Kabanata 8

6.9K 565 270
                                    

KABANATA 8

ANG UNANG dalawang buwan ng relasyon nina Dalia at Timoteo ay maayos naman nilang naitawid. Kahit pa nadadalas ang hindi na pagpasok ni Timoteo sa kolehiyo, nagkikita naman sila sa kanilang tagpuan. Dalawang oras kada araw iyon upang makapag-aral sila ng magkasabay at magkaroon ng oras para sa isa't isa.

Hindi rin mapapansin ni Dalia ang hindi pagpaparamdam ni Vier kung hindi lang dumating ang Disyembre.

"Wala po siya?" ulit ni Dalia nang isang araw ay kusa siyang tumawag sa telepono upang batiin sana si Vier sa kaarawan nito. Subalit ang nakasagot ay ang ina nito.

"Pasensya na, hija, at hindi ka pa pala natatawagan muli ni Cypress. Hindi niya pa ba naipapaalam sa 'yo na magiging abala siya?"

"Ipinaalam naman niya, Auntie. Matagal siyang hindi muna makakatawag. Pagkaalis niya pagkatapos ng aking kaarawan ay naging abala na rin ako. Nais kong sadyain siyang batiin para sa kanyang kaarawan."

"Makakarating ang iyong pagbati oras na makauwi siya ng bahay. Sa ngayon ay hindi rin namin siya madalas nakikita ng kanyang Papa dahil sa sunod-sunod na mga gawain para sa kanyang pagdadalubhasa. Sa ospital na yata nakatira si Cypress kasama si Ramil."

Kusang umikot ang mga mata ni Dalia pagkarinig sa pangalan ng kaibigan ni Vier. Tila hindi niya gustong nagbabad ng mga oras si Vier kasama ang kaibigan nitong mainit ang dugo sa kanya. Subalit wala naman siyang magagawa dahil mas una namang naging matalik na magkaibigan ang dalawa.

"Naiintindihan ko po, Auntie Ophelia. Mas maayos nga pong tutok si Vier sa kanyang pagdadalubhasa. Mas mahalaga po iyon. Maghihintay na lang po ako kung kailan siya magkakaroon muli ng maluwag na oras."

"Thank you, hija. You're a very understanding young woman. Perpektong katangian ng asawa ng isang doktor!" kantiyaw ng ginang sa kabilang linya.

Dalia just chuckled and said her goodbye. May ipinadala siyang regalo kay Vier, hindi niya lamang sigurado kung kailan darating. Sana ay magustuhan nito.

Pagkababa ng telepono ay tumuloy na si Dalia sa mga araw-araw niyang gawin pagkatapos ng klase. Mabilis siyang pumunta ng kuwadra, kinuha si Hiwaga, at sumakay sa likod nito.

Humahampas na ang malamig na panghapong hangin sa mukha niya habang mabilis na pinapatakbo si Hiwaga. Hanggang sa makarating siya nang lumang bahay ni Tiyo Oskar. At doon sa likuran ay nakaabang na si Timoteo.

Ibinaba nito ang binabasang aklat at hinapit siya sa baywang upang mahalikan.

"Pasensya na at nahuli ako. May kinausap lang ako sa telepono."

"Walang kaso sa 'kin. May mga araw na mas matagal kang naghihintay kung hindi ako makapuslit agad sa mga gawain ng aming lupain."

Hinawakan siya nito sa kamay at magkasabay silang umupo sa damuhan kung saan nakakalat na ang mga aklat na kailangan nila para sa pag-aaral.

Sumandal si Timoteo sa katawan ng puno at hinila siya nito sa tabi nito. Napangiti si Dalia at sumandig sa dibdib ng nobyo. Magkasabay silang nagbasa ng libro. May hawak na siyang lapis upang lagyan ng tanda ang mga kailangan nilang isulat para sa takdang-aralin.

"Mas naiintindihan ko na ang mga konsepto sa libro ngayong mas madalas kong ginagawa ang ilan sa aming lupain," ani Timoteo nang matapos nila ang pagbabasa.

"Kaya pala kahit hindi ka pumasok ay mataas ka pa rin sa mga pagsusulit!" ani Dalia.

Ngumisi ang nobyo at kinurot ang kanyang pisngi. "Lagi mo rin akong tinuturuan kaya ganoon."

Sa 'Kin Hanggang Wakas (Valleroso #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon