nasaan ang paggalang niyo sa aming teritoryo?!"

Napapitlag ang mga lalaki nang ihampas niya ang latigo sa harap mismo ng mga ito. Napatalon pa ang isa.

"Senyorita, nakikipagkilala lamang kami!" katwiran ng isang lalaki, ngunit mabilis na tinakpan ng mga kasamahan ang bibig.

"Nakikipagkilala?" singit ng babae mula sa kanyang likod. "Pinipilit niyo kaming sabihin ang aming mga pangalan kahit pa ilang beses na naming ipinarating na wala kaming intensyong makipagkilala."

"Nais lang namin siguraduhin na walang makalalagpas sa aming lupain bilang parte ng aming tungkulin!" singit pa ng isa. "Subalit ano pang mga inukol niyong pahayag? Paano namin mababantayan ng tama kung kami'y mga babae lamang? Hindi kami bagay rito at umuwi na lamang kasama niyo?!"

"Senyorita, nagtatawanan sila habang malisyo ang uri ng tingin. May sumubok pang hawakan kami!"

Napasigaw ang mga lalaki nang nanggigil niyang ihampas ng mas malapit ang latigo sa lupa.

"Hindi iyon ang aming intensyon! Isa lamang iyong biro—aah!"

Nakaabot na sa paanan ng lalaki ang dulo ng kanyang latigo. Napatalon itong hawak ang paang natamaan.

"Patawad po! Patawad, Senyorita Dalia! Nais lang naming makipagkaibigan sa kanila."

"At malinaw ang kanilang kasagutan. Hindi! Ano't hindi niyo ginalang iyon? Wala ba kayong pagpapahalaga sa inyong mga buhay at nais niyong bumalik sa mga Lanza na pulos latay?"

"Senyorita, malinis ang aming intensyon! Walang nangahas sa 'ming humawak. Sadyang masusungit lamang ang inyong mga tauhan at biniro lamang namin para sila'y mapangiti—Ahhh!"

Sa kamay na nito tumama ang latigo.

"Sa oras na sinabi ng babaeng hindi, hindi! O kahit sinong tao pa. Ang hindi ay hindi!" matigas niyang sabi sa mas buo at malakas na boses.

Isang hampas pa ng latigo at halos magtakbuhan na ang mga ito palayo. "Sino kayo para mamilit? Sa kaisipan niyo ba'y dahil babae ang nagbabantay rito, makakayan-kayanan niyo sila? Nakikipagbiruan kayo? Bakit? Mga kaibigan ba kayo upang kumilos ng ganoon?"

Sa 'Kin Hanggang Wakas (Valleroso #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon