Kabanata 6

7.2K 508 139
                                    

KABANATA 6

"KAILANGAN ko nang umalis."

Mula sa pagsagot sa natitirang mga takdang-aralin ay napaangat si Dalia ng tingin kay Timoteo. Isinisilid na nito ang mga libro at kuwaderno sa loob ng bag.

"Wala pa tayong isang oras, Timoteo. Hindi pa rin tapos ang mga takdang-aralin—"

"Patawad, Dalia. Batid mo ang mga tungkulin ko sa aming lupain. Hindi na 'ko maaring magtagal pa o magagalit ang Papa."

Sumilip si Dalia sa suot na relos at saka nakaiintinding tumango. Napakarami nang responsibilidad ang agad na naatas kay Timoteo Lanza magmula nang tumuntong ito ng disinuwebe.

"Ganito ba ulit bukas?"

"Hindi ako makakadaan dito bukas upang samahan ka sa mga gawain. Sa tingin ko, kina Josefa ka muna sumama sa paggawa ng mga proyekto. Umuwi ka na rin para hindi ka nag-iisa rito." Halata na ang pagmamadali sa tono ni Timoteo.

Nagkibit-balikat siya at nagsimula na ring iligpit ang mga gamit. Sa silid na lang niya ipagpapatuloy ang mga natitira pang gawain. Sa katunayan, sa mansyon lang naman nag-aaral at gumagawa si Dalia ng mga kailangan sa kolehiyo.

Subalit magmula nang mag-umpisa muli ang pasukan ay madalang na silang magkita ni Timoteo sa labas ng paaralan. May mga tungkulin na itong ginagawa kasama si Don Jacinto palagi. Nagsasanay na bilang nag-iisang tagapagmana.

Nagpasya silang gumawa ng mga takdang-aralin ng magkasabay araw-araw. Para naman may oras pa rin sila sa isa't isa. Ganoon na kaabala si Timoteo na kailangan na nitong pagsabayin ang oras sa kanya at sa mga gawaing pang-kolehiyo.

"Huwag kang malungkot..." Inabot nito ang kanyang kamay at pinisil.

"Hindi ako nalulungkot. Naiintindihan ko ang iyong mga tungkulin." Binawi ni Dalia ang kamay rito. "Isa pa, inaasahan ko na rin ito."

Pero pagkatapos pa dapat ng kolehiyo, naisip niya. Hindi naman niya akalain na ganito pala ang pamilya Lanza. Sa mga Salamanca ay hinihintay ang pagtatapos ng mga anak bago mag-atas ng mga tungkulin.

Bumuga ng hangin si Timoteo. "Maraming inaasikaso sa lupain. May mga negosyo si Papa na lumalaki nang lumalaki. Kaya't pabigat nang pabigat ang mga tungkulin. Nais niyang agaran akong sanayin upang pagtapos natin ng kolehiyo ay hindi na bago sa akin ang mga sistema."

Iniwas ni Dalia ang mga mata. "Tama naman 'yon. Hindi mo kailangang magpaliwanag pa."

Lumapat ang palad nito sa kanyang kaliwang pisngi at marahang hinarap iyon sa direksyon nito. "Pangako, oras na payagan ako nina Papa at Mama na lumiban kahit isang araw lang ay ibubuhos ko ang buong panahon na 'yong kapiling ka, Dalia."

Kusang sumilay ang mga ngiti sa mga labi niya. Batid niyang wala silang pormal na pagkakasunduan para humingi siya ng oras at atensyon na dati nitong naibibigay. Naiintindihan naman ni Dalia na may kanya-kanya silang buhay at may responsibilidad ni Timoteo sa pamilya. At sa katunayan, wala nga itong kahit anong dapat ipangako sa kanya dahil ni walang pangalan ang kanilang ugnayan.

Gayunpaman, hindi niya maiwasang makaramdam ng kiliti sa kalooban. Kahit pa gaano kaabala si Timoteo, iniisip siya nito.

Napabuntonghininga siya. "Aasa ako, Timoteo. Subalit huwag mo masyadong isagad ang iyong sarili. Magpahinga ka rin. Isa pa, nagkikita pa rin naman tayo araw-araw sa eskuwela. Sapat naman sa akin iyon."

"Pero hindi sa 'kin," ngisi nito at kinuha muli ang kanyang palad upang kintilan ng halik. "Magsisikap akong maigi sa mga tungkuling inatas na sa akin ng mga magulang ko. Para rin naman ito sa magiging kinabukasan natin, Dalia... Ikaw ang susunod na donya ng mga Lanza."

Sa 'Kin Hanggang Wakas (Valleroso #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon