Kabanata 1

32.9K 1.2K 289
                                    

Kabanata 1

Libre

Walang tigil sa pagtulo ang mga butil ng pawis sa mukha ko dahil sa matinding tirik ng araw. Pumapasok ang sikat nito sa maliit na tindahan ni Auntie Sherlie kahit na halos ala sais pa lang naman ng umaga.

Gano'n ata talaga kapag nasa probinsya, mas maaga sumikat ang araw. Sa Maynila noon ay alas otso na pero kadalasan ay makulimlim pa rin. Marahil ay dulot na rin ng polusyon.

"Ayan! Maganda na ang tindahan natin, Isha! Punong puno at kumpleto." bakas ang tuwa at pagkasabik sa boses ni auntie.

Iginala ko ang tingin sa maliit na tindahan. Kahit papaano ay nakaramdam ako ng saya dahil alam ko na kaming dalawa ang naghirap na mamili at mag ayos ng lahat ng narito.

"Magbubukas ka na rin ba ngayon, auntie?" tanong ko.

Isinasabit niya ang ilang sachet ng shampoo sa alambre sa bandang itaas niya bago nagbaba ng tingin sa akin.

"Oo. Pagkatapos natin ay puwede na tayong magtinda. Kung puwede ay ikaw na muna ang maunang magbantay habang nagluluto ako ng ulam natin sa pananghalian."

Tumango ako. "Sige po. Maliligo muna ako dahil basa na rin ako ng pawis."

"Patuyuin mo muna iyan bago ka maligo at baka pasukin ka ng lamig at ubuhin."

Tumango ako saka tahimik nang lumabas ng tindahan. Pagkakuha ng damit sa kwarto ay nagdiretso ako sa banyo at naghubad na ng damit. Pinagmasdan ko ang itim na timba na puno ng tubig.

Huminga ako nang malalim at nagsimula nang maligo sa paraang hindi ko nakasanayan.

Nang matapos ay kaagad akong nagbihis at lumabas ng banyo. Maiksing short na itim at puting oversized tshirt lang ang suot ko. Palabas na si auntie nang magtungo ako sa tindahan.

"Sakto at tapos na ako, Isha. Ikaw na ang bahala. May mga presyo naman ang bawat paninda kaya hindi ka na mahihirapan. Kung may tanong ka naman ay tawagin mo lang ako." aniya.

Tumango ako. "Kaya ko na po."

Isang sulyap pa ang iginawad niya sa loob ng tindahan bago ako nilingon at nginitian. Nang makalabas siya ay tuluyan na akong pumasok at naubo sa monoblack.

Malalim na buntonghininga ang pinakawalan ng dibdib ko. Iniisip ko palang na sa ganitong sitwasyon lilipas ang buong maghapon ay para na akong inaantok.

Isinandal ko ang batok sa silya at pumikit. Mahaba naman ang naging tulog ko pero pakiramdam ko ay bitin pa rin.

"Aba'y may bagong tindahan pala dito! Kayo rin ang mga bagong lipat, ano?"

Mabilis akong nagmulat ng mga mata nang marinig ang boses na 'yon. Isang matanda na puti na ang mga buhok ang nakatayo sa labas ng tindahan ang nakatingin sa akin. Sa klase ng ngiti niya, halatang mabait na tao siya.

"Kami nga po. Kabubukas lang din po ng tindahan namin." sagot ko sa kaniya at ngumiti. .

Tumango tango siya at inilibot ang tingin sa mga nakasabit.

"Mukhang kumpleto ang paninda n'yo. Mabuti at hindi ko na kailangan pang pumunta sa ibang kanto. Sandali lang at bibili ako. Hinihintay ko lang ang listahan mula sa anak ko..." aniya at lumingon sa likuran. "Choleng! Nasaan ka na ba?"

Isang may katabaang babae ang humahangos palapit sa matanda. May hawig ito sa kaniya kaya nasisiguro kong magkadugo rin sila.

"Heto na, 'Nay. Kulang pa ho pala ng kamatis. Wala na tayong stock doon." sabi nung babae at tumingin sa gawi ko.

Monasterio Series #6: Trapped in Her Arms Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon