Kabanata 13

9.1K 601 230
                                    

KABANATA 13

NANALANGIN ng taimtim si Dalia.

       Pinagsalikop niya ang mga kamay at mariing pinikit ang mga mata. Umabot na siya sa ganito dala nang nalilito pa rin niyang damdamin.

       Bagaman ipinahayag ng malinaw ni Vier na walang kasong maging panakip-butas ito, batid pa rin ni Dalia na mali iyon! Kahit pa may hatid na kakaibang pakiramdam ang pagpapaubaya nito sa ganoong klaseng paraan, naninindigan ang isip niyang huwag samantalahin ang kabutihan nito.

       O, Dios na makapangyarihan! Bakit naman nasa ganito siyang posisyon ngayon? Iyong tila bang nasisiyahan subalit hindi mapakali ang pakiramdam? Humihingi si Dalia ng liwanag, ng sagot...

       At maaari bang ibalik Nito sa kanya ang malinaw na daang batid niyang tatahakin dapat, subalit mula nang masawi sa pag-ibig ay tila lumabo na?

       Sa huli, ang nais lang naman ni Dalia ay gumawa ng tama at patas. Para sa lahat.

       At kung hindi man isang ilusyon ang damdaming namumuo sa kanya para kay Vier, maaari ba siyang bigyan ng Panginoon ng malinaw na sagot kung paano niyang malalaman na totoo iyon?

       Gusto niyang maging totoo iyon, subalit paano kung may puwang pa rin sa puso niya ang dating nobyo?

       Hay, ano ba 'tong ginawa niya sa kanyang buhay at napunta siya sa ganitong sitwasyon! Tila sa una ring pagkakataon, imbes na makatulong ang kabaitan ni Vier ay lalo lang nakadagdag iyon sa kanyang mga iniisip!

       Pagmulat ng mga mata ni Dalia pagkatapos magdasal ay eksaktong nagsisi-alisan na rin ang mga tao. Tapos na ang oras ng pagsisimba para sa Linggong iyon.

       "Are you ready to go?"

       Huminga siya nang malalim at binalingan si Vier sa kanyang tabi. "Katatapos ko lang magdasal."

       Ngumiti ito. "Ang haba niyon. Tila napakarami mong panalangin."

       "Maraming-marami!" Kasama na ito! Nais ni Dalia ng kaunting distansiya mula kay Vier, ngunit nang ayain siyang magsimba ay napakabilis niyang um-oo! Nalilito na siyang tunay sa sarili.

       Nauna na siyang tumayo at naramdaman niya ang pagsunod nito. Humalo sila sa mga taong palabas at pagkarating sa dulo'y nandoon ang mga kaibigan ni Dalia.

       Lumapit sina Josefa at Cora, binati si Vier. Sumunod ay sina Pilar at Andoy, bumati rin.

       "Nasaan ang kambal?" tanong ni Cora nang mapansing wala sina Marko at Marietta.

       "Binisita si Timoteo," si Josefa ang sumagot. "Pupunta ang kanilang ama para mag-alok ng negosyo o kung anuman. Sumama silang magkapatid, para na rin kumustahin si Timoteo."

       "Ganoon na pala upang makita si Don Timoteo ngayon? Dapat ay may iaalok tayong negosyo!" biro ni Pilar na tinawanan ng mga kaibigan.

       Lihim na umiikot ang mga mata ni Dalia dahil hindi pa rin siya komportable na pinag-uusapan si Timoteo. Subalit wala naman siyang magagawa dahil walang alam ang mga kababata.

       "Kahit akong pinsan ay hirap makalapit gayong nasa iisang lupain lang kami naninirahan," dagdag pa ni Josefa. "Napakaraming ginagawa ni Timoteo at kailangan pang ipatala sa personal niyang kalihim ang petsa kung kailan siya maaaring makausap! Kung nais niyo siyang makita ng Biyernes, dapat ay Lunes pa lang, nagpapatakda na kayo!"

       "Pumapantay na sa isang doktor ang pagiging abala niyang si Timoteo, ah?" ani Cora at saka bumaling kay Vier. "Kuya Cypress, kailangan ring magpatala sa 'yo ng araw ng konsultasyon, hindi ba?"

Sa 'Kin Hanggang Wakas (Valleroso #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon