Kabanata 5

21.4K 1K 188
                                    

Kabanata 5

Emperador

Paikot ikot sa higaan, hindi makatulog dahil masiyadong abala ang isip ko dahil kay Nero. Paulit ulit na sumasagi sa isipan ko ang naging pagsama niya sa akin sa palengke kaninang umaga lalo na ang naging pag uusap namin sa may parke.

Alam ko naman na nagbibiro lang siya nang magbigay siya ng “halimbawa” kapag may nangyari sa amin. Hindi ko lang maiwasan ang makaramdam ng kung anong kiliti sa sikmura ko dahil sa paraan niya ng pagkakasabi. Para bang seryoso. Parang gagawin talaga.

Ni minsan sa buong buhay ko ay hindi pa ako nagka nobyo. Hindi ko rin naranasan ang malapitan ng mga lalaki dahil tanging ang pag-aaral lang ang inatupag ko noon.

Hindi ko ugali ang makipag usap sa mga lalaki. Hindi rin naman ako mahiyaing tipo ng babae pero siguro ay wala lang talaga sa interes ko ang makipaglapit sa kanila.

Ang totoo, si Nero ang unang lalaki na hinayaan ko makalapit sa akin. May mga bagay na hindi ko magawang maipaliwanag sa tuwing magkalapit kami.

Oo at suplado siya. Madalas ay tahimik at hindi namamansin. Iritado ako sa mga gano’ng klase ng tao pero pagdating sa kaniya ay para bang ayos lang. Na kapag nginitian niya naman ako, sulit.

Inalis ko ang kumot sa ibabaw ng katawan at marahas na bumangon. Nagkamot ako ng ulo at huminga nang malalim.

“Ano ba ang nangyayari sa’yo, Isha?” wala sa sariling bulong ko.

Tumayo ako at isinuot ang tsinelas pang bahay. Sarado na ang tindahan namin. Maaga nagsara si auntie dahil inaantok na raw siya.

Nagtungo ako sa kusina para kumuha ng tubig na maiinom. Dahil hindi makatulog ay dumiretso ako sa terrace at doon muna tumambay.

Malamig ang simoy ng hangin. Mabuti na lang at pajama ang suot ko at may panglaban ako kahit papaano.

Naupo ako sa silyang kahoy at pinagkrus ang mga binti. Kaagad na tumama ang mga mata ko sa bahay nila Nero. Bukas pa ang ilaw nila sa terrace. O, baka sadyang nakabukas talaga ‘yon? Wala na rin ako nakikitang bukas na ilaw sa mga bintana nila.

Tulog na kaya siya?

Alas nueve pa lang pero tahimik na ang buong baryo. Gano’n naman ata talaga sa mga probinsya. Pag lubog pa lang ng araw ay nasa loob na ng mga bahay ang mga tao. Hindi gaya sa Maynila, inaabutan ng madaling araw sa kalsada para lang sa pagtambay.

Uminom ako mula sa baso. Sa gitna ng pag lagok ng tubig ay nahagip ng mga mata ko si Nero na kalalabas lang ng terasa nila. Hawak sa isang kamay ang itim na tasa, naupo rin siya sa silyang naroon at pinagkrus ang mga braso sa tapat ng kaniyang dibdib.

Hindi ko na nagawa pang alisin ang baso sa pagitan ng mga labi ko habang titig na titig sa kaniya kahit pa malayo ang distansya niya sa akin. Mas lalo siyang gumwapo dahil sa kaswal na suot niya. Puting t-shirt at kulay abong sweat pants.

Hindi ko alam kung pansin niya ako dito dahil walang ilaw sa terrace namin. Sana ay hindi. Nakatuon sa ibang direksyon ang mga mata niya kaya naman nasisiguro ko na hindi ako kita dito.

Kung sakali mang makita ka niya, alangan namang titigan ka niya, Isha, na kagaya ng ginagawa mo sa kaniya ngayon?

“Naku! Sarado na kaagad sila Aling Sherlie? Ang aga pa. Baka gising pa si Isha?”

“Sandali, subukan kong tumawag.”

Naagaw ng usapan na ‘yon ang atensyon ko mula kay Nero. Dalawang kapitbahay ang nasa tapat ng tindahan at nag uusap. Kung tama ako ng pagkakatanda, anak ni Mang Jerry ang isa sa kanila. Hindi ko gaanong matandaan ang kasama niyang lalaki pero nasisiguro ko na nakita ko na rin siya nung fiesta.

Monasterio Series #6: Trapped in Her Arms Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon