Kabanata 7

8K 516 427
                                    

KABANATA 7

"SAAN ka pa uuwi ngayong oras na ito?" naalalang itanong ni Dalia kay Vier.

"Kina Estefan. Doon din tumutuloy sina Mama..."

Napatingin siya sa relos. Alas-tres na ng madaling araw at saka lang huminahon ang kalooban ni Dalia. Tahimik na sinamahan siya ni Vier habang nakikinig sa kanyang mga hinaing at mga kinatatakutang pagbabago nang buong tatlong oras. Hindi naman niya sinasadyang ito ang mapaglabasan ng mga iyon.

Si Lass dapat ang tagapakinig ni Dalia. Ngunit nang nakita niya si Vier kanina'y kusa lang bumukas ang nasa kalooban niya—na tila ba'y ito ang makapapawi ng mga damdaming pinakatatago.

"Hindi kaya sila mabulabog? At..." Tiningala niya ito. Sapagkat mas malinaw na ang isip, ngayon niya lang napansin ang kapaguran sa buong dagway at mga mata ni Vier!

"Ikaw pa ang magmamaneho pabalik? Napakalayo nitong Hacienda Salamanca sa mga Valleroso."

Marahan itong tumango, ngumiti. "Huwag kang mag-alala. Kaya ko pa naman," anito sa mapungay nang mga mata.

Napalabi si Dalia. She suddenly felt bad for selfishly keeping him this late just to listen to her dramas. Imbes na nagpapahinga mula pa sa pagbaba ng bundok ay dumiretso ito sa pagbiyahe, para lang makaabot sa kanyang kaarawan!

Hinawakan niya ito sa braso. "Vier, magpahinga ka na lamang dito. Batid kong hindi mamasamain nina Mama at Papa kung gagamitin mo ang silid-pambisita. Mamayang umaga, ako ang magpapaliwanag sa agahan kung bakit ka nandito."

"Dalia, huwag mo 'kong alalahanin—"

"No! I kept you this late. Halika sa itaas!" Malakas niya itong hinila at walang nagawa kundi sumunod sa kanya paakyat sa silid na maari nitong tuluyan.

Pagbukas ng pinto ng silid ay hinila niya papasok roon si Vier. Pagkuwa'y mabilis siyang lumapit sa aparador at kumuha ng malinis na tuwalya at damit na maaari nitong gamiting pamalit.

"Laging nililinis at kumpleto sa kagamitan dito. May sarili pang banyo. We were expecting that some relatives might use this guestroom for the night after the party. Ngunit lahat naman ay nakauwi na."

Marahang umupo si Vier sa gilid ng kama. Inabot niya rito ang mga kinuha.

"Masaya akong nakarating ka ngayon," mahina niyang wika habang nakayuko rito.

Tumango ito at tiningala siya. "Hindi ka na malungkot, sinta?"

"Hindi na, sinta!" Mapaglaro niyang tugon at nginitian ito ng matamis. "Hindi na rin ako iiyak! Hindi ko nga batid kung bakit pa 'ko lumuha sa napakababaw na dahilan."

Kakausapin niya na lamang si Timoteo sa oras na magkita sila sa klase. May paliwanag naman ito, panigurado. Matatanggap din ni Dalia na mas malaki na ang mundong ginagalawan ng binata. Hindi na katulad dati...

"Walang mababaw na dahilan sa nagmamahal," ani Vier. Sumandal ang likod nito sa poste ng kama at pinikit ang mga mata. "Kahit ako ay malulungkot kung hindi ko nakasama sa espesyal na araw ang aking sinisinta."

Biglang pumasok sa kanyang isipan si Ramil. Napasimangot si Dalia. Napailing-iling para mawala ang imahe ng asungot na kaibigan nito.

Tinignan niya si Vier ng matagal at kahit halata ang kapaguran ay nanatiling nakapostura ang pagkakasandal sa kama. Nakapikit pa rin ito at tila ninanamnam na ang pahingang nalalasap.

Mas tumagal pa ang pagtitig niya rito at saka lamang naramdaman ni Dalia ang kalahating taong hindi sila nagkita o nagkausap man lang kahit sa telepono. Bagaman nandyan ang mga sulat nito, iba pa rin pala ang pakiramdam sa oras na nandyan mismo sa harap ang tao...

Sa 'Kin Hanggang Wakas (Valleroso #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon