Kabanata 9
Monasterio
Maghapon akong nagbantay sa tindahan dahil naghihintay ako kay Nero kahit na wala naman siyang sinabi na maghintay ako. Ang sabi niya kasi ay magkita kaming dalawa mamaya. Bakit kami magkikita?
Hindi ko man alam ang dahilan ay naghintay pa rin ako. Nagtaka tuloy si auntie kung bakit hindi na ako umalis sa tindahan gayong pagdating ng hapon ay siya na ang nakatoka sa tindahan.
Pero mag-gagabi na at hindi ko pa rin nakikita si Nero.
“Bakit kaya?” wala sa sariling tanong ko.
Tumayo na ako mula sa mono block. Ala sais na at hindi pa ako naliligo. Kung ano man ang sinabi ni Nero, baka hindi naman talaga siya seryoso doon.
“Isha, maaga akong magsasara ngayon dahil may kailangan ako panoorin sa telebisyon. Ayos lang ba?” si auntie pagkapasok ko sa loob.
“Ikaw po ang bahala, auntie. Maliligo po muna ako.”
“Sige. Bakit mukhang matamlay ka?”
Natigilan ako sa paglalakad at nilingon siya. Mabilis akong umiling at ngumiti.
“Hindi po, auntie. Nanglalagkit na po kasi ako dahil medyo mainit ang panahon.”
“Ay sige lakad na. Bakit kasi hapon ka na maliligo? Dati naman ay maaga pa lang at presko ka na.”
“Wala lang po...”
Hindi ko gustong sabihin na hinintay ko si Nero sa nagdaang maghapon dahil siguradong aasarin niya lang ako. O, hindi kaya ay mas lamang ang pagsasabihan. Wala naman siyang alam na... may gusto na ako kay Nero.
Hindi ko na itatanggi pa ang katotohanan na ‘yon. Ako lang naman ang nakakaalam. Wala akong planong sabihin sa iba.
Pagkatapos maligo ay saktong nagsara na si auntie ng tindahan. Hindi na ako lumabas pa para kumain ng hapunan dahil medyo busog pa ako. Hapon na rin ako kumain ng para sa tanghalian kaya hindi pa ako nakakaramdam ng gutom.
Nakaidlip ako ng ilang oras. Nang magising ay alas otso na at saka pa lang ako nakaramdam ng gutom. Lumabas ako ng kwarto. Ang ilaw sa kusina na lang ang nakabukas. Tiningnan ko ang mga pagkain na nakatakip at kumain ng kaunti. Nang matapos ay nagtimpla ako ng gatas at doon sa terasa naupo. Maliwanag na dahil pinalagyan na ni auntie ng ilaw.
Sa bahay kaagad nila Nero ako unang tumingin. Gano’n na lang ang pagkalabog ng puso ko nang matanaw ko siya sa labas ng gate nila at nakaupo sa batuhan na naroon.
Bukas ang ilaw malapit sa gate nila kaya naman tanaw ko kung saan nakatuon ang mga mata niya.
Sa akin.
Tumayo siya mula sa pagkakaupo at naglakad palapit sa bahay. Huminto siya sa mismong tapat, titig na titig sa akin.
Nakapamulsa, tila siya naghihintay na lapitan ko. O, kung tamang iyon ang basa ko sa ekpresyon ng mukha niya. Sa huli, sinunod ko ang bulong ng isip. Tumayo ako mula sa kahoy na upuan at naglakad palapit sa gate namin.
“Nero...” tawag ko sa kaniya. “May k-kailangan ka? O, bibilhin sa tindahan? Puwede kitang pagbuksan.”
Ikaw pa ba.
Umiling siya. “Come here.”
Kapag talaga siya ang nagsasalita, parang pakiramdam ko ay wala akong ibang pagpipilian kung hindi ang sumunod. Isang sabi niya lang na pumunta ako roon, heto ako at binubuksan kaagad ang padlock ng gate namin.
Ilang hakbang lang at nasa harapan niya na ako. Hindi nagbago ang ekpresyon ng mukha, nananatili pa rin seryoso ang ekpresyon habang nakapamulsa.
Gabi na pero ang presko niya pa rin tingnan na para bang magsisimula pa lang ang araw para sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Monasterio Series #6: Trapped in Her Arms
RomanceBeing kept in the province of Santa Fe Nueva Vizcaya all throughout his life, Reon Alexis Monasterio had to live away far from his family. Sa takot na mangyari ulit ang bangungot ng nakaraan, nagtiis siyang mag-isa kasama ang mga taong hindi niya ka...